Si Hesus ang Dakilang Guro (pagpapalalim sa Marcos 1:21-28)

Bilang isang dating guro sa 3rd at 4thyr high school, madalas ay nabibigla ako kapag may mga lumalapit na mga batang nagpapasalamat sa mga bagay na naituro ko sa kanila. Minsan ay naiisip ko na lang na baka binobola lang ako ng mga batang ito. Ngunit kasabay ng pagkatuwa kong ito, ako ay natakot sa aking sarili dahil talagang yumayabang ako sa mga papuri’t pasasalamat nanatatanggap ko mula sa kanila. Ngunit hindi alam ng mga batang ito na ang biyayang makapagturo at makapagsalita sa harapan ng klase nila ay isang regalo mula sa Diyos. Siya ang tagapagbigay ng mga biyayang ito, ako’y isang instrumento lamang.
Tayo ngayon ay nasa ikaapat na Linggo sa kanraniwang panahon, litaw na litaw sa mga narinig nating mga pagbasa ang temang: Panoo nga ba maging isang Propeta?
Sa unang pagbasa na hango mula sa aklat ng Deuteronomio, narinig nating ipinahayag ni Moises sa mga tao na siya ang propetang pinili ng Diyos upangmapakinggan, sapagkat may darating pang mas dakilang propeta sa kanya.
Ano nga ba ang Propeta? Ang propeta ay isang taong pinili ng Diyos upang magdala ng Kanyang mensahe sa mga tao. Siya ang tagapagsalita ng Diyos. Isang kinatawang binigyan ng kapangyarihan. Sa mga salitang ito mababatid natin na mahalaga ang papel ng propeta. Sabi nga ni Mosises: “Siya ang inyong pakinggan.”
Sa Ebanghelyong ating narinig, ay natunghayan natin ang Propetang may kapangyarihan. Si Hesus, ang dakilang Propeta. Nuong nakaraang Linggong Ebanghelyo, si Hesus ay nagsimula sa Kanyang Gawain bilang Propeta ay nagpahayag na: “Sumapit na ang panahon, magbagumbuhay at maniwala sa Magandang Balita, lumapit na ang Kaharian ng Diyos.”
Ngunit ang Propetang si Hesus ay kakaiba sa lahat ng naging mga propeta. Siya ang pinakadakilang Propeta. Kapag Siya ay nagtuturo, ang Kanyang salita ang Kanyang ipinapahayag, dahil Siya ay Diyos, mismong sa bibig ng Diyos. Hindi katulad ng mga Eskriba at iba pang tagapagturo, dahil kapag sila’y nangangaral, ito ay hindi orihinal na salita o kaisipang sa kanila mismo nanggagaling. Kanila lamang itong binabasa mula sa Banal na Kasulatan, naiba ang may akda. Kapag si Hesus ang nagturo, hindi niya kailangang ipaliwanag ang Salitang Diyos. Dahil Siya mismo ang Salita ng Diyos. Siya mismo ang Diyos na nagtuturo at nagsasalita sa Kanya mismong Kapangyarihan.
Sa pagtuturo ni Hesus, ay ang Kanyang pananalita ay nauuwi sa pagsasagawa. Ang Kanyang mga Salita ay buhay. Sa Kanyang pagsasagawa ng mga kahangahangang mga bagay: ang pagpapagaling sa mga maysakit, pagbibigay buhay sa mga patay, at pagpapalayas ng demonyo sa mga katawang sinasapian nito. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, narinig natin na pati ang demonyo ay nakilala ang Kanyang kapangyarihan at nasabi pang: “Alam ko kung sino Ka, ang Banal na Diyos!”
Ako ay wala na sa apat na sulok na silid aralan, ako ay tinawag ng Diyos na lumabas sa silid na ito upang pumasok sa mas malawak an silid aralan upang hindi malilimitahan sa apat na sulok ng silid aralang ito, bagkos mag makapag turo pa sa mas nakakarami sa mas malawak na silid aralng ng tunay na buhay. Ngunit kahit na anong pilit ko nuong gawin ang lahat ng aking makakaya sa pagtuturo sa harapan ng mga bata ay hindi ko mapapantayan at matularan ang Kanyang kapangyarihan sa pagtuturo. Ngunit naniniwala akong sa pagkakaruon natin ng malalim na ugnayan kay Hesus, maari nating masundan ang Kanyang daan at maari ding mamutawi sa ating mgasalita at gawa ang kapangyarihan ng Kanyang pagtuturo.
Nuong tayo ay bininyagan natanggap natin ang tatlong misyon ni Kristo: ang pagiging pari, hari at propeta. Ang pagiging propeta ay isang malaking hamon sa atin ngayon. Paano nga ba maging propeta? Maari tayong maging propeta sa pamamagitan ng Biblia, ngayong ating ipinagdiriwang ang Pambansang Linggo ng Biblia. Ang Biblia ay ating basahin, aralin, isabuhay at ibahagi ang mga aral na ito, sa ating sarili, pamilya at pamayanan.
Sa pagpapatuloy nawa ng ating pagdiriwang, atin nawang makita si Hesus sa Kanyang Banal na Eukaristiya – sa Kanyang kaningningan – ang kanyang kapangyarihang nagpapagaling, kapangyarihang nagpapalaya at kapangyarihang nagbibigay buhay. Amen.

