At Lumuhod ang Diyos sa Tao

 

Saan ka mas komportable

Sa Diyos na makapangyarihan, na nasa langit at nakaupo sa kanyang trono o sa Diyos na kapiling natin at sa atin ay naglilingkod?

Imahe ng Diyos

Lumaki tayo na ang imahe ng Diyos na alam natin ay makapangyarihan, at naglikha ng buong mundo, na nasa langit at sa atin ay nagmamasid sa mga ginagawa natin dito sa lupa.  Ang Diyos na nagbibigay sa atin ng mga biyaya, at nagpaparusa sa mga kasalanang ating ginawa.  Ang Diyos na tumutugon sa lahat ng ating mga tanong at pangangailangan.  Ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono ang sa atin ay maghuhusga sa katapusan ng ating buhay.

B03-ChristTheKingSundayinOrdinar-2.jpg

At tunay namang napakahirap makilala ang Diyos, lalo na at ang Diyos na ito ay luluhod sa ating mga tao, katulad ng alipin na maghuhugas ng ating mga paa.  Ang Diyos na nagpakakaba, hinubad ang kanyang pagka Diyos, iniwan ang kanyang trono sa kalangitan at pinili ang maging maralita katulad ng isang alipin.  Ang Diyos na pinili ang maging tinapay, para hatiin at ibahagi sa kagutuman ng sangkatauhan.

Diyos na lumuhod sa tao

Ito ang gusto Niyang mangyari sa Kanya para sa atin. Ang Diyos na Haring handang maglingkod at hindi para paglingkuran. Nasabi ni Pope Emeritus Benedict XVI sa isa sa kanyang mga pagninilay: “ Nuong ang Diyos ng mundo ay dumating at naging alipin sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga paa ng kanyang mga apostoles, nagkaruon tayo ng bagong larawan.  Ang Diyos ay lumuhod sa tao, upang tayo ay itaas. Ang misteryo ng kapangyarihan ng Diyos ay makikita sa katotohanang siya ay walang wala, mababang mababa.”

Sino ba sa atin dito ang nanaisin na maging mababa? Ung inaapakan, ung kinakawawa? Hindi ba sa telerserye ng pagbabanggaan ng makapangyarihan sina Claudia at Amor, bumaligtad ngayon ang mundo, natikman na ni Claudia ang kapangyarihan ng inapi. Nangyari na ang banta ni Amor: “matitikman ninyo ang batas ng inaapi!” at tunay namang siya ay punung puno na ng powers.

images (4).jpg

Lahat tayo ay nagsisipag sa buhay, patuloy na nangangarap na magkaruon ng maginhawang buhay, maging mayaman, maging sikat, maging somebody ika nga. Sa kabilang banda gusto rin natin ang Diyos natin ang siyang pinaka malakas at makapangyarihan.  Pero naiba ang takbo ng istorya ng mismong si Jesus ay ibang takbo ng plano.  Gusto nyang ipakita sa ating mga tao ang mukha ng tunay na Diyos, na hindi pa natin tunay na napapahalagahan at tinutularan – Diyos na nagpakababa at hindi natakot na maglingkod tungo sa daan ng buhay paglilingkod.

Kung inaaasam natin ang pagdating ng araw na kung saan tayo ay kikilalanin at pararangalan sa kung ano ang nakamit nating tagumpay – posisyon, yamang material, kabaligtaran naman Kay Jesus na lumuhod sa kanyang mga apostoles, at naghugas ng kanilang mga paa. Kakaiba di ba? Di natin maarok di ba?

Naranasan nyo na ba ang mag pa footspa? Kamusta naman?  Kapag nakapag pa footspa ka, masasabi nating isa na itong luxury.  Nasubukan ko na rin ito isang beses, at habang ginagawa ito sa akin, ay talaga namang gusto ko ng sipain ang nag fo-footspa sa akin sa sobrang kiliti.  Napa isip na lang tuloy ako, ng medyo kalmado na ako, pinangarap kaya ni ate ang trabahong ganito, ang humawak ng mga paa ng iba, may amoy na paa, punung puno ng kalyo paa.  Sino ba naman ang nag nanais na maging ganito ang trabaho.

images (5).jpg

Iniba ni Jesus ang mundo, he turns the world upside down at hinahamon nya tayong mga taga sunod Niya na tignan ang tunay na kagandahan, kabutihan at pagiging dakila ng tunay na paglilingkod.  Nakikita sa kababaan ang tunay na kataasan – kaluwalhatian, at sa tunay na pagliligkod sa ating kapwa – naruruon ang tunay na tagumpay.  Ito ang kanyang pinangaral…ito ang kanyang isinabuhay…

