Katawan ko, Templo ng Diyos

Kapag naiisip natin ang pangalan ng Panginoon Jesus, tiyak tama akong ang unang pumapasok na larawan sa isip natin ay isang Jesus na maamo, mabait, may pagpapahalaga sa tao lalo na sa mahihirap at mahihina, mahinahon kung magsalita.

Pero sa ebanghelyo ng paglilinis ni Jesus ng Templo, tila baga ito ay naging kabaligtaran. Si Jesus ay naghurumentado sa galit, ika nga.

Jesus-Cleansing-the-Temple-650x276

Sirain at baguhin. Ito ang naging dalawang kadahilanan ng Kanyang pagkagalit.

Nais ni Jesus na sirain ang kawalang respeto sa simbahan at pagiging marumi nito sa pandaraya at korupsyon.

Paano ba naman, yung mga hayop na ginagamit na sakripisyo ay hindi tinatanggap sa templo kapag hindi dun sa mga tamang tindahan binili. Ang problema napakamahal naman, tapos yung gagamitin mong perang pambili pag pinapalit mo sa mga tindahan dun ay mahal din ang palitan.

Ang mayayaman ay may kakayahang mag alay ng tupa, samantalang ang mahihirap ay isang kalapati lamang.

Ang mga mahihirap ay tila baga wala ng kakayahang mag alay dahil sa mga pandarayang nagyayari dito.

Ito ang kinagalit ni Jesus, ang ganitong uri ng sistema, sistema ng pandaraya at korupsyon.  Sa paglilinis na ito ni Jesus, nais niyang linisin din ang templo sa inhustisya at panawagan ng pagpapanibago.

Nais ni Jesus na baguhin patungo sa pagpapanibago sa pagdating ng bagong panahon.

Nasabi ni Jesus; “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw”

Ngunit hindi ito naunawaan ng mga tao.  Paanong ang templong, apat napung taong itinayo, ay magagawa lamang sa tatlong araw.

Ang paliwanag sa likod ng pangungusap na ito na ang bagong Templo ay: Gigibain, mula sa pagiging marumi sa korupsyon patungo sa pagpapanibago at perpekto.  Hindi na kailangang mag alay ng mga hayop sa kapatawaran ng mga kasalanan dahil mismong si Jesus na ang perpektong mag aalay ng Kanyang Sarili sa lahat ng panahon. Hindi na ang templong yari sa bato, kundi mismong si Jesus na muling nabuhay bilang pinuno ng Simbahan.  Sa paglilinis at pagpapanibago ng templo, ginagarantiyahan tayo ni Jesus ng kaganapan ng planong kaligtasan ng Diyos.

Ngayong araw na ito, ipignadiriwang sa Santa Iglesia ang makasaysayang pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma, itinayo noong ikaapat ng siglo. Ito ang Simbahang Katedral ng mga Santo Papa, na nagsilbi ring kanilang tirahan bilang Obispo ng Roma at pastol ng unibersal na Iglesia. “INA AT PINUNO NG LAHAT NG SIMBAHAN SA ROMA AT SA DAIGDIG” ang siyang taguri sa basilikang ito.  Ito ang simbahang ginagamit ng Santo Papa noong unang panahon nang wala pa ang Basilika ni San Pedro.

Isang napakagandang kapistahan at Ebanghelyo ang ating narinig.  At tayo ay hinahamon na tignan ang ating mga sarili.  Kapag muli akong nagtanong, kung ano ang unang pumasok sa isip natin kapag nabanggit ang salitang simbahan?

Masasabi natin marahil na ang simbahan ay isang lugar, gusali, bahay dalanginan…tama naman po talaga, ang simbahan ang siya nating tahanan…kung saan tayo ay tumatahan sa ating mga hirap na nararanasan dahil alam nating nasa piling natin ang Ama, na Siyang nagpapatahan sa atin.

Ngunit ang simbahan ay hindi natin maaring limitahan sa taguring lugar o istrakturang bato lamang.  Ang simbahan ay ako, ikaw, tayong lahat na binyagan, tayong dumudulog sa Eukaristiya.  Ang ating katawan ay templo ng Espiritu Santo.  Paano kaya kung dumating si Jesus at titignan ang kaibuturan ng ating puso, ng ating kaluluwa? Ano kaya ang kanyang makikita?

