Superman, Man of Hope

Marahil kung mag papasurvey ako ngayon sa mga tao kung sino ang pinaka-popular na superhero para sa kanila, tiyak akong si Superman ang tinaguriang Man of Steel ang pinaka numero uno sa kanilang sagot. Sigurado rin akong marami na sa atin ang nakapanuod ng pelikulang Man of Steel.  Ako man ay nagkaruon ng pagkakataon na mapanuod ang pelikulang ito.

Akala ko nga ay kilalang kilala ko na ang karakter ni Superman, ngunit matapos kong mapanuod ang pelikulang ito ay nagbago ang aking pagkilala sa kanya at mas lalo kong hinangaan ang kanyang  karakter.

Image

Bata pa lang si Clark ay nagtatanong na siya kung sino ba siya, kung bakit tila kakaiba ang kanyang pagkatao sa ibang kabataang katulad niya, hindi siya popular, at lagi pang biktima ng pang bu bully.  Kahit siya ay saktan na ay hindi pa rin gumaganti sa kalaban, marahil weird ang dating niya sa ibang mga kabataan.

Ang batang Clark ay hindi nanatiling bata, siya man ay dumaan sa pagiging binata, binatang patuloy na naghahanap ng kanyang sarili, ng kanyang identidad. Ngunit siya ay hindi tumigil, siya ay lumipad ng lumipad hanggang makita niya ang kasagutan. Ang mga problema sa buhay ay hindi nagpabagsak sa kanya, bagkus ito pa ang naglipad sa kanya upang patuloy na magpunyagi.

Pinaniwala ako ng maraming taon na ang logong ‘S’ sa kanyang dibdib ay nangangahulugan na Superman.  Kung palalalimin ay,  napakagaling, napakalakas, napakatalinong tao. Super talaga, ngunit para sa kanya, ang ‘S’ na ito ay pag asa (ang salitang Latin na Spes, ay nangangahulugan ng Pag-asa).

Nuong siya ay gagawa ng malaking desisyon, pumunta siya sa simbahan, nagdasal sa Diyos at humingi ng payo sa pari. Taong tao, hindi umaasa sa sarili niyang kakayahan ngunit humingi siya ng tulong sa Diyos at sa taong alam niya ay eksperto sa larangang ito.

Image

Sa pelikulang ito maraming aspeto na makikita nating napaka Katoliko ng pelikulang ito, ang isyu ng populasyon, na siyang nagpaubos ng lahing Krytonian (ang isyung pinaglalaban ng simbahan – RH Bill). Siya ay pinadala sa mundo dahil nanganganib ang kanyang buhay (katulad ng tagpo nuong si Hesus ay bata pa, ay balak ipapatay). Ang idad ni Superman ay 33 (ito ang idad ni Hesus nung Siya ay naghirap at namatay sa Krus).  Siya ay kusang sumuko upang maligtas ang buhay ng marami (ganyandin ang nangyari kay Hesus, sumunod Siya sa Ama, ay naghandog buhay para sa lahat). Sa pagliligtas niya sa mundo, siya ay may nakatulong na babae, Lois Lane, (si Hesus, sa pamamagitan ni Maria (sa pagdadalang tao)  ay naligtas ang mundo).  Marami pang elemento, ito ay iilan lamang.

Image

Sa bandang huli, pina alala ni Superman, ang tunay na Man of Hope, na hindi dahil may kapangyarihan siya, ay isa na siyang banta sa seguridad ng lipunan, maari siyang maging kakampi at kaibigan.

Advertisements

SAYANG…

“Palaging nasa huli ang pagsisisi at ibayong panghihinayang.”

Ewan ko ba, marahil tama nga ang kasabihang ito.  Sa pagtanaw ko sa ilang taong lumipas sa  buhay ko, marami pa rin akong mga pinanghihinayangan, na ang pakiramdam ko ay dapat hindi ko na lang ginawa, o dili kaya dapat nuon ko pa ginawa, at ngayon ay litaw na litaw ang mga epekto at talagang naapektuhan ako.  Muli na naman pumapasok sa katawan ko ang pagiging mainipin at kawalan ng pasensya sa sarili.

disappointment-253x300

Sana – ito ang salitang kaakibat na ng salitang panghihinayang.  Sana ganito na lang…sana ganyan na lang…sana dito…sana doon…sana ngayon na…sana nuon pa…ang daming sana…ang daming nasayang.