Matatapos na ang taon, matatapos na rin ang Year of the Poor. Lahat tayo ay mahirap, ngunit may kakayahang maglingkod sa munting pamamaraan natin.  Nasubukan ba natin, kamustahin man lamang ang ating kapwa rin na mahirap na katulad natin.  Ang ating pangangamusta sa kanila ay paraan na rin ng pagliligkod sa kanila. At ngayon tayo ay iniimbitahan tayo ni Jesus: gawin ninyo ito bilang pag alala sa akin, kung paanong hinugasan ko ang inyong mga paa, maghugasan din kayo ng mga paa ng bawat isa.”

11406500_1150221771661986_8354235074683913725_o.jpg

Pagluhod, isang panawagan…

Nagkaruon ba ng pagkakataon na may mga taong lumuhod na sa harapan nio?

O kaya ay ikaw mismo ang lumuhod sa ibang tao?

Alam kong kakaiba ang ganitong uri ng senaryo, Gaano pa kaya ang Diyos ang siyang lumuhod sa harapan mo – ang Diyos na Haring nililuharan natin sa Banal na Sakramento. Ginawa niya ito dahil sa sobrang pagmamahal Nya sa atin.

At paano tayo tutugon sa Haring Diyos na nakaluhod sa harapan natin?

THANK YOU…

Maraming pagkakataon na ako’y nagbabahagi ng Katawan ni Kristo sa parte ng komunyon sa selebrasyon ng Banal na Eukaristiya. “Ang Katawan ni Kristo…” ang lagi kong sinasabi sa taong makikinabang nito. “AMEN” ang inaasahan kong tugon dito. Ngunit nakarinig na rin ako ng tugong “THANK YOU…” na talaga namang nagdulot sa akin upang makapag isip kung bakit thank you ang sagot at hindi ang Amen.

Ngayon ang kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus (CORPUS CHRISTI). Ginugunita ng buong Simbahan ang pagkakaloob ng isang napakahalagang regalo ni Hesus sa atin, ang Kanyang Katawan at Dugo na ating tinatanggap sa Eukaristiya.

The-bread-becomes-the-body-of-christ-through-transubstantiation-where-consecration-changes-the-substance-of-the-bread-but-not-the-appearance-Microsoft-Clip-Art

Thank you, may Eukaristiya tayong pinagsasaluhan, na ibig ipakahulugan ay mapasasalamat.

Thank you, may komunyon, nag bubukas palad tayo upang tumanggap, at pagbubukas palad sa mga nangangailangan.

Thank you, may Katawan at Dugo tayo ni Hesus na ating tinatanggap na talagan namang walang hanggang buhay ang dulot sa atin.

PILA PARA KAY KRISTO

Nakakainis o nakakaasar kapag naka pila.  Kahit saang pila nasasagad ang ating pasensya.  Sa umaga pa lang pila na ang bawat myembro ng pamilya sa CR para makaligo para makapasok sa eskuwelahan o sa opisina.  Paglabas ng kalye, pila rin ang napakabigat na trapik ng mga sasakyan.  Ganun din sa pagsakay sa LRT at MRT.  Kapag pupunta tayo sa mga tanggapan ng gobyerno para maka kuha ng kanilang serbisyo, talaga namang napakahabang pila rin ang susuungin.  Kung puwede lang sanang may shortcut, kung puede lang sanang mabilisan lahat.

download (1)

KAPISTAHAN NG PAGBIBIYAG KAY JESUS NI SAN JUAN BAUTISTA SA ILOG JORDAN.

Sa Ebanghelyo ng pagbibinyag kay Jesus, ating mababasa na may panawagan si Juan Bautista na: “magsisi, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nalalapit na.”  Marami ang nakarinig sa paanyaya ni Juan, kaya ura uradang ang mga tao ay pumila para mabinyagan.  Ngunit pina alala ni Juan, na ang pagbibinyag nya ay sa tubig lamang, ngunit ang Siyang darating ay magbibiyag sa kanila sa Banal na Espiritu.

At si Jesus ay nakiisa sa pagpilang ito, at nakiusap kay Juan na Siya man ay binyagan.  Ngunit matatanong natin, bakit kailangan magpabinyag ni Jesus? Bakit kailangang nya ring pumila kasama ng mga makasalanan?  Alam natin na ang binyag ang nagpapawala ng kasalanan.  Ngunit si Jesus ay wala nito.

