Paghahandog ng talento at sarili

Usong-uso ngayon ang mga talent search at reality shows sa television.  May contest para sa paghahanap ng magaling sumayaw, kumanta, masasabi mo talagang talentando ang Pinoy.  Samga reality shows pinapalabas din ang kakayahan ng mga contestant para makilala nila ng lalo ang kanilang mga sarili. Hinahamon ang lahat na ilabas at ibahagi ang kanilang mga kakayahan.

images

Sa ebanghelyo sa talinghaga ng panginoon na aalis at nagbigay ng kayamanan (sa ibang besryon ng ebanghelyo ay talento) sa kanyang tatlong alipin, may pingkalooban ng lima, dalawa at isa.  Iyong mga utusan na nakatanggap ng lima at dalawa ay agarang ininegosyo at kinalakal ang kanilang mga handog nanatanggap, at ito ay nagbunga ng doble, samantalang ang nakatanggap ng isa, ay ibinaon at itinago sa lupa ang handog na natanggap sa takot na ito ay maubos at mawala.

“Tapat at mabuting alipin” ito ang naging turing ng panginoon nagbalik sa mga aliping nadoble ang handog na ipinagkatiwala sa kanila. “Masama at tamad na alipin” ito naman ang turing niya sa alipin na natakot isapalaran ang handog na natanggap.

Ngunit kung titignan nating mabuti, bakit ganuon na lamang ang galit ng panginoon at isinumpa ang ikatlong alipin?    Napakalaki bang kasalanan ang kanyang nagawa?

Suriin natin, may nilabag ba siya sa sampung utos ng Diyos ng binaon niya ang kanyang yaman sa lupa?  Hindi ba dapat pa ngang matuwa ang panginoon dahil naibalik itong buo?  Malinaw ang sagot. Wala. Walang ginawang masama ang ikatlong alipin. Wala. Wala rin siyang ginawang mabuti, dahil ang panawagan sa kanya ay mapalago ito ngunit kanya itong itinago. Binalewala niya ang ipinagkatiwalang kayamanan at talent sa kanya. Wala siyang ginawang mabuti.

download

May dalawang klasipikasyon ang kasalanan: Sin of commission at sin of omission. Sin of commission ay ang kasalanan ng paggawa – kung saan ay may ginawa tayong kasalanan.   Sin of omission ay ang kasalanan ng hindi paggawa – kung saan na dapat nating gawin pero hindi natin ginawa.  Parehong kasalan na dapat nating suriin sa ating pang araw-araw na pamumuhay.

Muli na namang magsasara ang liturhikal na kalendaryo ng ating simbahan, ito ay matatapos sa kapistahan ng Kristong Hari.  Kaya ang mga pagbasa natin sa misa ay tungkol sa katapusan ng mundo, tungkol sa paghuhukom, sa paghuhusga sa atin. Katulad ng tatlong alipin, muling dumating ang kanilang panginoon upang sulitin sila sa mga biyayang ipinagkaloob sa kanila.  Sa dulo rin ng ating buhay tayo ay huhusgahan  ng ating Haring Diyos, huhusgahan tayo kung paano tayo nabuhay, sa buhay na pinahiram natin, sa mga talentong taglay-taglay natin, ito rin ba ay ating napalago at naibahagi sa ating kapwa, o atin itong ibanaon, itinago, o dili kaya ginamit ang ating kakayahan na manlamang ng ating kapwa.  Sa bandang huli tayo ay huhusgahan kung paano tayo na buhay. Kung paano naging mabunga ang ating buhay sa ating pagbabahagi ng ating sarili sa Diyos at sa ating kapwa. Tayo ay hahatulan hindi lamang sa masamang ating nagawa kundi pati na rin sa mabuting hindi natin nagawa, o ang mas masahol pa, ayaw nating gawin.

Katulad ng ikatlong alipin, tayo man ay takot isapalaran ang talentong meron tayo, natatakot tayong baka ito ay maubos, o kapag nagbigay tayo, baka walang matira, o kapag nagbigaya tayo, ma aabuso ng iba.  Sa ganitong mga pagkakataon – tayo man ay nag babaon ng hindi lamang kayaman, kundi mismo ng ating sarili, pati na rin ang ating kapwa, kasama nating ibinabaon ng buhay.

