MALING-MALI LAGI SI FATHER

Kapag sinimulan nya ng maaga ang misa, advanced ang relo nya,
Kapag na late na simulan ang misa, pinaghihintay nya ang mga tao.
Kapag may mga construction project sya, magastos si Father.
Kapag walang project, walang pakialam si Father.

Kapag kasama nya ang mga babae, playboy
Kapag mga lalake, pinagdududahan.
Kapag mga youth, kahina hinala
Kapag matandang babae, mama’s boy
Kapag nakadistansya sa mga tao, anti social at isnabero.

praying_priest_440.jpg

Kapag kabarkada ay mga matatanda, old fashioned.
Kapag kasama ay mga bata, out of place

Kapag matagal ang oras nya sa pagpapakumpisal, mabagal
Kapag mabilis magpakumpisal, wala syang panahong making sa nangungumpisal
Kapag nagsermon sya ng more than ten minutes, boring at homily abuse na
Kapag maikli naman ang sermon nya, hindi sya prepared.

Kapag ang boses nya ay malakas, sinisigawan ang mga tao
Kapag mahinahon magsalita, hindi maintindihan ang kanyang sinsabi.
Kapag may kotse si Father, napaka materialistic nya
Kapag wala naman kotse, napaka impraktikal nya at madalas nag tricycle lang.

Kapag laging bumibisita sa mga pamilya, lakwatsero
Kapag lagi lang na nasa loob ng kanyang kwarto, walang pakialam sa kanyang mga parishioners
Kapag humihingi sya nga mga contributions at donations, napakagastos nya
Kapag hindi naman humihingi ng pera sa mga tao, napaka yabang nya

prayer.jpg

Kapag sya ay bata pa, walang karanasan,
Kapag matanda na, dapat ng maretire

Kapag nagsorry sya sa mga mali nagawa, plastic at hindi totoo
Kapag hindi naman nag sorry, wala syang puso
Lagi na lang mali si Father sa paningin ng iba…

Habang sya ay nabubuhay, laging may mga taong mas magagaling sa kanya…
Pero kapag sya ay namatay…walang gustong sumunod na mga anak at batang lalake na maging paring papalit sa kanya.

 

Advertisements

Thank you may Pasko

Nasa kalagitnaan na tayo ng ating pagdedebosyon ng Simbang Gabi. Kalakip nito ang pagsasakrispisyo: pag-gising ng napakaaga sa napakalamig na umaga. Sa ginagawa nating pagsisimba, alam nating may kahilingan tayong hinihingi sa Diyos, sabi nga eh, kapag nakumpleto raw ang siyam na araw na simbang gabi, tiyak ang hiling mo ay matutupad. Isang himala ang darating. Ngunit dahil sa okupado ang ating mga isipan at puso ng mga kahilingang ito, nakakaligtaan natin ang regalong nasasa atin na.

Ito ang Eukaristiya, ito ang patuloy na pagbibigay ni Hesus ng Kanyang sarili sa ating lahat. Sa anyong tinapay at alak, pinapawi nito ang lahat ng ating espiritwal na kagutuman at pangangailangan. Nasa atin na ang ating mga sinasamo, kailangan lamang maging mulat sa mga biyayang dala ng Emanuel na nasa Eukaristiya.

1458687_406500849452821_633349003_nSa simbang gabing ating dinadaluhan, sinasamahan natin si Maria sa siyam na buwang paghihintay na mailuwal ang Emanuel, (siyam na araw na nobena). Ang Kanyang pag “OO” ang siyang nagpabago sa lahat. Ang Diyos ay naging sobrang lapit sa tao. Ang Diyos ay nakipamuhay sa Diyos. Ang Diyos ay naging taung-tao na katulad natin, maliban sa kasalanan. Bagamat ang kapaligiran ay nababalutan na ng saya, dala ng iba’t ibang makukulay na palamuti, Christmas party kahit saang dako, maririnig ang masasayang awiting pamasko, sinabayan pa ng napakalamig na panahon, tayo pa rin ay nasa panahon pa rin ng paghihintay (Advent season) sa kaarawan ng Emanuel.

Sabi nga sa kanta: “Ang pasko’y paalala. Na bawa’t isa’y pagpapala. Mula sa Kanya, na unang biyaya.” Tunay nga ang paalala na ito na si Hesus ang Emanuel ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala, at makita natin sa ating sarili, sa kapwa, at sa mga bagay na pinagkakaloob Niya ay mga biyaya pa rin. Ang Diyos ang unang nagmahal sa atin, biglang tugon tayo man ay nagmamahal din. Iyan ang hiwaga ng Eukaristiya. Ang pagkakaloob ng Diyos ng biyaya.

