Paring ACE

Ngayon araw na ito, tayong lahat ay masayang masaya, sa pagkakaloob sa atin ng bagong regalo, ang regalo sa pagkapari ni Father Ace, tunay naman na siya ang alas natin.  Naging ganap na pari po si Father Ace, dahil sa inyong mga panalangin.

Fr. Ace, nauna lang ako ng ordinasyon sa iyo, apat na buwan pa lang ako sa ministry ko sa pagkapari bilang college chaplain sa De La Salle – College of St. Benilde, hindi ko alam kung gumaganti ka lang sa akin, o ako ang ginawa mong biktima sa unang pagmimisa mo o sa misa pasasalamat mo ngayong gabing ito. At ako ang ginawa mong homilist ngayon.  Pero ang alam ko lang, kaklase kita, katabi sa table sa classroom, confidante, alam natin ang pinagda anan nating mga saya at hirap ng buhay seminaryo, at ako at kapwa mo rin taga Nueva Ecija.

Father Ace, ito na ang simula ng marami mong misa habang ikaw ay nabubuhay, sa iyong pagiging pari magpakailanman.  Sa iyong mga gagawing pagmimisa, ang Banal na Eukaristiya, lagi mo sanang maisabuhay ang four Eucharistic actions na nakapaloob sa misa.

13521881_1550775538560132_2423317485691494630_n

Ayon sa panalagin sa Second Eucharistic Prayer:

“Bago Niya pinagtiisang kausang loob na maging handog, kinuha, hinawakan Niya ang tinapay, pinasalamatan ka Niya, pinaghati hati Niya Iyon, iniabot sa Kanyang mga alagad…”

Taken (kinuha), Blessed (binasbasan, nagpasalamat), Broken (hinati) at Shared (Ibinahagi).

Ang iyong magiging buhay simula ngayon Fr. Ace ay iikot sa Eukaristiya, at sa apat na aksyon na ito.

Taken (kinuha, hinawakan)

Mahigit sampung taon na ang nakakaraan, ng kinuha ka ng Diyos sa lugar na ito, at dinala ka sa seminaryo. Naaalala mo pa ba ang pakiramdam ng unang naramdaman mo ang pagkaway at pagtawag Nya sa Iyo.  Alam ko nuong nasa Maria Assumpta Seimary at San Carlos Seminary ka na, napuno ka ng takot ang puso mo pero nagtiwala ka sa Diyos na tumawag sa iyo

Kinuha ka, ibinukod ka.  Sa iisang pipiliin, napakarami ang tatanggihan. At ginamit mong inspirasyon sa loob ng seminaryo, ang araw na kung saan naramdaman mo ang pagtawag Niya. Nuong naramdaman mong mahirap pala ang buhay seminaryo. Alam ko kagabi, ang gabing bago ka ordinahan, umiyak ka ng umiyak. Ang pag babalik tanaw sa pagkuha sa iyo ng Diyos mula sa pamilya mo. Ang unang pag iyak mo sa seminaryo sa kalungkutan, unang pagkakasakit, unang rejection dala ng community life, at marami pang una.

Mula sa pagkuha sa iyo ng Diyos, mula sa pagbukod sa iyo ng Diyos, ibinabalik ka Niya muli sa mga taong nagmamahal sa iyo, at alam ko lalo pang dadami ang mga magmamahal sa iyo.

Nasabi ng idol kong si John Lloyd Cruz sa pelikulang, Unofficially Yours kay Angel Locsin ang dialogue na ito: “Sa bawat isang pinipili may isang libo kang tinatanggihan……pero higit ka pa sa isang libong bagay na pwedeng tanggihan ng isang taong tulad ko.

Father Ace, yan din ang sinasabi sa iyo ng Diyos ngayong araw na ito.  At sa mga humahanga po kay Father Ace, tandaan po natin, siya ay taken na, committed na.

13516471_1550775471893472_3153276217988759373_n

Blessed (Binasbasan, Pinasalamatan)

Mula sa pag aalay mo ng sarili, sinuklian ito ng Panginoon Father Ace. Kanina hindi ko mapigilan ang maiyak din, naalala ko ang ordinasyon ko apat na buwan na ang nakakaraan.