Pumila at nagpabinyag si Jesus dahil:

  • GUSTO NIYANG IPAHAYAG ANG KANYANG PAKIKISA SA SANGKATAUHAN. Gusto Niyang ipakita na kaisa natin Siya.  Pinagdaanan Niya ang buong proseso ng pagpila at paghihintay, walang shortcut, walang palakasan. Hindi Siya natakot na mahalintulad s amga taong makasalan.
  • GUSTO NIYANG ANG TAO AY MAGING MALINIS SA KASALANAN. Nang Siya ay binyagan, hindi Siya napabanal ng tubig, bagkus Siya ang nagpabanal ng tubig na ginagamit sa atin sa pagbibinyag.  Kaya lahat tayong nabinyagan ay nagiging malinis at banal.

download

  • GUSTO NIYANG ANG TAO AY MAGING PARTE NG PAMILYA NG DIYOS. Nang si Jesus ay biniyagan: may isang tinig na nagwika: “Ito ang aking pinakamamahal na Anak, na lubos kong kinalalaugdan.”  Nuong tayo ay bininyagan, tayo ay naging mga anak ng Diyos, naging kapatid ni Jesus.  At darating baling araw, na pipila tayo sa pintuan ng tahanan n gating Ama kapag tapos na ang ating buhay dito sa lupa.

Ang kapistahan ng pagbibiyag kay Jesus ay hudyat ng pagsisimula ng misyon ni Jesus, misyon na maglingkod at hindi ang paglingkuran.  Ito ay panawagan sa atin, lalo na iyong mga tinatawag na maglingkod: magulang, teachers, government and church leaders, at kahit ano pa mang paglilingkod.  Katulad ni Jesus, ang paglilingkod ay hindi isang posisyon na dapat ipagmayabang, bagkos ito, ay katulad ng pagpila kasama ng mga makasalan.  Kadalasan po kasi, kung sino pa ang mga lider natin, sila ang ayaw pumila, gagamitin ang kanilang impluwensya at koneksyon para hindi maabala. Alam kasi nila na sial ay espesyal.  Kung ganun ang mga lider na ito ay malayong malayo sa ating modelong si Jesus, na marunong makiisa.

images

Ngayong Linggo na ito, lahat tayo ay abala, exited na exited na, ilang tulog na lang, kasi masisilayan natin ang Santo Papa Francisco, ang modelo natin kung paano ba ang maglingkod katulad ni Jesus. Nagliligkod ng may awa at pagmamahal. Mercy and compassion.  Nawa’y mapag alab Niya an gating pananampalataya na tayo ay tinatawagan rin na maglingkod.

Ang kapistahan ng pagbibiyag kay Jesus ay hudyat ng pagsasara ng panahon ng kapaskuhan. Marahil marami na sa atin ang nakapagligpit na ng mga Christmas decorations. Naitabi na natin lahat. Naipila na natinsa ating bodega.  Nawa’y ang liwanag na dala ni Jesus na isinilang sa ating mga puso ay patuloy na mag alab.

Kapag tayo ay dumadalo ng misa, tayo ay pumipila para tanggapin si Jesus sa komunyon.  Kung tayo ay may tapang na pumila upang siya ay tanggapin, nawa’y magkaruon din tayo ng tapang na panindigan ang ating pagiging binyagan.  Na tayo ay Kristiyano.  Na tayo ay para kay Kristo.

UNA TAYO SA PAGMAMAHAL NG DIYOS

Bakit tila baga, uso ngayon ang maging huli sa maraming bagay? Sa napakabagal na daloy ng trapiko kahit saang parte ng Metro Manila, tiyak huli na naman tayo sa pupuntahan ko. Sa napakaraming beses na pagka aberya ng MRT/LRT, tiyak ulit na mahuhuli tayo sa ating patutunguhan.  Pati mga kawani ng pulis, naki uso na rin sa huli, ibang pagkahuli nga lang, hulidap. Pati tuloy tayong nag nagsisimba tuwing Linggo, nakiki-in na rin, marami ay huli na kung dumarating.