Hindi ko alam pero alam ko sa pagtanaw ko ng mga kamalian at panghihinayang ko sa nakalipas na mga taon sa buhay ko…marami akong natutunan.  Natutong magdesisyon, may takot man, at hindi alam ang magiging resulta, pero naharap ko. Natutong tanggapin ang pagkakamali at nalaman na lahat pala ay nagkakamali at walang perpektong bagay at tao.  Natutong muling bumangon at hindi mawalan ng pag-asa. ‘Yan na nga lang ang tanging pinanghahawakan ko, hindi ba dapat na huwag ko ng bitawan pa.

eat the sun

Siguro puede kong itama ang kasabihan na nasa itaas. Maari ko itong palitan ng: “walang maling karanasan…kundi mga tamang natutunan.”

Ang sarap palang maglakbay…ang sarap palang mabuhay…ang sarap palang hindi matakot magkamali…marami mang panghihinayang…ang sarap namang malaman ang maraming aral ng buhay…sige lang…tuloy pa rin ako…

DASAL-AWIT

MAINGAY NA MUNDO

Masyado ng maingay ang mundong ating ginagalawan, na tunay namang nakakaapekto sa ating buhay.  Sa paggising pa lang sa umaga, marami sa atin ang hindi na kailangan ang alarm clock dahil kusa ng nagigising sa pagbubunganga ng kanilang asawa.  Nakakagising na ingay. Maraming tao ngayon ang hindi na sanay mag trabaho ng walang earphone na nakapasak sa kanilang mga tenga. Sinasabayan ng pakikinig ng musika ang kanilang pagtratrabaho.  Nakakaenganyong ingay.

http://senorenrique.blogspot.com/2006/10/general-carriedo-and-fr-huerta.html

Kapag lumabas ka ng bahay, maingay din, ang busina ng mga nag uunahang sasakyan na naiipit sa traffic, ang mga tsisimisan ng ating mga kapitbahay.  Pagsumakay ka ng jeep ay hindi ka rin ligtas, dahil pag natapat ka sa jeep na may malakas na nagpapatugtog ng stereo ay talagang laglag pati ang tutuli mo.  Nakakairitang ingay. Pag makikinig ka ng radio maraming mga musika ang hindi mo na maintidihan dahil sa kakaibang mga ritmo nito at liriko, pag nakinig ka naman ng balita, panay pagbabangayan ang ating maririnig.  Nakakainis na ingay.

KAKAIBANG INGAY NG SIMBAHAN NG STA. CRUZ

Marahil, hindi ako nag iisa sa aking karanasan ito, marahil marami tayo.  Ito man ay narinig ko na sa ibang mga tao, na kapag pumasok sa simbahan ng Sta. Cruz ay kakaibang ingay ang ating naririnig. Kahit nasa gitna ang ating simbahan ng kalyeng maraming sasakyan, kakaiba pa rin kapag nandito ka na sa loob.  Ibang ingay ang ating naririnig. Hindi kaya dahil ang sasalubong sa iyo ay ang Kristong nasa anyong Tinapay, na inaanyayahan ka na manahimik at magdasal?

Ang simbahan ng Sta. Cruz ay kilalang Eukaristikong komunidad, kung saan ang mga Blessed Sacrament Fathers at Brothers ay nagbabahagi ng kanilang misyon na tumugon sa kagutumang ispiritwal ng lahat ng mga tao sa pamamagitan ng kayamanan ng Diyos na dumadaloy sa Eukaristiya.  Kapag walang misang nagaganap, ang Banal na Sakramento ang Siyang itinatanghal sa altar.  Upang mas lalong pang maparangalan  ang Eukaristikong Kristo na ating tinanggap sa ginanap na misa.

PANALANGIN AT MUSIKA

Bilang isang Sacramentino, ako ay tinatawagan na maging tapat sa pang araw-araw na pagluhod, pagpuri at pagdalangin kay Hesus ang Banal na Sakrameto.  Nasusulat sa aming Rule of Life # 29 “…faithful to the tradition received from our Founder (St. Peter Julian Eymard) we spend at least one hour each day in prayer before the Eucharist.  This prayer forms part of the mission of the Congregation and has priority in the life of each founder.”

Ang pagluhod sa harapan Niya ay hindi rin madali, dahil may mga pagkakataong ang aking isipan at puso ay may mga ibang pinag-iisipan, may ibang alalahanin at may ibang pinagtutuunan ng pansin.  Maligalig sa loob.  Maingay sa loob.

Music is the universal language. Ito ang pinaka pamilyar na kasabihan tungkol sa musika.  Ang musika ay nakakapag-usap sa lahat ng tao sa wikang nauunawaan ng lahat. Kahit na ang bingi at sintunado ay naririnig ito, kung sila ay nakikinig lamang sa boses ng kanilang kaluluwa. Ang musika ang siyang pinakamakapangyarihan at emosyonal sa lahat ng uri ng sining. Binibigyang halaga nito ang masinsinang paghubog sa moralidad ng tao.