Lagi mo sanag tatandaan:  our calling is not about us rather it is about the God who loves us, inspite of ourself, inspite of our imperfections. There is no perfect vocation only a perfect intention and the wiliness to trust and surrender our self

Kinumpirma ng Diyos kanina ang napakasidhi Nyang pagmamahal sa iyo. Mahal na mahal ka Niya. Biniyayaan ka Niya. Kaya nga pasang awa ka…Pumasa ka sa awa ng Diyos… Maraming dapat ipagpasalamat sa Diyos – at masusuklian mo ito sa pamamagitan ng mga taong ma ble blessed mo, sa mga taong magkakaruon muli ng pag asa at inspirasyon dahil sa ministry na tataglayin mo.

Broken (Hinati)

Father Ace, bakit  ka ba pumasok ng seminaryo, broken hearted ka ba? Alam ko broken ka, alam ko sugatan ka, alam ko myembro ka ng team sawi.

At kahit ordained ka na, broken ka pa rin…

Manatili kang broken, manatili kang wasak na may puwang. Para ang grasya ng Diyos ang siyang papasok at bubuo at kukumpleto nito.

At ngayon makikinig ka na ng mga kumpisal, sa pakikinig sa mga kasalanan ng mga tao, mararamdaman mo na lang, ang isang paring sawi ay nakikinig sa kanyang kapwa sawi rin.  Pero hindi matatapos duon. Sawi ka man, broken ka man, ikaw ang gagamitin ng Diyos na maging daluyan muling pag bangon nila mula sa pagkakasala.  Ang taglay mo ay grasya ng muling pag bubuo ng nawasak na relasyon ng tao at ng Diyos.

Huwag kang matakot na makita nila ang kahinaan mo, huwag kang matakot na maging tutoo sa harap nila.  Samahan mo sila, makilakbay ka sa mga kasawian na kanilang nararanasan. At sa paghahati mo ng tinapay, alalahanin mo silang hati at sawi ang buhay, upang muling makasumpong ng paghilom.

Shared (ibinahagi)

Sa tagal nating pagiging magkaklase, magkaibigan, ramdam ko ang pagiging bukas palad mo sa akin. Sa pagbabahagi mo ng sarili mo – sa maraming panahong gusto ko ng lumabas ng seminaryo, pero dahil sa pagbabahagi mo ng panahon sa pakikinig at pagpapayo naging pari din ako. Salamat brad.

Ngayong pari ka na, pangungunahan mo lagi ang mga tao sa panalangin, at kapag nananalangin ka laging nakaunat at nakabukas ang mga palad mo. Isang paalala sa iyo, na maging bukas palad ka sa lahat, walang pipiliin, mahirap o may kaya man. At darating din ang araw na sa pagbabahagi mo ng sarili mo sa Diyos at sa ibang tao, iuunat mo rin ang mga palad mo para ka maghirap, hanggang sa maipako ka rin.

Ang sarap sarap Father Ace, magbigay ng sarili sa iba, lalo na sa mga taong hindi na makita ang sarili nila.

Huwag kang mapapagod na magbigay ng sarili, at huwag ka ring matatakot na mawalan, nandyan ang Diyos, nandyan ang Eukaristiya.

13501614_1550775621893457_5851192698509361084_n

At tayong lahat dito ay tinatawagan na magbahagi rin ng sarili – sa pamamagitan ng pagsuporta natin sa ating bagong ordain na paring si Father Ace. Lunurin nio sya ng pagmamahal nio, bugbogin nio sya ng pangunawa nio, at yakapin nio sya ng buong higpit ng inyong suporta.

Naging pari si Father Ace, dahil din sa inyo, handa Siyang mamatay para sa inyo, katulad ng sinusundan Niyang modelo, si Jesus ang Mabuting Pastol.

Masaya ang maging pari, isang pagkakataon na maibabahagi mo ang iyong pagiging taken na, ang napakaraming biyaya dahil blessed na blessed ka, ang iyong mga kakulangan dahil broken ka, at ang kahandaan mong mamatay, to your life for many.