Advertisements

Personal reflection on the calling of St. Matthew (shared on the community mass on his feastday – Sept. 21)

Bakit ganyan na lang ang tingin ninyo sa akin?

Bakit parang ako’y inyong hinuhusgahan?

Dahil ba sa ako’y kakaiba at makasalanan?

Isang ordinaryong araw, ako’y nakaupo sa paningilan ng buwis, isang ordinaryong gawain para sa akin. Wala akong pakiaalam kung labis labis man ang aking sinisingil sa mga taong bayan, ang mahalaga’y may makulekta akong malaki sa kanila.   “Sumunod Ka sa akin…” isang tinig ng lalaki na waring nag uutos sa kin.  Kakaiba ang boses na iyon.  Kakaiba sa lahat ng aking narinig.  Hindi ko maintindihan at maipaliwanag ang nangyari  at naramdaman ko ng oras na iyon.  Para akong nabato balani na tumindig sa aking kina uupuan, sumunod, at humakbang ang aking mga paa, na may direksyon…direksyon na sumunod sa lalaking nag utos sa akin.  Hindi ko pa nakikita ang kanyang mukha, ngunit buong tiwala akong sumunod.  Ang pag tindig ko at paghakbang ko ng aking mga paa ang siya pala simula ng pagbabago ng aking buhay.

Humakbang lang ako ng humakbang, hanggang sa naging pamilyar na ang lugar na aming pinatunguhan.  Hanggang sa huminto kami sa tapat ng aking tahanan.  Hindi magkasya sa aking puso ang kagalakan at pananabik ng humarap Siya sa akin, ngumiti at nagwikang naisin Niyang makidulog sa akin sa hapag kainan.

Ngunit ang pagdulog ni Hesus sa aking tahanan ay nagdulot ng malaking usapan.  Ang mga Pariseo ay nagtanong kung ano ang ginagawa niya sa aking tahanan,sa  tahanan ng isang makasalanan.  Marahil ako man ang naging isa sa mga dahilan kung bakit Siya tinuligsa dahil sa pakikisalamuha sa mga taong katulad ko.  Dahil para sa kanila hindi ito gawain ng isang matinong tao.  Eh anong magagawa ko Siya naman ang lumapit at hindi ako ang nakiusap sa Kanya.

Sa hapag kainan, napakaligaya ko dahil kasama ko Siyang kumain. Hindi talaga ako makapaniwala.  Sa hapag kainan, mas lalo ko Siyang nakilala. Ang hapag kainan ang naging simbulo ng pagtawag niya sa Akin.  Sa hapag kainang iyon, ay Kanyang ibinalik ang nawalang halaga ko sa mata ng marami.  Sa hapag kainan na iyon ako’y nakaramdam ng pag asa, pag asang may bukas pa sa mga taong katulad ko.  Sa hapag kainan ding iyon naramdaman kong ako’y niyakap at tinanggap.   Ang dami naming  napag usapan.  Isa na dito ang anyayahan Niya akong maging isa sa kanyang mga Apostoles.  Nuong una’y hindi ko matanggap dahil, kasabay nito ay pag iiwan ko sa aking trabaho at pagsasauli ng mga sobrang nakolekta kong buwis sa mga tao.  Ganun paman, ako’y tumugon sa kanyang hamon.  Hindi ba’t mas kumita pa ako dahil nakita ko at abo’t kamay ko ang tunay na yaman ng buhay?  Ayaw ko mang matapos ang tagpong iyon, ngunit ang realidad ay kailangan kong magsimula sa isang bagong misyon… Kung nakaya ko…hindi ba’t mas kaya ninyo rin…marami pa akong kwento sa taong ito, na nagbigay inspirasyon sa marami…inyo na lang basahin.  Ako nga pala si Mateo, isang dating mandarayang taga tagakolekta ng buwis at ng lumaon ay tagakulekta at tagalista hindi ng utang ng iba kundi ng mga datos, pangyayari at buhay ni Hesus.