The BEST

“I did my best but I guess my best wasn’t good enough.”Marahil tutoo nga ang unang linya ng kantang ito (Just Once). Marami mga bagay ang ibinibigay natin. Buhos kung magbigay ng ating makakaya. Pero hahantong pa rin pala sa wala. Dahil ang mga pinagpaguran mo, ang mga magaganda at mabubuting ipinapakita mo, pati na ang taus pusong pagbabago ay wala rin palang kakahantungan. 10429337_525506707552234_1169918832564316062_n Nakakalungkot mang isipin, tila parang walang puwang ang pagbibigay pagkakataon sa ibang tao, na ipakita nila ang kanilang kabutihan at mabigyan muli sila ng pagkakataon. Dahil ang tao ay may sariling panukat. Maraming biases. Kapag naikahon ka ng ganyan, ganyan ka na talaga habang buhay. Kailangan pala perpekto at walang kapintasan, para mas katanggap tanggap ka sa iba. Pero sa bandang huli, alam nating ang Diyos ang Siyang lumalapit sa mga taong walang kwenta, maraming kapintasan, at walang sinasabi sa buhay. Dahil ang Diyos ay Diyos ng walang hanggang pagkakataon. Walang panukat, walang panghuhusga, at walang hanggan ang pagmamahal. At para sa Kanya ang simpleng good ay nagiging the best.

Advertisements

Thank you may Pasko

Nasa kalagitnaan na tayo ng ating pagdedebosyon ng Simbang Gabi. Kalakip nito ang pagsasakrispisyo: pag-gising ng napakaaga sa napakalamig na umaga. Sa ginagawa nating pagsisimba, alam nating may kahilingan tayong hinihingi sa Diyos, sabi nga eh, kapag nakumpleto raw ang siyam na araw na simbang gabi, tiyak ang hiling mo ay matutupad. Isang himala ang darating. Ngunit dahil sa okupado ang ating mga isipan at puso ng mga kahilingang ito, nakakaligtaan natin ang regalong nasasa atin na.

Ito ang Eukaristiya, ito ang patuloy na pagbibigay ni Hesus ng Kanyang sarili sa ating lahat. Sa anyong tinapay at alak, pinapawi nito ang lahat ng ating espiritwal na kagutuman at pangangailangan. Nasa atin na ang ating mga sinasamo, kailangan lamang maging mulat sa mga biyayang dala ng Emanuel na nasa Eukaristiya.

1458687_406500849452821_633349003_nSa simbang gabing ating dinadaluhan, sinasamahan natin si Maria sa siyam na buwang paghihintay na mailuwal ang Emanuel, (siyam na araw na nobena). Ang Kanyang pag “OO” ang siyang nagpabago sa lahat. Ang Diyos ay naging sobrang lapit sa tao. Ang Diyos ay nakipamuhay sa Diyos. Ang Diyos ay naging taung-tao na katulad natin, maliban sa kasalanan. Bagamat ang kapaligiran ay nababalutan na ng saya, dala ng iba’t ibang makukulay na palamuti, Christmas party kahit saang dako, maririnig ang masasayang awiting pamasko, sinabayan pa ng napakalamig na panahon, tayo pa rin ay nasa panahon pa rin ng paghihintay (Advent season) sa kaarawan ng Emanuel.

Sabi nga sa kanta: “Ang pasko’y paalala. Na bawa’t isa’y pagpapala. Mula sa Kanya, na unang biyaya.” Tunay nga ang paalala na ito na si Hesus ang Emanuel ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala, at makita natin sa ating sarili, sa kapwa, at sa mga bagay na pinagkakaloob Niya ay mga biyaya pa rin. Ang Diyos ang unang nagmahal sa atin, biglang tugon tayo man ay nagmamahal din. Iyan ang hiwaga ng Eukaristiya. Ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya.

Kaya ngayong pasko. Ang blessings ko’y Ikaw Hesus
Thank you, thank you Hesus, ang bait-bait Mo.

“Panginoon, iligtas mo ako!”