Di ko alam kung talagang parte na ng ating sistema at kultura ang maging huli sa maraming pagkakataon. Nasasabi tuloy natin… “Mamaya na lang yan, marami pang oras”… “Maaga pa masyado hindi naman magsisimula yan kapag wala ako”… Kaya marahil pati ang ating ekonomiya, ay huling huli na rin.  Hindi langsa pagiging huli tayo magaling, napakagaling din nating na magkwenta ng pera, magbilang ng pagkakamali ng iba, magsumbat ng mga naitulong natin sa ating kapwa, at mainggit kapag nakikita nating umaasenso, o dili kaya maramag talent ang ibang tao.

images (1)

Ang talinghaga ng may-ari ng ubasan ay talinghagang isinalaysay upang isalarawan ang kasabihang “ang mga nauuna ay nahuhuli, at ang nahuhuli ay nauuna.”

Ang mga nauna ay yaong mga tinawag sa madaling araw; ang mga nahuli ay yaong mga tinawag isang oras bago matapos ang araw. At pagdating pagdating sa suwelduhan, ang mga inunang bigyan ng denaryo ay iyong mga naka-isang oras ng pagtatrabaho at ang mga inihuli ay yaong pinakamatagal sa pagtatrabaho.

Sa unang dinig, mahirap unawain ang turo ng ebanghelyo natin ngayon. Matatanong tuloy natin, nasaan ang hustisya sa tamang pag gawa?  Ngunit kung ating palalalimin – ito ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos. Ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos na nakaugat mula sa kanyang kagandahang loob. Ang hiwagang nagtuturo sa atin na ang pag ibig at kabutihan ng Diyos ay walang sukat, , walang pagtitimbang at walang hanggan

images

Tinimbang tayo ngunit kulang. Kay raming beses na tayo ay naging huli sa maraming bagay. Kay raming beses na hindi na tayo  dapat pang bigyan ng pagkakataon ng Diyos dahil sa ating mga pagkukulang at kasalanan. Kay raming sitwasyon na hindi na tayo dapat pagbigyan pa ng pangalawang pagkakataon. Pero ang Diyos, ay Diyos ng maraming pagkakataon.         Dahil hindi Siya mahilig maglista. Hindi Siya marunong magkwenta.  Hindi Siya nag titimbang ng pagkakamali.  Hindi sumusukat sa ating kalimitahan.

Aminin man natin o hindi, lagi taong huli sa maraming bagay at pagkakataon. Pero huli man tayo at walang kwenta, patuloy pa rin Niya tayong mamahalin.

BOKASYON

Ang bawat bokasyon ay may kalakip na kwento, kwento ng paghahanap sa Diyos, at mismong paghahanap ng Diyos sa tao. Napakahabang kwento kung aking isasalaysay ang aking kwentong bokasyon. Sa apat na puntos akin itong ilalahad.

Una, ang bokasyon ay isang banal na pagtawag mula sa banal na Tumatawag (Diyos). Tinawag sa ganitong buhay dahil sa pagmamahal ng Diyos. Maraming uri ng bokasyon, hindi ito nalilimitahan sa pagpapari, ito man ay maging sa pag aasawa, o estadong nag-iisa.

Ikalawa, ang Diyos sa kanyang pag tawag, walang sini sino, napakarami ko nang narinig nagsabing: “Bakit ako papasok ng seminaryo,eh makasalanan ako, para lang yan sa mga banal.” Meron pang nagsabi na: “Naku bakit ka nasa seminaryo? Sayang ka?” Dalawang magkasalungat na pananaw, na nangangailangan ng kaliwanagan. Una, hindi nalilimitahan ang pagtawag ng Diyos sa mga mahihina, makasalanan, at walang kwenta. Hindi man kapatdapat sa Banal na Tawag, Kanya itong minamarapat. Ikalawa, bakit tayo nanghihinayang na magbigay sa Diyos, at ang ibinibigay natin sa Diyos ay iyong the best natin, hindi latak at tira tira lamang.

Ikatlo, ang Diyos ay patuloy na kapiling natin, ang Diyos na nasa seminaryo at simbahan, ay parehong Diyos na nasa ating tahanan, nasa paaralan, nasa opisina at iba pa at higit sa lahat nasa puso natin at hindi nawawala. Naranasan ko ito ng ako ay lumabas pansamantala ng seminaryo, ang Diyos na iniwan ko sa seminaryo ang Siyang patuloy na gumabay at hindi kailanman nagtampo, at ngayon ay aking tinatapos ang huling taon ng pag aaral sa Teolohiya. Hindi Siya ang nawawala, kundi tayo ang nawawala at lumalayo.