Kaya ngayong pasko. Ang blessings ko’y Ikaw Hesus
Thank you, thank you Hesus, ang bait-bait Mo.

Paghahandog ng talento at sarili

Usong-uso ngayon ang mga talent search at reality shows sa television.  May contest para sa paghahanap ng magaling sumayaw, kumanta, masasabi mo talagang talentando ang Pinoy.  Samga reality shows pinapalabas din ang kakayahan ng mga contestant para makilala nila ng lalo ang kanilang mga sarili. Hinahamon ang lahat na ilabas at ibahagi ang kanilang mga kakayahan.

images

Sa ebanghelyo sa talinghaga ng panginoon na aalis at nagbigay ng kayamanan (sa ibang besryon ng ebanghelyo ay talento) sa kanyang tatlong alipin, may pingkalooban ng lima, dalawa at isa.  Iyong mga utusan na nakatanggap ng lima at dalawa ay agarang ininegosyo at kinalakal ang kanilang mga handog nanatanggap, at ito ay nagbunga ng doble, samantalang ang nakatanggap ng isa, ay ibinaon at itinago sa lupa ang handog na natanggap sa takot na ito ay maubos at mawala.

“Tapat at mabuting alipin” ito ang naging turing ng panginoon nagbalik sa mga aliping nadoble ang handog na ipinagkatiwala sa kanila. “Masama at tamad na alipin” ito naman ang turing niya sa alipin na natakot isapalaran ang handog na natanggap.

Ngunit kung titignan nating mabuti, bakit ganuon na lamang ang galit ng panginoon at isinumpa ang ikatlong alipin?    Napakalaki bang kasalanan ang kanyang nagawa?

Suriin natin, may nilabag ba siya sa sampung utos ng Diyos ng binaon niya ang kanyang yaman sa lupa?  Hindi ba dapat pa ngang matuwa ang panginoon dahil naibalik itong buo?  Malinaw ang sagot. Wala. Walang ginawang masama ang ikatlong alipin. Wala. Wala rin siyang ginawang mabuti, dahil ang panawagan sa kanya ay mapalago ito ngunit kanya itong itinago. Binalewala niya ang ipinagkatiwalang kayamanan at talent sa kanya. Wala siyang ginawang mabuti.

download

May dalawang klasipikasyon ang kasalanan: Sin of commission at sin of omission. Sin of commission ay ang kasalanan ng paggawa – kung saan ay may ginawa tayong kasalanan.   Sin of omission ay ang kasalanan ng hindi paggawa – kung saan na dapat nating gawin pero hindi natin ginawa.  Parehong kasalan na dapat nating suriin sa ating pang araw-araw na pamumuhay.

Muli na namang magsasara ang liturhikal na kalendaryo ng ating simbahan, ito ay matatapos sa kapistahan ng Kristong Hari.  Kaya ang mga pagbasa natin sa misa ay tungkol sa katapusan ng mundo, tungkol sa paghuhukom, sa paghuhusga sa atin. Katulad ng tatlong alipin, muling dumating ang kanilang panginoon upang sulitin sila sa mga biyayang ipinagkaloob sa kanila.  Sa dulo rin ng ating buhay tayo ay huhusgahan  ng ating Haring Diyos, huhusgahan tayo kung paano tayo nabuhay, sa buhay na pinahiram natin, sa mga talentong taglay-taglay natin, ito rin ba ay ating napalago at naibahagi sa ating kapwa, o atin itong ibanaon, itinago, o dili kaya ginamit ang ating kakayahan na manlamang ng ating kapwa.  Sa bandang huli tayo ay huhusgahan kung paano tayo na buhay. Kung paano naging mabunga ang ating buhay sa ating pagbabahagi ng ating sarili sa Diyos at sa ating kapwa. Tayo ay hahatulan hindi lamang sa masamang ating nagawa kundi pati na rin sa mabuting hindi natin nagawa, o ang mas masahol pa, ayaw nating gawin.

Katulad ng ikatlong alipin, tayo man ay takot isapalaran ang talentong meron tayo, natatakot tayong baka ito ay maubos, o kapag nagbigay tayo, baka walang matira, o kapag nagbigaya tayo, ma aabuso ng iba.  Sa ganitong mga pagkakataon – tayo man ay nag babaon ng hindi lamang kayaman, kundi mismo ng ating sarili, pati na rin ang ating kapwa, kasama nating ibinabaon ng buhay.

