MAGANDANG PASKO

Ngayong araw na ito ay ginugol naming mga seminarista ang paghahandog ng mga pamaskong awitin sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Aming sinuyod ang bawat departamento ng aming pangangaroling, kasabay ng pag bibigay nila ng kahit magkanong halaga. Tatlong kanta ang lutang na lutang na gusto ng mga nag tratrabaho dito, masasabing most requested songs ika nga: To See the Face of God, Emmanuel at Pasko na Sinta Ko.
Habang kumakanta kami ay sumagi sa aking isipan ang katangungan na kung bakit gusto nila ang mga kanta na ito. Hindi ko namamalayan na habang kinakanta namin ang mga ito ay tila nadadala ang aking damdamin sa aming kinakanta. Hati ang aking isipan, una naiisip ko na kailangang makalikom kami ng malaking halaga para sa gatusin namin sa seminaryo, kalaingang kumanta ng maayos para lakihan ang hulog sa lumalakad na envelope, at ang ikalawa ay ang mga namatayan at naging biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at Iligan City (pareho ko nang napuntahan ang dalawang lugar na ito nung nasa Davao City pa ako).

Tunay na ngayong Paskong darating ay nangungulila ang mga biktimang namatayan ng kanilang mga kapamilya. Masakit, mahirap at malungkot ang unang Paskong hindi na kumpleto ang mahal mo sa buhay na pinaghuhugutan mo ng lakas para ikaw ay patuloy na mabuhay. Marahil natatanong ng mga ng mga taong ito kung bakit nangyari ito sa kanila? O dili kaya bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito? Marami na ring pagkakataon na natanong ako ng maraming tao ng mga katanungang ito kapag may hindi magagandang nagyari sa kanila. Ngunit ako man ay hindi ko alam kung paano ito sasagutin.

Ngayong paskong darating, lagi nating naririnig na ang Diyos ay ang Emmanuel, nangangahulugang nasa atin ang Diyos. Ngunit sa trahedyang ito ay tunay na napakahirap itong maunawaan ng mga naging biktima. Ilang tulog na lang mula ngayon, Pasko na naman. Ito ang araw ng paggunita sa kapanganakan ni Hesus, ang Emmanuel. Ito rin ang araw kung saan ang lahat ng tao ay puspos ng saya, pag asa, at pagmamahal. Noche Buena na naman sa darating na Sabado, ang inaasahan ng mga taong ito na maraming pagkain sa mesang pagsasaluhan ng buong pamilya ay tila malabong mangyayari. Wala na ang bahay na dati’y punung puno ng halakhakan, ang mesang bumubusog sa kanilang nangangalam na tiyan at ang buong pamilya na hatid ay saya ay pagmamahalan.


Marahil ito ay isang panawagan sa akin at sa ating lahat na sa darating na kapaskuhan, na magpasalamat sa mga maraming biyayang kaloob niya sa atin. Ang regalong buhay at presensya ng mga taong patuloy na sa atin ay nagmamahal. Ang aking panalangin ngayong Pasko ay huwag nawang mawalan ng pag asa ang mga taong ito. Nawa’y masumpungan nila ang natatanging pag asa kay Hesus na isinilang para sa kanila, na hatid ay pag asa at kagalakan. Mahirap maunawaan at tanggapin, ngunit ito ang kaloob ng Diyos. Maganda ang Pasko, dahil magandang biyayang bigay ng Diyos sa tao, ang maging tao ang Diyos para sa ating lahat. Ang pag abot ng Diyos sa tao. Tunay na walang dapat mangulila sa magandang araw na ito, dahil Siya ay laging sumasa atin. Magandang Pasko sa ating lahat.

Advertisements

ANG PASKO AT ANG EUKARISTIYA DULOT SA ATIN AY PAG ASA AT LIGAYA.

Maligayang Pasko, ito na naman ang naririnig nating mga pag bating namumutawi sa mga labi ng bawat isa. Sa pagbating ito, tunay na nababakas sa mukha ng bawat isa ang kaligayahan. Maligaya tayo dahil naging tao ang Diyos. Maligaya tayo dahil ang Diyos na ito ay hindi nanatili sa langit, siya ay naging ‘Emmanuel,’ ang Diyos ay sumasa atin, nasa ating piling. Tunay na ito ang pinakadahilan kung bakit tayo patuloy na nagiging maligaya. Makalipas ang mahigit dalawang libong taon, ang Diyos ay hindi nagtatapos sa Kanyang pagsilang, pakikisalamuha sa mga tao, pagkamatay, at muling pagkabuhay.

Si Hesus ay patuloy ang pag iral sa Kanyang Banal na Eukaristiya. Ang Pasko at Eukaristiya, parehong kahulugan, parehong ating ipinagdiriwang. Nuong unang Pasko, si Hesus ay isinilang sa isang abang sabsaban (kainan ng mga hayop) sa lugar ng Betlehem (galing sa salitang Hebreo na nangangahulugang ‘bahay ng tinapay’). Nagpakita Siya sa mga tao, sa mga pastol, sa mga paham o hari. (mahihirap man o mayayaman). Sa Eukaristiya, si Hesus ay patuloy na nagpapakita sa atin sa anyong tinapay, ang pagkaing nagbibigay buhay. Sa Eukaristiya Si Kristo ay nag aanyaya, nagpapakita at walang itinatangi sa lahat.


Marami ang patuloy na naghahanap sa Kanya, ngunit marami rin ang nabibigo. Napakahirap nga namang makita si Hesus sa gitna ng kadiliman dulot ng hidwaan, kaguluhan at paghihirap. Napakahirap Siyang makita sa lipunang puno ng pang-aabuso, pandaraya, kasinungalingan, pagkagahaman at kawalang hustisya. Napakahirap hanapin si Hesus sa watak-watak na pamilya. Ngunit kapag sumasapit ang ganitong panahon ng kapaskuhan, tayo ay patuloy na umaasa at nangangarap.

Alam nating sa gitna ng mga kadilimang ating nararanasan, naruruon ang Diyos, ang bituing kumikinang na gagabay sa atin papunta sa Kanya. Sa gitna man ng kahirapan at kagutuman, ang Eukaristiya ang siyang papawi ng lahat ng ito. Kung nasaan ang pag – asa, naruon ang ligaya, naruon ang Pasko, naruon ang Emmanuel sa Eukaristiya. Pasko at Eukaristiya dulot sa atin ay pag asa at ligaya.
Isang maligaya at punong-puno ng pag asang Pasko po sa ating lahat.