Tayo ay nakakaranas ng maraming pangamba, kahit alam nating kasa-kasama natin ang Diyos.  Maraming unos na dumarating sa atin, at ito ay patuloy na gumugupo sa atin.  Kapag nandyan na ang unos, ay lagi nating iniisip, isa itong malaking sumpa na nagpapahirap.  Nagdadala sa atin na malunod sa dagat ng problema.  Ngunit tayo ay tinatawagan na kaibiganin ang unos na ito.  Dahil kahit anong gawin natin, parte ito n gating buhay.  Sa likod ng bawat unos ay may mga nakatagong biyaya.

Una, ang unos ang paraan ng Diyos upang ipakilala Niya ang Kanyang sarili sa atin.  Ginamit ni Jesus ang unos upang ipakitang Siya ang Diyos ng sansinukob.  Nalaman natin na makapangyarihan Siya sa lahat. Na Siya ang pinagmumulan ng lakas ng lahat ng tao at bagay.  Hindi ba nga kaya Niyang palakarin ang tao sa ibabaw ng tubig, ng dagat, at kaya rin Niyang pakalmahin ang nangagalit na unos ng dagat. Sa pamamagitan ng unos, ipinapakita Niyang Siya ang Tagapagligtas. Sa gitna ng panggagalit ng panahon, iniligtas ni Jesus si Pedro sa tiyak na pagkakalunod.  Inabot Niya ang kanyang kamay sa alagad na nagduda sa kanya upang palakarin pabalik ng bangka. Nang makabalik na si Pedro sa Bangka, mula sa pagkakaligtas sa kanya ni Jesus. Nasabi ng mga ibang alagad: tunay na Siya ay Diyos. Hindi ba’t ang tagal na nilang kasama si Jesus, nagpakita ng mga himala ng pagpapagaling, at pinkahuling tagpo bago mangyari ito ay ang milagro ng pagpaparami ng tinapay at isda.

download

Ikalawa, ang unos ay pagsubok ng Diyos sa katatagan ng ating pananampalataya. Siguro, ay mas tamang sabihin nating ang unos ay tila isang exam, na nakailangan mapagdaanan, mapaghandaan upang mas lalong lumago ang ating pananampalataya.  Hindi ba kapag tayo ay nakakaranas ng pagsusulit, pinagyayaman nito ang ating kalaaman? Ganito rin sa ating pananampalataya kay Jesus na siyang Panginoon na ating pinanghahawakan. Ang bangka ay sumisimbolo ng ating Simbahan.  Marami sa atin ang lumilipat ng ibang relihiyon o simbahan kapag nakakaranas ng mga unos sa buhay.  Nasasabi nilang walang katiwasayan ang pagiging buhay Katoliko ko.  Hindi naman dapat ganuon, na aalis tayo ng ating bangka sa gitna ng maalong dagat ng pagsubok, upang lumipat ng ibang bangka. Hindi natin nakikita na si Jesus ay kasama natin sa bangka, sa ating Simbahan.

Ikatlo, ang unos ay pagpapamukha sa atin kung sino ang tunay na may kontrol sa lahat-lahat sa buhay natin.  Sa ebanghelyo, nakatuon ang tingin ni Pedro sa Panginoon, at  siya ay nakalakad sa tubig.  Subalit nang ituon niya ang kanyang pansin sa lakas ng hangin at laki ng mga alon, natakot siya at natuon ang kanyang pansin sa kanyang sarili.  Kung sarili ang pagtutuunan natin ng pansin, at kung hindi natin kikilalanin ang Diyos, tiyak na tulad ni Pedro, tayo rin ay malulunod sa unos ng ating buhay.

Sa Eukaristiya makikita natin ang presensya ni Jesus.  Na Siyang umaagapay sa atin sa napakaraming unos ng buhay natin. “Huwag kang matakot” ang wikang dumadagundong sa tenga n gating mga puso sa ingay at lakas ng alon ng dagat.  At si Jesus na ating tinatanggap sa Kanyang katawan at dugo ay handang sumama sa atin at handang tumulong kapag tayo ay sumigaw ng tulad ni Pedro: “Panginoon, iligtas mo ako!” Amen.

 

Tanging Yaman

Introduction:

 Hightech gadgets? Mansyon o condominium? O mapormang luxury cars? Malaking pera sa bangko? Kasikatan?                 Maimpluwensyang posisyon?