Mahigit dalawang buwan na rin ang nakakalipas mula ng simulan ang pagpapatugtog ng instrumental music habang nakatanghal ang Banal na Sakramento.  Ang pakikiniig ko kay Kristo sa panalangin ay mas napapalalim dahil sa musikang naririnig.  Ang instrumental music ay sinasabing panalangin na walang kasamang mga salita.  Iyong tipong ang dalawang nagmamahalan, ay hindi na kailangang ibuka ang kanilang mga bibig upang masabi kung gaano nila kamahal ang bawat isa.    Sa tinginan lamang, sabayan pa ng magandang musikang background ay sapat at tamang tama na.

Dahil sa instrumental music habang ako’y nanalangin, ito’y nakakatulong upang muli kong mapagtagni-tagni ang mga nakaraang kong karanasan at makaharap ng may pananampalataya sa hinaharap na panahon.  Ganun naman talaga ang nangyayari sa ating panalangin, kinakausap natin ang Diyos sa mga pangyayaring nangyari na, at humihingi ng grasya na maharap ang bukas. Tunay na ang musika ay nakakapasok sa ating mga karanasan at nararamdaman.

Ngunit kadalasan din naman, nahuhuli ko ang aking sarili, pakiramdam ko ay hindi na nagdarasal, dahil hindi ko na kinakausap ang Diyos na nasa aking harapan.  Dahil sa mga pamilyar na musikang aking naririnig kahit instrumental music lamang ito. Ito ay nagkakaruon ng mga liriko sa pag awit ko nito sa aking isipan.  Ngunit akin ding napagtanto na ang paglalagay liriko at pag awit nito ay isang ekpresyon ng pananalangin at pagpupuri sa Kanya. Sinasabi rin na ang musika ay dalawang beses na higit kaysa sa panalangin, isang patunay na ito ay mabisang paraan upang magpuri sa Maykapal.

Masyado mang maingay ang mundong ating ginagalawan. Mula pag mulat ng ating mata hanggang sa pag pikit nito ay maraming ingay tayong naririnig.  Tahimik man tayong nakaharap sa Kanya bilang ating pagdalangin, ang puso at isipan natin ay maingay pa rin.  Ngunit dahil sa musikang ating naririnig habang tayo nananalangin, tayo ay dinadala sa mas malalim na pakikipag ugnayan sa Kanya.

Ang musika at pananalangin ang nagbigay inspirasyon at pag-asa sa tao, pinag-aalab ang kanyang pagmamahal, nagiging tinig ng kanyang kasiyahan, nagbibigay parangal sa kanyang katapangan at nagiging muog sa oras ng kawalan ng pag-asa at pinanghihinaan. Ito ang nagbibigay kagalakan sa mga nalulungkot at nagturo sa kanya na maging mahinahon. Ang musika ay ang ating buhay. Ang musika ay ang ating panalangin. Ating inaawit sa Diyos… ating dasalawit sa Diyos…Amen.

MAGANDANG PASKO

Ngayong araw na ito ay ginugol naming mga seminarista ang paghahandog ng mga pamaskong awitin sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Aming sinuyod ang bawat departamento ng aming pangangaroling, kasabay ng pag bibigay nila ng kahit magkanong halaga. Tatlong kanta ang lutang na lutang na gusto ng mga nag tratrabaho dito, masasabing most requested songs ika nga: To See the Face of God, Emmanuel at Pasko na Sinta Ko.
Habang kumakanta kami ay sumagi sa aking isipan ang katangungan na kung bakit gusto nila ang mga kanta na ito. Hindi ko namamalayan na habang kinakanta namin ang mga ito ay tila nadadala ang aking damdamin sa aming kinakanta. Hati ang aking isipan, una naiisip ko na kailangang makalikom kami ng malaking halaga para sa gatusin namin sa seminaryo, kalaingang kumanta ng maayos para lakihan ang hulog sa lumalakad na envelope, at ang ikalawa ay ang mga namatayan at naging biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at Iligan City (pareho ko nang napuntahan ang dalawang lugar na ito nung nasa Davao City pa ako).

Tunay na ngayong Paskong darating ay nangungulila ang mga biktimang namatayan ng kanilang mga kapamilya. Masakit, mahirap at malungkot ang unang Paskong hindi na kumpleto ang mahal mo sa buhay na pinaghuhugutan mo ng lakas para ikaw ay patuloy na mabuhay. Marahil natatanong ng mga ng mga taong ito kung bakit nangyari ito sa kanila? O dili kaya bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito? Marami na ring pagkakataon na natanong ako ng maraming tao ng mga katanungang ito kapag may hindi magagandang nagyari sa kanila. Ngunit ako man ay hindi ko alam kung paano ito sasagutin.