Marahil muli na naman siyang magagalit at magwawala, dahil ang templong katawan natin ay puno ng karumihan ng galit, pagkamakasarili, pagmamataas, inggit at iba pang kasalanan.

images (1)

Panginoon, marapatin Mo pong maging kalugod-lugod akong templo ng Iyong Banal na Espiritu. Amen.

Advertisements

PUSO NG INA

Kung bubuksan natin at titignan ang puso ng ating mga ina, ano kaya ang ating makikita? Sabi nga sa kanta: kung nais mong matanto, buksan ang aking puso, at tanging larawan mo, ang duon ay nakatago. Tunay na sa puso ng bawat ina ay ang anak ang nasa kanyang puso. Ang puso ng isang ina ang siyang luklukan ng pagibig niya sa kanyang anak.


Puso, ang nag aalab na pag ibig ng isang ina sa kanyang anak. Puso, ang nagbibigay inspirasyon sa ina na patuloy na mangarap at magpunyagi para sa kanyang anak. Kapag huminto ang puso ng isang ina, tiyak ang tibok ng puso ng anak at wala rin.

Kapag masaya ang anak, tiyak masayang-masaya ang ina. Kapag malungkot ang anak, tiyak malungkot na malungkot ang ina.
Ilang araw na lang mula ngayon, atin na namang gugunitain ang Araw ng mga Ina. Kapag ina na ang pinag-uusapan, dagdagan pa ang katagang pagmamahal, sigurado ako na marami sa atin ang nagiging emosyonal. At katulad ng lahat ng mga ina, si Inang Maria ang siyang huwaran nila.

P – pananampalataya, pananalig. Dahil sa pusong marunong manalig at sumampalataya sa Diyos, nagging madalikay Maria ang magmahal. Pananampalatayang hindi mapapantayan ng kahit na sinong babae at ina. Pananampalatayang handing maglaan ng sarili. Pusong sumasampalataya.
Image
U – unawa. Maraming mga pangyayaring naganap sa buhay ni Hesus, ang talagang hindi maunawaan ni Maria. Sa ebanghelyo, kung saan si Hesus ay nawala at natagpuan sa templo, hindi niya maunawaan na ang batang Hesus na ito ay magsasalita na Siya ay di dapat hanapin dahil Siya ay nasa templo ng kanyang Ama. Kung patuloy itong inunawa ni Maria gamit ang kanyang isip, ay talagang malabo siyang makakuha ng kasagutan. Ngunit ang ginamit niya ay puso. Puso ang ginamit niya upang mauwaan niya ang lahat-lahat. Maingat niya itong inalagaan sa kanyang puso. Pusong umuunawa.

S – sunod. Kapagmahal mo ang isang tao, madaling sumunod. Madaling umayon sa kanyang mga desisyon. Ganyan din ang nangyari kay Maria, mula sa pagbabalita ng anghel na siya ay magdadalang tao, pagsabihan ni Hesus sa kasalan sa Cana, hanggang sa pananatili sa krus, ang kagustuhan ng Diyos ang siya niyang sinunod. Mahirap, gunit dahil sa pusong handang sumunod ito’y naging napakadali. Pusong sumusunod.

O – ras. Sa panahon ngayon, lahat mabilisan, lahat nagmamadali, lahat nakadepende sa oras. Si Maria ay naglaan ng panahon at oras sa kanyang Anak. Sa kasalanan sa Cana, nasabihan siya ni Hesus: “hindi ko pa oras, maghintay ka…” Kapag mahal natin ang isang tao, handa tayong manatili at maglaan ng oras para sa kanya. Napakadali para sa may pusong handang maglaan ng oras sa iba.

Pusong ina, pusong may pananampalataya, umuunawa, sumusunod at handa sa paglalaan ng oras. Nawa’y ang puso ng lahat ng ina at maiwangis sa puso ni Maria. Maligayang araw ng lahat ng mga ina.