Aminin man natin o hindi, ang mga bagay na ito ang sukatan ng materyal na mundo. Ito ang nagsasabi sa ating tayo ay mayamang mayaman. Hahangaan ka ng marami kapag nasa iyo ang mga bagay na ito.  Ngunit ang mga bagay na ito ay mga mga bagay na naluluma, nasisira, kumukupas at maaring mawala o manakaw sa atin. Ang ebanghelyo ng talinghaga ng natagpuang perlas at kayamanang nakabaon sa ilalim ng lupa ay nagpapaabot ng mensahe sa kung ano ang Kaharian ng Diyos, yaman, at paghuhukom.  Mga talinghagang nagtuturo sa atin ng tamang pagpili at pagpapahalaga sa mga tunay na yaman.

Ngayong school year na ito, ako ay graduating student na sa pag aaral ko sa Teolohiya, hindi ko maiwasang muling balikan ang karanasan ko, kung saan ako ay tinawag ng Diyos na pumasok ng seminaryo.  Bago ako tumugon sa Banal na Tawag na ito, ako po isang high school teacher, ilang taon din akong nagturo, may magandang trabaho, may mapagmahal at masayang pamilya, ang lahat ng ito ay aking pinahahalagahan. Ngunit nasumpungan ko ang kayamanang mas matimbang ang halaga, itong mga bagay na aking pinahahalagahan ay aking iniwan, upang makamtan ang kayamanang napakahalaga. Nakita ko ang napakahalagang perlas.

pearl

Ako ay kabilang sa isang religious order, Congregation of the Blessed Sacrament, kaming lahat ay namumuhay sa tatlong vows na aming isinasabuhay, ang poverty, chastity at obedience.  Ang kahirapan o poverty ang siyang lutang na lutang sa araw-araw naming pamumuhay.  Kung saan ang mga personal naming ari-arian ay aming hinayaang ariin din ng iba, namumuhay ng simple, ang mga pinipili ay payak, walang celfone, walang laptop, walang personal na akin, habang ang materyal na mundo ay kumakaway at tila baga  nagsasabing para masabing mayaman ka, kailangan tangan mo ang lahat ng ito.

Subalit sa pagtakbo ng panahon ng pamamalagi ko sa seminaryo, ipinakita rin sa akin ng Panginoon ang aking mga kakulangan at mga limitasyon.  Maraming mga pagkakataong ipinagpapalit ko Siya sa ibang kinang.  May mga sandaling, isina-isantabi ko nga ang lahat upang piliin ang kinang na ito.  May mga pangyayaring nakakapit nga ako sa Kanya pero tangan-tangan ko pa rin sa kabilang kamay ang ibang mga kaagaw Niya sa aking buhay.  Pilit kong binibitawan pero, pilit ko pa rin talagang hindi mabitaw-bitawan. Ang pag-ibig ko para kay Jesus ay hindi pa pala ganap.  Nakita ko ang kayamanang nakabaon. Inangkin ko kapalit ng mga bagay na pinahahalagahan ko.

images (2)

May apat na magbabarkada ang nakasakay sa pampublikong bus, tatlong lalaki at isang babae, ang isang lalaki ay kumakain ng junk food, maya maya nagsalita ang isa niyang kaibigan at nagtanong: “ Sinong may headphone?” At sumagot ang kumakain ng, “ito, ito…” ngunit bago nya matanggal ang headphone na gamit nya ay pinahawak nya ay kanyang kinakain, kasunod ang pag abot ng headphone sa kanyang kaibigan, matapos nito, kanya uling binawi ang pagkaing pinhawak niya.

Maya-maya, nasabi naman ng kaibigang katabi nya: “ang lamig bro…” pinahawak nya muli ang pagkain hawak nya sa katabi nya, para mahubad nya at maipahiram ang jacket na suot nya.

At ang kaibigan nyang babae naman, ang napansin nya na na gustong matulog, kaya natanong nya, “ masakit?” ibig sabihin nangangawit na ba ang leeg nya, kaya ang ginawa nya muli nyang pinahawak ang pagkaing hawak nya, upang matanggal ang unan na nasa leeg nya at ito’y mailipat sa leeg ng kaibigan nya.