Pero hindi laging saya ang dulot ng pagpapari, may lungkot at problema ring darating.  At kung dumating man iyon…alalahanin mo ang araw na ito…ang natatanging araw na ito…kung saan naordinahan ka…kung saan panghabambuhay na pag oo ang isinagot mo sa Diyos – at kinumpirma Nya ito sa Kanyang pagmamahal sa iyo.

At sa ating lahat, kapamilya, kaibigan at mga kaparokya ni Father Ace, tulungan, mahalin at ipagdasal natin siya, para patuloy maging tapat sa Banal na Tawag. Amen.

(June 25, 2016, Saturday – San Jose Cathedral, San Jose, Nueva Ecija)

ANG GABING BAGO AKO MAORDINAHANG PARI

Nakapasok na rin ako ng silid tulugan ko matapos ang mahabang araw na nakalipas.  Nakahiga na ako ng kama, ngunit hindi pa rin dalawin ng antok, kahit alam kong ang katawan ko ay pagud na pagod na sa mga preparasyon sa aking ordinasyon at ang utak ko ay patuloy pa ring nag iisip sa maaring mangyari kinabukasan.

Pinatay ko na ang ilaw.  Sa katahimikan at kadiliman, maraming ingay at liwanag na bumalik sa aking ala ala.  Ang mahigit sampung taong lumipas ay unti unti bumalik ang mga ala-ala.

1234

Ang gabi kung saan sa unang pagkakataon ay nagpaalam ako kina tatay at nanay ko na papasok ng semaryo…ang pagkamatay ng lolo, isang linggo bago ako tumungo ng seminaryo sa Davao…

Ang unang pagsakay ko ng barko na talaga namang binalot ng takot dahil sa pagsalubong sa bagyo…

Sa unang pagkakataon na mapalayo sa pamilya, at pakisamahan ang ibang seminarista…

Ang unang birthday, Christmas, New year at ibat ibang okasyon sa bahay naming at ngayon ay malayo sa pamilya…

Ang pag aaral ng Philosophy at Theology na talaga namang pinaghirapan ng pawis at dugo…

Ang napakaraming kabiguan…ganundin ang tagumpay…

Ang maraming pagsubok na dumating, na talagang sinubukan ang tatag ko sa pagtugon sa Banal na Tawag…

Ang kasiyahan sa selebrasyon ng Eukaristiya at pagdarasal sa harap ng Blessed Sacrament…

Ang maraming dumating at umalis na mga tao sa buhay ko…

Mga nabuo at nasirang relasyon…

Ang pagtatapos ko ng pag aaral sa Masteral sa Theology, Perpetual profession, Diaconate Ordination…

Ang pagka assigned ko sa community sa Pangasinan…

Kasabay ng pag dating ng mga ala alang ito…dumating at bumagsak na rin ang maraming luha sa aking mata…di ko na makontrol…

Sumabay pa ang pagbaba at pagtaas ng balikat…

1148911_435033679932871_2081663424_n

Pag iyak ng pagbabalik sa napakaraming mga ala ala.

Luha ng saya na hindi ko kayang itago na lang sa puso ko…

Luha ng pasasalamat sa mga taong patuloy na naniniwalang kaya ko, kahit alam kong hindi naman talaga…

Luha ng pag awit ng pasasalamat sa Diyos sa pag tawag Niya sa isang abang katulad ko…

Luha ng pagtingin sa sarili ko, na walang wala ako, pero ang Diyos ay patuloy na sa akin ay nagmamahal…

Ang gabing ito ang pinaka tahimik at pinakamadilim sa lahat ng gabi, ngunit sa katahimikan at kadiliman, hindi ko maaring maitago ang liwanag ng luhang umaagos sa aking mata at ang ingay ng pag iyak ko…ito ang gabing kakaiba…hindi ko rin maitago ang liwanag at pagsigaw ng Diyos na mahal na mahal Niya ako… ito ang ang kakaibang gabi… ang gabing bago ako ordinahan sa pagpapari (Pebrero 12, 2016)…