ImagePanghuli, kapag ang Diyos ang tumawag, ang lahat ay kayang iwan. Ang sarap sarap mamili kapag pareho mong pinahahalagahan. Sabi nga sa dialogue ng isang pelikula: Sa isang pipiliin, isang libo ang tinatanggihan. Minahal ko at ginusto ko ang pagtuturo, ngunit tinalikuran ko to, mahalaga ito, pero mas pinili ko ang mas matimbang ang halaga. Sa huli ko na lang nalaman, na kaya ako muling tinawag, ay dahil ayaw niyang malimitahan ang aking pagtuturo sa apat na sulok lamang ng classroom, bagkos sa mas malawak na classroom, sa mas maraming tao, sa mas malawak na classroom, na tinatawag nating realidad ng buhay.

Ngayon, patuloy kong ninanamnam ang sarap ng ikalawang pagtawag, ganuon pala ang pakiramdaman ng muling pakikipagbalikan sa taong pinahahalagahan ka at minamahal. Amen.

KAINAN NA.

Marahil pamilyar kayo sa commercial ng isang sikat ng instant noodles, kung saan pinahahalagahan ang sabay sabay ng pagdulog sa hapag kainan ng isang pamilya, hindi ba’t sa commercial na ito, nagkakaruon din ng pagbabahaginan, nagiging lugar kung saan nagkakamustahan, nagkakaalaman ng mga nangyayari sa pamilya, may komunikasyon sa bawat isa.  ang mga magulang ay nagagabayan ang kanilang mga anak.

Image

Ngunit, tila ang halaga ng salu salo o sama samang pagkain ay nawawala na.  bihira na rin marahil na ang pamilya’y sabay sabay na dumudulog sa hapag kainan, dahil sa maraming ang salik, ang hirap kumain ng hindi nagkikibuan, dahil may mga alitang namamayani sa tahanan, gayundin naman ang pagiging abala sa maraming bagay, tuwing hapunan, marami sa atin ang nakaaabang na sa mga telenovela, ang mga anak, ay hindi maabala sa harapan ng computer, sa internet. At iba pa.

Sa Eukaristiya, sa harap ng hapag, ang Diyos at ang tao ay nagkakamustahan, nag huhuntahan, at hanggang sa dudulog sa kainan.

Ngunit aminin man natin o hindi, tayo ay nasisiyahan kung tayo ay inaanyayahan sa kainan, hindi marahil sa kung ano ang pagkain.  Kundi sa magandang kalooban ng nag anyaya, ang masayang pagtitipon at umpukan ay nagdudulot ng mahalagang kahulugan.  Dahil sa lahat ng ito, bagamat di gaanong kasarap ng pagkain ang panauhin ay lubhang nasisiyahan.  Pinatutunayan nito na ang piging o salu salo na may kasamang masayang umpukan at usapan ay talagang mahalagang simulain at sumasarap ang pagkain.

Image

Si Hesus ay lumalahok sa maraming kainan upang ipahiwatig ang mga bagay na ito.  Una, sa pagsalo niya sa mga naninigil ng buwis, mga makasalanan, ito ay isang maliwanag na tanda ng kanyang pakikiisa sa mga taong ito.  Siya’y isang propeta at guro na nakikipagkaibigan sa lahat sa buklod ng kainan at kapatiran. Ang kanyang pakikiisa ay tanda ng maliwanag na pagpapatawad at pagiging maunawain. Ikalawa, si Hesus ay nagtuturo din habang kumakain, ginamit niya ito upang ipahiwatig ang awa ng Diyos.  Ikatlo, sa Huling hapunan, ang sal-salo na kinasangkutan ng Eukaristiya, siya ay gumamit ng tinapay at alak, mga sagisag ng kabutihan at pag aalaga ng Diyos.  Kaya nga walang dumadalo sa masayang salu salo dahil sa pagkain lamang.  Ang gayong paniniwala ay sinunod sa mga pagkain at sa huling hapunan binigyan diin ang diwa ng pagkakaisa at pakikisama kung kaya sinasabi niyang ang tinapay ang tunay na pagkain at alak ay tunay niyang dugo, ang dugo ng bago at walang hanggang tipan.

 

Ang Eukaristiya ay isang salu salo.  Pagsasalu salo ng hindi lamang pagkain, kundi ng buhay, ng presensya at ng pagkawala, ng tagumpay at kabiguan, ng ngiti at pagluha, dahil alam nating sa eukaristiya, sa hapag ng Diyos, siya ay ating nakakasalo.