Ngunit ng maibalik na sa kanya ang lalagyan ng pagkain nya, siya ay biglang nagulat. At siya ay nagulat dahil wala na palang laman ang kanyang kinakain: natanong nya na lang: “anong nangyari?” habang tumitingin sa apat nyang kaibigan, nasabi nya lang: “ganyan…ganyan…” Ganyan nga ang mangyayari sa atin, kapag binitawan natin ang mga bagay na nasa sa atin, tiyak mauubusan tayo, tiyak pagsisihan natin natin na bakit ko pa binitawan ang mga bagay na ito, ngayon ako naman ang nawalan.

images (1)

Ngunit sa Eukaristiya, ang paglalaan ng sarili ni Jesus ay nagkaruon ng kaganapan. Ang buhay niya ang pinakamahalagang yaman niya, alam nating kanya itong pinahalagahan, ngunit ang mahalagang ito ay kanyang ibinahagi, hanggang sa pagkabayubay ng kanyang katawan sa krus.

Ano ang mga yaman mo na hindi mo pa rin mabitaw bitawan upang maipagpalit mo sa pinakamahalagang antas na yaman. Sa Eukaristiya ating dinadaluhan tuwing linggo, ang sarili mismo ni Jesus ang kanyang inilalaan sa atin, nawa’y masabi nating ang eukaristiya ay sapat na, ang kanyang paglalaan ng sarili ay sapat na, ang kanyang pagmamahal ay sapat na, dahil ito ang ating tanging yaman. Amen.

 

 

PUSO NG INA

Kung bubuksan natin at titignan ang puso ng ating mga ina, ano kaya ang ating makikita? Sabi nga sa kanta: kung nais mong matanto, buksan ang aking puso, at tanging larawan mo, ang duon ay nakatago. Tunay na sa puso ng bawat ina ay ang anak ang nasa kanyang puso. Ang puso ng isang ina ang siyang luklukan ng pagibig niya sa kanyang anak.


Puso, ang nag aalab na pag ibig ng isang ina sa kanyang anak. Puso, ang nagbibigay inspirasyon sa ina na patuloy na mangarap at magpunyagi para sa kanyang anak. Kapag huminto ang puso ng isang ina, tiyak ang tibok ng puso ng anak at wala rin.

Kapag masaya ang anak, tiyak masayang-masaya ang ina. Kapag malungkot ang anak, tiyak malungkot na malungkot ang ina.
Ilang araw na lang mula ngayon, atin na namang gugunitain ang Araw ng mga Ina. Kapag ina na ang pinag-uusapan, dagdagan pa ang katagang pagmamahal, sigurado ako na marami sa atin ang nagiging emosyonal. At katulad ng lahat ng mga ina, si Inang Maria ang siyang huwaran nila.

P – pananampalataya, pananalig. Dahil sa pusong marunong manalig at sumampalataya sa Diyos, nagging madalikay Maria ang magmahal. Pananampalatayang hindi mapapantayan ng kahit na sinong babae at ina. Pananampalatayang handing maglaan ng sarili. Pusong sumasampalataya.
Image
U – unawa. Maraming mga pangyayaring naganap sa buhay ni Hesus, ang talagang hindi maunawaan ni Maria. Sa ebanghelyo, kung saan si Hesus ay nawala at natagpuan sa templo, hindi niya maunawaan na ang batang Hesus na ito ay magsasalita na Siya ay di dapat hanapin dahil Siya ay nasa templo ng kanyang Ama. Kung patuloy itong inunawa ni Maria gamit ang kanyang isip, ay talagang malabo siyang makakuha ng kasagutan. Ngunit ang ginamit niya ay puso. Puso ang ginamit niya upang mauwaan niya ang lahat-lahat. Maingat niya itong inalagaan sa kanyang puso. Pusong umuunawa.

S – sunod. Kapagmahal mo ang isang tao, madaling sumunod. Madaling umayon sa kanyang mga desisyon. Ganyan din ang nangyari kay Maria, mula sa pagbabalita ng anghel na siya ay magdadalang tao, pagsabihan ni Hesus sa kasalan sa Cana, hanggang sa pananatili sa krus, ang kagustuhan ng Diyos ang siya niyang sinunod. Mahirap, gunit dahil sa pusong handang sumunod ito’y naging napakadali. Pusong sumusunod.

