“Panginoon, iligtas mo ako!”

Tayo ay nakakaranas ng maraming pangamba, kahit alam nating kasa-kasama natin ang Diyos.  Maraming unos na dumarating sa atin, at ito ay patuloy na gumugupo sa atin.  Kapag nandyan na ang unos, ay lagi nating iniisip, isa itong malaking sumpa na nagpapahirap.  Nagdadala sa atin na malunod sa dagat ng problema.  Ngunit tayo ay tinatawagan na kaibiganin ang unos na ito.  Dahil kahit anong gawin natin, parte ito n gating buhay.  Sa likod ng bawat unos ay may mga nakatagong biyaya.

Una, ang unos ang paraan ng Diyos upang ipakilala Niya ang Kanyang sarili sa atin.  Ginamit ni Jesus ang unos upang ipakitang Siya ang Diyos ng sansinukob.  Nalaman natin na makapangyarihan Siya sa lahat. Na Siya ang pinagmumulan ng lakas ng lahat ng tao at bagay.  Hindi ba nga kaya Niyang palakarin ang tao sa ibabaw ng tubig, ng dagat, at kaya rin Niyang pakalmahin ang nangagalit na unos ng dagat. Sa pamamagitan ng unos, ipinapakita Niyang Siya ang Tagapagligtas. Sa gitna ng panggagalit ng panahon, iniligtas ni Jesus si Pedro sa tiyak na pagkakalunod.  Inabot Niya ang kanyang kamay sa alagad na nagduda sa kanya upang palakarin pabalik ng bangka. Nang makabalik na si Pedro sa Bangka, mula sa pagkakaligtas sa kanya ni Jesus. Nasabi ng mga ibang alagad: tunay na Siya ay Diyos. Hindi ba’t ang tagal na nilang kasama si Jesus, nagpakita ng mga himala ng pagpapagaling, at pinkahuling tagpo bago mangyari ito ay ang milagro ng pagpaparami ng tinapay at isda.

download

Ikalawa, ang unos ay pagsubok ng Diyos sa katatagan ng ating pananampalataya. Siguro, ay mas tamang sabihin nating ang unos ay tila isang exam, na nakailangan mapagdaanan, mapaghandaan upang mas lalong lumago ang ating pananampalataya.  Hindi ba kapag tayo ay nakakaranas ng pagsusulit, pinagyayaman nito ang ating kalaaman? Ganito rin sa ating pananampalataya kay Jesus na siyang Panginoon na ating pinanghahawakan. Ang bangka ay sumisimbolo ng ating Simbahan.  Marami sa atin ang lumilipat ng ibang relihiyon o simbahan kapag nakakaranas ng mga unos sa buhay.  Nasasabi nilang walang katiwasayan ang pagiging buhay Katoliko ko.  Hindi naman dapat ganuon, na aalis tayo ng ating bangka sa gitna ng maalong dagat ng pagsubok, upang lumipat ng ibang bangka. Hindi natin nakikita na si Jesus ay kasama natin sa bangka, sa ating Simbahan.

Ikatlo, ang unos ay pagpapamukha sa atin kung sino ang tunay na may kontrol sa lahat-lahat sa buhay natin.  Sa ebanghelyo, nakatuon ang tingin ni Pedro sa Panginoon, at  siya ay nakalakad sa tubig.  Subalit nang ituon niya ang kanyang pansin sa lakas ng hangin at laki ng mga alon, natakot siya at natuon ang kanyang pansin sa kanyang sarili.  Kung sarili ang pagtutuunan natin ng pansin, at kung hindi natin kikilalanin ang Diyos, tiyak na tulad ni Pedro, tayo rin ay malulunod sa unos ng ating buhay.

Sa Eukaristiya makikita natin ang presensya ni Jesus.  Na Siyang umaagapay sa atin sa napakaraming unos ng buhay natin. “Huwag kang matakot” ang wikang dumadagundong sa tenga n gating mga puso sa ingay at lakas ng alon ng dagat.  At si Jesus na ating tinatanggap sa Kanyang katawan at dugo ay handang sumama sa atin at handang tumulong kapag tayo ay sumigaw ng tulad ni Pedro: “Panginoon, iligtas mo ako!” Amen.

 

Advertisements

Tanging Yaman

Introduction:

 Hightech gadgets? Mansyon o condominium? O mapormang luxury cars? Malaking pera sa bangko? Kasikatan?                 Maimpluwensyang posisyon?

Aminin man natin o hindi, ang mga bagay na ito ang sukatan ng materyal na mundo. Ito ang nagsasabi sa ating tayo ay mayamang mayaman. Hahangaan ka ng marami kapag nasa iyo ang mga bagay na ito.  Ngunit ang mga bagay na ito ay mga mga bagay na naluluma, nasisira, kumukupas at maaring mawala o manakaw sa atin. Ang ebanghelyo ng talinghaga ng natagpuang perlas at kayamanang nakabaon sa ilalim ng lupa ay nagpapaabot ng mensahe sa kung ano ang Kaharian ng Diyos, yaman, at paghuhukom.  Mga talinghagang nagtuturo sa atin ng tamang pagpili at pagpapahalaga sa mga tunay na yaman.