Ngayong paskong darating, lagi nating naririnig na ang Diyos ay ang Emmanuel, nangangahulugang nasa atin ang Diyos. Ngunit sa trahedyang ito ay tunay na napakahirap itong maunawaan ng mga naging biktima. Ilang tulog na lang mula ngayon, Pasko na naman. Ito ang araw ng paggunita sa kapanganakan ni Hesus, ang Emmanuel. Ito rin ang araw kung saan ang lahat ng tao ay puspos ng saya, pag asa, at pagmamahal. Noche Buena na naman sa darating na Sabado, ang inaasahan ng mga taong ito na maraming pagkain sa mesang pagsasaluhan ng buong pamilya ay tila malabong mangyayari. Wala na ang bahay na dati’y punung puno ng halakhakan, ang mesang bumubusog sa kanilang nangangalam na tiyan at ang buong pamilya na hatid ay saya ay pagmamahalan.


Marahil ito ay isang panawagan sa akin at sa ating lahat na sa darating na kapaskuhan, na magpasalamat sa mga maraming biyayang kaloob niya sa atin. Ang regalong buhay at presensya ng mga taong patuloy na sa atin ay nagmamahal. Ang aking panalangin ngayong Pasko ay huwag nawang mawalan ng pag asa ang mga taong ito. Nawa’y masumpungan nila ang natatanging pag asa kay Hesus na isinilang para sa kanila, na hatid ay pag asa at kagalakan. Mahirap maunawaan at tanggapin, ngunit ito ang kaloob ng Diyos. Maganda ang Pasko, dahil magandang biyayang bigay ng Diyos sa tao, ang maging tao ang Diyos para sa ating lahat. Ang pag abot ng Diyos sa tao. Tunay na walang dapat mangulila sa magandang araw na ito, dahil Siya ay laging sumasa atin. Magandang Pasko sa ating lahat.

ANG PASKO AT ANG EUKARISTIYA DULOT SA ATIN AY PAG ASA AT LIGAYA.

Maligayang Pasko, ito na naman ang naririnig nating mga pag bating namumutawi sa mga labi ng bawat isa. Sa pagbating ito, tunay na nababakas sa mukha ng bawat isa ang kaligayahan. Maligaya tayo dahil naging tao ang Diyos. Maligaya tayo dahil ang Diyos na ito ay hindi nanatili sa langit, siya ay naging ‘Emmanuel,’ ang Diyos ay sumasa atin, nasa ating piling. Tunay na ito ang pinakadahilan kung bakit tayo patuloy na nagiging maligaya. Makalipas ang mahigit dalawang libong taon, ang Diyos ay hindi nagtatapos sa Kanyang pagsilang, pakikisalamuha sa mga tao, pagkamatay, at muling pagkabuhay.

Si Hesus ay patuloy ang pag iral sa Kanyang Banal na Eukaristiya. Ang Pasko at Eukaristiya, parehong kahulugan, parehong ating ipinagdiriwang. Nuong unang Pasko, si Hesus ay isinilang sa isang abang sabsaban (kainan ng mga hayop) sa lugar ng Betlehem (galing sa salitang Hebreo na nangangahulugang ‘bahay ng tinapay’). Nagpakita Siya sa mga tao, sa mga pastol, sa mga paham o hari. (mahihirap man o mayayaman). Sa Eukaristiya, si Hesus ay patuloy na nagpapakita sa atin sa anyong tinapay, ang pagkaing nagbibigay buhay. Sa Eukaristiya Si Kristo ay nag aanyaya, nagpapakita at walang itinatangi sa lahat.


Marami ang patuloy na naghahanap sa Kanya, ngunit marami rin ang nabibigo. Napakahirap nga namang makita si Hesus sa gitna ng kadiliman dulot ng hidwaan, kaguluhan at paghihirap. Napakahirap Siyang makita sa lipunang puno ng pang-aabuso, pandaraya, kasinungalingan, pagkagahaman at kawalang hustisya. Napakahirap hanapin si Hesus sa watak-watak na pamilya. Ngunit kapag sumasapit ang ganitong panahon ng kapaskuhan, tayo ay patuloy na umaasa at nangangarap.

Alam nating sa gitna ng mga kadilimang ating nararanasan, naruruon ang Diyos, ang bituing kumikinang na gagabay sa atin papunta sa Kanya. Sa gitna man ng kahirapan at kagutuman, ang Eukaristiya ang siyang papawi ng lahat ng ito. Kung nasaan ang pag – asa, naruon ang ligaya, naruon ang Pasko, naruon ang Emmanuel sa Eukaristiya. Pasko at Eukaristiya dulot sa atin ay pag asa at ligaya.
Isang maligaya at punong-puno ng pag asang Pasko po sa ating lahat.