O – ras. Sa panahon ngayon, lahat mabilisan, lahat nagmamadali, lahat nakadepende sa oras. Si Maria ay naglaan ng panahon at oras sa kanyang Anak. Sa kasalanan sa Cana, nasabihan siya ni Hesus: “hindi ko pa oras, maghintay ka…” Kapag mahal natin ang isang tao, handa tayong manatili at maglaan ng oras para sa kanya. Napakadali para sa may pusong handang maglaan ng oras sa iba.

Pusong ina, pusong may pananampalataya, umuunawa, sumusunod at handa sa paglalaan ng oras. Nawa’y ang puso ng lahat ng ina at maiwangis sa puso ni Maria. Maligayang araw ng lahat ng mga ina.

Puso

“Sawi ka ba sa pag-ibig?”

“Naranasan mo rin bang ma-in love?”

Ito ang ilan lamang na laging itinatanong sa akin bilang isang seminaristang patuloy na tumutugon sa Banal na Tawag.

Bumalik sa aking ala-ala ang mga katanungang ito dahil Valentine’s Day na naman. Napaka secular at commercialize ng pagdiriwang na ito. Punung-puno na naman ang mga restaurants, malls, at iba pa. Madami rin ang bumili ng bulalak gaya ng roses para ibigay sa kasintahan o sa minamahal. Sa mga paraang ito alam nilang maipaparamdam nila ang kanilang tunay na pagmamahal sa kanilang minamahal.

Image

Kasabay ng masayang pagdiriwang ng mga may kabiyak ngayon, ang realidad ay marami rin ang nangungulila dahil hanggang ngayon daw ay di pa rin nila nasusumpungan ang kanilang kabiyak. SMV – Samahan ng mga Malalamig ang Valentines.

Ngayong araw na ito, bilang isang seminarista, hinahamon ako na tignan ng mas malalim ang pangako kong kalinisan (vow of chastity) na aking isinasabuhay sa aking buhay relihiyosos.  Na maglalaan ng buhay sa Diyos, hindi mag aasawa, mamumuhay ng mag isa upang ang lahat ay makasama, hindi eklusibo sa isa.  At ang puso ay mahubog katulad ng puso ni Jesus, sa Kanyang Banal na Puso.

Kapapanuod ko lang ng pelikulang Bride for Rent, sa dulo ng pelikulang ito, ipinakita ang tunay na ganda ng bokasyon ng pag aasawa.  Kung saan ang mga mag asawa ay nagbahagi ng kanilang mga karanasan, hanggang sa pinakahuling nagbahagi ay isang ginang katabi niya ang kanyang mister na maysakit ng Alzheimer’s disease.  Sa kalagitnaan ng interview, nagtanong ang kanyang mister: “Sino ka?” sumagot naman ang ginang ng: “I love you” ay hinagkan siya ng kanyang mister. Dahil sa mga salitang I love you, nakikilala at  nagkakaruon ang mister ng seguridad sa kanyang misis kahit na wala na siyang maalala.

Image

Ang pagbibigay ng pagmamahal ay hindi natatapos sa araw na ito, bagkus, ito ay pang araw araw nating panata, hindi lamang sa mga taong mahal natin, iyong mga taong tanggap tayo, pati na rin sa taong napakahirap tanggapin at mahalin.

Sa araw na ito, alam kong lahat ay masaya, dahil alam kong ang Diyos ay pag-ibig. Na Siyang nagpapairal sa atin upang tayo ay patuloy na umibig. God is our Special Someone, when we have no one.

Superman, Man of Hope

Marahil kung mag papasurvey ako ngayon sa mga tao kung sino ang pinaka-popular na superhero para sa kanila, tiyak akong si Superman ang tinaguriang Man of Steel ang pinaka numero uno sa kanilang sagot. Sigurado rin akong marami na sa atin ang nakapanuod ng pelikulang Man of Steel.  Ako man ay nagkaruon ng pagkakataon na mapanuod ang pelikulang ito.

Akala ko nga ay kilalang kilala ko na ang karakter ni Superman, ngunit matapos kong mapanuod ang pelikulang ito ay nagbago ang aking pagkilala sa kanya at mas lalo kong hinangaan ang kanyang  karakter.