Ngayong school year na ito, ako ay graduating student na sa pag aaral ko sa Teolohiya, hindi ko maiwasang muling balikan ang karanasan ko, kung saan ako ay tinawag ng Diyos na pumasok ng seminaryo.  Bago ako tumugon sa Banal na Tawag na ito, ako po isang high school teacher, ilang taon din akong nagturo, may magandang trabaho, may mapagmahal at masayang pamilya, ang lahat ng ito ay aking pinahahalagahan. Ngunit nasumpungan ko ang kayamanang mas matimbang ang halaga, itong mga bagay na aking pinahahalagahan ay aking iniwan, upang makamtan ang kayamanang napakahalaga. Nakita ko ang napakahalagang perlas.

pearl

Ako ay kabilang sa isang religious order, Congregation of the Blessed Sacrament, kaming lahat ay namumuhay sa tatlong vows na aming isinasabuhay, ang poverty, chastity at obedience.  Ang kahirapan o poverty ang siyang lutang na lutang sa araw-araw naming pamumuhay.  Kung saan ang mga personal naming ari-arian ay aming hinayaang ariin din ng iba, namumuhay ng simple, ang mga pinipili ay payak, walang celfone, walang laptop, walang personal na akin, habang ang materyal na mundo ay kumakaway at tila baga  nagsasabing para masabing mayaman ka, kailangan tangan mo ang lahat ng ito.

Subalit sa pagtakbo ng panahon ng pamamalagi ko sa seminaryo, ipinakita rin sa akin ng Panginoon ang aking mga kakulangan at mga limitasyon.  Maraming mga pagkakataong ipinagpapalit ko Siya sa ibang kinang.  May mga sandaling, isina-isantabi ko nga ang lahat upang piliin ang kinang na ito.  May mga pangyayaring nakakapit nga ako sa Kanya pero tangan-tangan ko pa rin sa kabilang kamay ang ibang mga kaagaw Niya sa aking buhay.  Pilit kong binibitawan pero, pilit ko pa rin talagang hindi mabitaw-bitawan. Ang pag-ibig ko para kay Jesus ay hindi pa pala ganap.  Nakita ko ang kayamanang nakabaon. Inangkin ko kapalit ng mga bagay na pinahahalagahan ko.

images (2)

May apat na magbabarkada ang nakasakay sa pampublikong bus, tatlong lalaki at isang babae, ang isang lalaki ay kumakain ng junk food, maya maya nagsalita ang isa niyang kaibigan at nagtanong: “ Sinong may headphone?” At sumagot ang kumakain ng, “ito, ito…” ngunit bago nya matanggal ang headphone na gamit nya ay pinahawak nya ay kanyang kinakain, kasunod ang pag abot ng headphone sa kanyang kaibigan, matapos nito, kanya uling binawi ang pagkaing pinhawak niya.

Maya-maya, nasabi naman ng kaibigang katabi nya: “ang lamig bro…” pinahawak nya muli ang pagkain hawak nya sa katabi nya, para mahubad nya at maipahiram ang jacket na suot nya.

At ang kaibigan nyang babae naman, ang napansin nya na na gustong matulog, kaya natanong nya, “ masakit?” ibig sabihin nangangawit na ba ang leeg nya, kaya ang ginawa nya muli nyang pinahawak ang pagkaing hawak nya, upang matanggal ang unan na nasa leeg nya at ito’y mailipat sa leeg ng kaibigan nya.

Ngunit ng maibalik na sa kanya ang lalagyan ng pagkain nya, siya ay biglang nagulat. At siya ay nagulat dahil wala na palang laman ang kanyang kinakain: natanong nya na lang: “anong nangyari?” habang tumitingin sa apat nyang kaibigan, nasabi nya lang: “ganyan…ganyan…” Ganyan nga ang mangyayari sa atin, kapag binitawan natin ang mga bagay na nasa sa atin, tiyak mauubusan tayo, tiyak pagsisihan natin natin na bakit ko pa binitawan ang mga bagay na ito, ngayon ako naman ang nawalan.

images (1)

Ngunit sa Eukaristiya, ang paglalaan ng sarili ni Jesus ay nagkaruon ng kaganapan. Ang buhay niya ang pinakamahalagang yaman niya, alam nating kanya itong pinahalagahan, ngunit ang mahalagang ito ay kanyang ibinahagi, hanggang sa pagkabayubay ng kanyang katawan sa krus.

Ano ang mga yaman mo na hindi mo pa rin mabitaw bitawan upang maipagpalit mo sa pinakamahalagang antas na yaman. Sa Eukaristiya ating dinadaluhan tuwing linggo, ang sarili mismo ni Jesus ang kanyang inilalaan sa atin, nawa’y masabi nating ang eukaristiya ay sapat na, ang kanyang paglalaan ng sarili ay sapat na, ang kanyang pagmamahal ay sapat na, dahil ito ang ating tanging yaman. Amen.