Tignan natin ang ang ating lipunang ginagalawan, bakit laganap pa rin ang karukhaan? Hangga’t may mga taong nagugutom at hangga’t laganap ang karukhaan, hindi natin masasabing nagamit natin ang ating mga talento at kakayahan nang ayon sa nais ng Diyos.

talent

Sa Eukaristiya, tignan natin si Jesus, na hindi nagbaon ng Kanyang sarili sa lupa upang ipagdamot ang kanyang regalong sarili, bagkos, ang mga pako sa krus ang siyang bumaon sa kanyang mga kamay at paa, ngunit hindi ito nagpahinto ng paghahandog ng kanyang sarili.  Ito ang kanyang paghahandog buhay, ito ay kanyang pagbaon ng kanyang sarili sa ating mga puso, upang manatili Siyang taglay-taglay natin, at baun-baon natin sa ating pusong makasarili. Amen.

SPJE

(ang may akda ay naatasang mag bahagi ng kanyang pagninilay at personal na karanasan sa ikatlong araw na ginawang nobena para sa paghahanda sa kapistahan (Aug 2)  ng kanilang founder, St. Peter Julian Eymard).

Naalala ko pa nung nakarang Enero ng taong ito.  Ibinigay ko ang isang estatwa ni San Pedro Julian Eymard sa aking Spiritual Director (Fr. Nilo, OP).  Nang kanya itong buksan at makita ang laman, lumabas sa mukha niya ang kasiyahan.  At nasabi niyang talagang kakaiba ang founder ninyo, at kanyang nasabi ayon sa aking pagkakatand,  na ang estatwa na ito ay nagpapakita ng kababaan ng loob ng pagiging simple.  Kung mamasdan ang estatwang ito ay nakayuko na sumabay ang matang nakatuon sa hawak na Banal na Sakramento.  Si San Pedro Julian Eymard marahil ay nangungusap na: “ito ang tignan ninyo, ito ang purihin at sambahin ninyo, ito ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay sa mundo, ang tanging yaman.”

Ano nga ba ang katangian ng isang tagatanod (Adorer) ni Kristo sa Kanyang Banal na Sakramento?  Bilang isang Relihiyoso-Seminarista ng Congregation of the Blessed Sacrament, nagtataglay kaya ako nito? Para kay San Pedro Julian Eymard ang katangiang pagiging mababang loob (humility) ang siyang dapat lumutang sa lahat ng mga katangian ng isang tagatanod ni Kristo sa Banal na Sakrameto.  Sa tuwing haharap ako at magdarasal sa harap ng Banal na Sakramento, kadalasang ang utak ko ay abala sa ibang bagay, ng mga pagpaplanong gagawin ko sa hinaharap.  Nakikipag usap man ako sa kanya ngunit ito ay pagdidikta sa Kanya ng mga gusto kong mangyari sa aking buhay.  Kahit ang aking mata ay hindi ko maipako ng matagal sa Kanya, dahil kusa itong pipikit.

Harinawang sa pagtakbo ng panahon, ang aking mata ay mamulat sa kaniningningan ng Banal na Sakramento na nasa aking harapan.  Ang aking isip nawa ay sa kanya lamang matuon.  Ang aking puso ay huwag nawang maging salawahan at patuloy na tumibok sa pag asang ako’y minamahal ng Diyos na aking pinagdarasalan.  Nawa’y tunay akong mabago sa pang araw araw na pagharap ko sa Kanya.  Isang Israel na mapagkumbaba, may kasimplehan sa mga naisin at pinipili, may buong pagtitiwala at tahimik na nakikinig sa mga nais Niyang mangyari sa buhay.

Salamat San Pedro Julian Eymard, sa pagiging perpektong modelo mo sa akin sa tunay na pagtiklop ng tuhod, pag pako ng paningin, pagtahimik ng isip at puso sa pananalangin sa Eukaristikong hari sa Kanyang Banal na Sakramento. San Pedro Julian Eymard, tapat na nagmamahal at nagpupuri sa Banal na Eukaristiya, turuan mo kami at ipanalangin. Amen.

*ST.  PETER Julian Eymard, the founder of the Congregation of the Blessed Sacrament, was born in La Mure, France, on February 4, 1811. He was ordained a priest for the Diocese of Grenoble in 1834 and entered the Marist Congregation in 1839.

One dominant thought burned with fierce intensity in the mind of this saintly priest: “The Eucharist is everything; we need nothing more”. He was filled with the desire to “bring everybody to love Our Lord, and to preach only Christ, and Christ in the Eucharist”.

For this purpose he founded the Congregation of the Blessed Sacrament in 1856, a body of men devoted to the Eucharist. He also founded the Sisters of the Blessed Sacrament in 1864 and the People’s Eucharistic League in 1859.

He died in his home town of La Mure on 1st August 1868.

The Congregation spread rapidly and now has about a thousand religious in the major cities of 30 countries throughout the world.

On December 9th 1962, Pope John XXIII canonized Peter Julian as the Apostle of the Eucharist.