Image

Bata pa lang si Clark ay nagtatanong na siya kung sino ba siya, kung bakit tila kakaiba ang kanyang pagkatao sa ibang kabataang katulad niya, hindi siya popular, at lagi pang biktima ng pang bu bully.  Kahit siya ay saktan na ay hindi pa rin gumaganti sa kalaban, marahil weird ang dating niya sa ibang mga kabataan.

Ang batang Clark ay hindi nanatiling bata, siya man ay dumaan sa pagiging binata, binatang patuloy na naghahanap ng kanyang sarili, ng kanyang identidad. Ngunit siya ay hindi tumigil, siya ay lumipad ng lumipad hanggang makita niya ang kasagutan. Ang mga problema sa buhay ay hindi nagpabagsak sa kanya, bagkus ito pa ang naglipad sa kanya upang patuloy na magpunyagi.

Pinaniwala ako ng maraming taon na ang logong ‘S’ sa kanyang dibdib ay nangangahulugan na Superman.  Kung palalalimin ay,  napakagaling, napakalakas, napakatalinong tao. Super talaga, ngunit para sa kanya, ang ‘S’ na ito ay pag asa (ang salitang Latin na Spes, ay nangangahulugan ng Pag-asa).

Nuong siya ay gagawa ng malaking desisyon, pumunta siya sa simbahan, nagdasal sa Diyos at humingi ng payo sa pari. Taong tao, hindi umaasa sa sarili niyang kakayahan ngunit humingi siya ng tulong sa Diyos at sa taong alam niya ay eksperto sa larangang ito.

Image

Sa pelikulang ito maraming aspeto na makikita nating napaka Katoliko ng pelikulang ito, ang isyu ng populasyon, na siyang nagpaubos ng lahing Krytonian (ang isyung pinaglalaban ng simbahan – RH Bill). Siya ay pinadala sa mundo dahil nanganganib ang kanyang buhay (katulad ng tagpo nuong si Hesus ay bata pa, ay balak ipapatay). Ang idad ni Superman ay 33 (ito ang idad ni Hesus nung Siya ay naghirap at namatay sa Krus).  Siya ay kusang sumuko upang maligtas ang buhay ng marami (ganyandin ang nangyari kay Hesus, sumunod Siya sa Ama, ay naghandog buhay para sa lahat). Sa pagliligtas niya sa mundo, siya ay may nakatulong na babae, Lois Lane, (si Hesus, sa pamamagitan ni Maria (sa pagdadalang tao)  ay naligtas ang mundo).  Marami pang elemento, ito ay iilan lamang.

Image

Sa bandang huli, pina alala ni Superman, ang tunay na Man of Hope, na hindi dahil may kapangyarihan siya, ay isa na siyang banta sa seguridad ng lipunan, maari siyang maging kakampi at kaibigan.

KOMUNYON, HAMON AY PAGBUBUKAS PALAD

Ano ba ang komunyon? Ang komunyon ay ang pakikipag isa sa buong sambayanan o komunidad.  Pagbabahagi kung ano ang ating tinatanggap.

Ang ating tinatanggap ay isang tinapay at alak.  Sa komunyon lahat tayo ay nagiging isa.  Walang puedeng lumabis. Walang puedeng makulangan.  Ang katawan ni Kristo na nasa anyong tinapay: isang laki, isang itsura, isang lasa, isang hugis. Ang dugo ni Kristo sa anyong alak. Bago maging alak. Ito ay ubas. Maraming ubas, ngunit kapag piniga ito ay nagiging isang anyo, isang uri ng katas.

Ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan at dugo ni Kristo na ibinabahagi sa iba.  Ang komunyon kay Hesus ay pakikipag komunyon sa kabuuan ni Hesus, sa Kanyang katawan at sa mga myembrong bumubuo dito.

Image

Kapag tayo’y nag kokomunyon, tayo ay dumudulog at pumipila na bukas an gating mga palad upang tayo ay tumanggap.  Ngunit ang hindi natin alam ito ay nangangahulugan din n gating pagiging bukas palad na pagbabahagi sa ating matatanggap. 

Kagabi nabasa ko sa post message ng isa sa mga myembro ng PYM sa kanyang Facebook account ang post na ito: “nakakapagod ang gabi na ito, naging abala kaming mga kabataan na mag repack ng mga relief goods para sa mga taong hanggang ngayon ay baha pa rin sa Laguna.  Sabi ni Father, alam daw naming na kami din ay nangangailangan, pero ang ginagawa daw naming ngayon ay kaming nangangailangan ay nagsasakrispisyo para sa mas mga nangangailangan.” 

Kakaiba at may kurot sa puso ang mensaheng ito.  Hindi ba’t kadalasang bago tayo magbigay ay iniisip muna natin, teka muna, kailangan ko rin ito bakit ako magbibigay, wala nang matitira sa akin.  Nakakatakot yata ang maubusan.  Ngunit hindi ba mas masarap sa pakiramdam ang magbigay kahit alam mong walang matitira sa iyo, at alam mong mas nangangailangan ang iba.  Hindi ba’t ganyan din ang ginawa ni Kristo hanggang sa ang kaisa isang buhay Niya ang inilaan sa lahat. 

Image

 

Bago natin tanggapin ang katawan at dugo ni Kristo.  Tayo ay sumasagot ng malakas na, AMEN. Ang pagtugong ito ay nangangahulugang Sumasampalataya tayo na ang presensya ni Hesus ay nasa anyong tinapay na ating tatanggapin.

Marami sa atin ang naniniwalang hindi daw natin dapat tanggapin ang banal na Sakramento sa ating mga kamay.  Dahil ang kamay daw natin ay marumi, natural lamang na ipaderekta natin sa ating dila.  Ngunit ang pagtanggap natin sa kamay ng Banal na Sakramento ay maraming malalim na pakahulugan.  Ang kamay ang siyang pinang kokonsagrado ng pari upang ang tinapay at alak ay maging tunay katawan at dugo ni Kristo.  Ang kamay ang ginagamit sa paghahati hati ng tinapay at kalaunan ito’y ginagamit na pambahagi.  Ang kamay ang ginagamit nating pangkamay sa ating pag welcome, sa ating bagong kakilala, bilang pasasalamat, bilang pang congratulate. 

Image

Ang kamay ang siya rin nating pinangkakaway tanda ng ating pagbati o pagtawag sa taong kakilala.  Ang kamay din ang ating pinanghahaplos sa mga taong nawawalan ng pag asa.  Ang kamay ang siyang nagiging simbolo ng pagmamahalan ng magkasintahan, upang sila ay maging isa, HHWW (holding hands while walking, pa sway sway pa).  Ang kamay ang siyang pinakagamit natin upang tayo ay tumanggap at magbahagi.  Makipag kaisa. Makipag komunyon sa kay Hesus at sa ating kapwa. Ngunit lagi nawa natin makita ang pinakamalalim na kahulugan ng paglahad ng ating mga palad sa komunyon, ito ay nangangahulugang hindi lamang tayo tatanggap kundi, buong palad din tayong magbabahagi. Iyan ang hamon ng bahagi ng komunyon ng misa.

KAINAN NA.

Marahil pamilyar kayo sa commercial ng isang sikat ng instant noodles, kung saan pinahahalagahan ang sabay sabay ng pagdulog sa hapag kainan ng isang pamilya, hindi ba’t sa commercial na ito, nagkakaruon din ng pagbabahaginan, nagiging lugar kung saan nagkakamustahan, nagkakaalaman ng mga nangyayari sa pamilya, may komunikasyon sa bawat isa.  ang mga magulang ay nagagabayan ang kanilang mga anak.

Image

Ngunit, tila ang halaga ng salu salo o sama samang pagkain ay nawawala na.  bihira na rin marahil na ang pamilya’y sabay sabay na dumudulog sa hapag kainan, dahil sa maraming ang salik, ang hirap kumain ng hindi nagkikibuan, dahil may mga alitang namamayani sa tahanan, gayundin naman ang pagiging abala sa maraming bagay, tuwing hapunan, marami sa atin ang nakaaabang na sa mga telenovela, ang mga anak, ay hindi maabala sa harapan ng computer, sa internet. At iba pa.

Sa Eukaristiya, sa harap ng hapag, ang Diyos at ang tao ay nagkakamustahan, nag huhuntahan, at hanggang sa dudulog sa kainan.

Ngunit aminin man natin o hindi, tayo ay nasisiyahan kung tayo ay inaanyayahan sa kainan, hindi marahil sa kung ano ang pagkain.  Kundi sa magandang kalooban ng nag anyaya, ang masayang pagtitipon at umpukan ay nagdudulot ng mahalagang kahulugan.  Dahil sa lahat ng ito, bagamat di gaanong kasarap ng pagkain ang panauhin ay lubhang nasisiyahan.  Pinatutunayan nito na ang piging o salu salo na may kasamang masayang umpukan at usapan ay talagang mahalagang simulain at sumasarap ang pagkain.

Image

Si Hesus ay lumalahok sa maraming kainan upang ipahiwatig ang mga bagay na ito.  Una, sa pagsalo niya sa mga naninigil ng buwis, mga makasalanan, ito ay isang maliwanag na tanda ng kanyang pakikiisa sa mga taong ito.  Siya’y isang propeta at guro na nakikipagkaibigan sa lahat sa buklod ng kainan at kapatiran. Ang kanyang pakikiisa ay tanda ng maliwanag na pagpapatawad at pagiging maunawain. Ikalawa, si Hesus ay nagtuturo din habang kumakain, ginamit niya ito upang ipahiwatig ang awa ng Diyos.  Ikatlo, sa Huling hapunan, ang sal-salo na kinasangkutan ng Eukaristiya, siya ay gumamit ng tinapay at alak, mga sagisag ng kabutihan at pag aalaga ng Diyos.  Kaya nga walang dumadalo sa masayang salu salo dahil sa pagkain lamang.  Ang gayong paniniwala ay sinunod sa mga pagkain at sa huling hapunan binigyan diin ang diwa ng pagkakaisa at pakikisama kung kaya sinasabi niyang ang tinapay ang tunay na pagkain at alak ay tunay niyang dugo, ang dugo ng bago at walang hanggang tipan.

 

Ang Eukaristiya ay isang salu salo.  Pagsasalu salo ng hindi lamang pagkain, kundi ng buhay, ng presensya at ng pagkawala, ng tagumpay at kabiguan, ng ngiti at pagluha, dahil alam nating sa eukaristiya, sa hapag ng Diyos, siya ay ating nakakasalo.

REGALO

Ngayong araw na ito, Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ni Juan Bautista, ang siyang hudyat para pormal ng isara ang panahon ng kapaskuhan…

Lumipas na ang Pasko 2012, ang bagong taon. Marami sa atin ang naging abala sa kaliwa’t kanang mga Christmas party, daming kainan.  Marami ring tayong natanggap na mga regalo, ang iba ay ni recycle pa nga natin, regalong iniregalo natin sa iba dahil alam nating hindi natin ito magagamit, at may mga regalo tayong itinabi dahil alam nating mahalaga ito. Sa pagbukas natin ng mga regalo, at nakita kung ano ang laman nito, naisip kaya natin kung bakit ito ang ibinigay sa iyo? Ang taong nagbibigay ay may ibig ipakahulugan ito sa atin.

lady-opening-christmas-gift-parcel

Nuong Pasko, nagdiwang muli ng kaarawan ang ating Panginoong Hesus, Siyang may kaarawan ang tila baga nakalimutan at hindi man lang nahandugan. Ngunit Siyang may kaarawan ang siya pang nag alay sa atin ng isang mahalagang regalo, ang Kanyang sarili sa Banal na Eukaristiya.  Alam kaya natin ang kahulugan ng regalong ito na Kanyang ibinigay sa atin?

eucharist-2008-quebec

Marahil naligpit na natin ang ating mga Christmas decors, hudyat na tapos na talaga ang panahon ng kapaskuhan, ngayong araw na ito, ginugunita natin ang pagbibinyag kay Jesus, tanda lamang na ang batang Jesus ay hindi nanatili sa sabsaban, siya ay lumago, at nagmisyon.

Nawa ang tuon natin kay Jesus ay hindi maiwan sa batang Jesus na nasa sabsaban, Siya ay nananahan sa atin ang ating Emmanuel na nasa Eukaristiya at lagi nating kapi-kapiling.  At nawa’y ang regalo Niyang pag-big, pag-asa at liwanag ay huwag nating sarilin, I recycle din natin ito sa iba.