Tignan natin ang ang ating lipunang ginagalawan, bakit laganap pa rin ang karukhaan? Hangga’t may mga taong nagugutom at hangga’t laganap ang karukhaan, hindi natin masasabing nagamit natin ang ating mga talento at kakayahan nang ayon sa nais ng Diyos.

talent

Sa Eukaristiya, tignan natin si Jesus, na hindi nagbaon ng Kanyang sarili sa lupa upang ipagdamot ang kanyang regalong sarili, bagkos, ang mga pako sa krus ang siyang bumaon sa kanyang mga kamay at paa, ngunit hindi ito nagpahinto ng paghahandog ng kanyang sarili.  Ito ang kanyang paghahandog buhay, ito ay kanyang pagbaon ng kanyang sarili sa ating mga puso, upang manatili Siyang taglay-taglay natin, at baun-baon natin sa ating pusong makasarili. Amen.

Advertisements

Pananagutan

“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa.”

Ito ang ilan sa mga linya ng kantang pananagutan.  Lahat tayo ay tinatawagan na magkaruon ng pakialam sa ating kapwa.

Sa Ebanghelyo ni San Mateo (18:15:20) ito ay hindi usapin patungkol sa pagpapatawad, kundi kung ano ang nararapat gawin upang itama ang pagkakamali ng isang kapatid sa pananampalataya. Ang pagwawasto sa pagkakamaling ito ay tungkulin at pananagutan ng bawat isang Kristiyano sa isa’t isa.

“Wag mo akong pakialaman, buhay ko ito.” “Buhay n’ya yan, ‘wag tayong makialam.” “Ma at Pa! Malay ko at pakialam ko sa kanya!” Ito ang karaniwang namumutawi sa ating bibig lalo na’t ayaw nating masali sa usaping moral na nagawa ng ating kapwa. Ngunit tayo ay may pananagutan sa pagwasto ng nagkamaling kapatid.

images (1)

Ang ikabanata labing walo ay tinatawag na diskursong pampamayanan (community discourse), Sa buong kabanatang ito, itinuturo ni Jesus kung paano dapat tayo makitungo sa ating kapwa, bilang Kanyang mga alagad.

Sinasabi sa Ebanghelyo ngayon, ang tatlong hakbang para magkasundo ang lahat at maiwasan ang paglala ng sitwasyon kapag may kapwang nagkasala. Narito ang tatlong hakbang

Una, hinihikayat tayo na puntahan ang taong naka alitan, o taong nagkamali, upang siya ay kausapin ng personal at sarilinan lamang. Upang maiwasan ang pagkukuwento sa ibang tao. May karapatan ang taong nagkamali na malaman ang mga bagay na nagdudulot ng problema. At mapanatiling lihim ang pinag usapan sa pagitan ng dalawang nag usap.

Ikalawa, kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Ang tungkulin ng ikatlo (third person) ay ang pumagitna at hindi upang kumampi sa kahit anong panig. Malaki ang posibilidad na may makitang ibang anggulo sa pagkakamali kung tatlong tao ang mag-uusap.

images

Pangatlo, kung ayaw niyang makinig sa kanila, idulog mo sa simbahan ang nangyari. Kahit tago man o hindi ang kasalanan, may epekto pa rin ito sa buong sambayanan. Hindi ba’t kung mayroong hindi pagkakasundo o pagkakaunawaan ang mga kasapi nito, tiyak apektado ang buong grupo. Kapag nakagawa ng kasalanan – tatlong tao ang apektado – sarili, Diyos, at ang komunidad. At kapag nagtagumpay ang pag-uusap sa tatlong hakbang na nabanggit, dito na papasok ang usapin ng pagpapatawad.

Lagi sana nating tandaan, na walang perpektong tao, walang perpektong pamilya, walang perpektong pamayanan. Talagang dumarating na nagkakasala, nadarapa, nagkakamali tayo. Ito ang katotohananan ng pamumuhay ng magkakasama.  At tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. At higit sa lahat, napakahalagang manalangin bago isagawa ang pag-uusap, nang gabayan tayo ng Espiritu Santo ng grasya sa wastong pakikipagkasundo. Amen.

“Panginoon, iligtas mo ako!”

Tayo ay nakakaranas ng maraming pangamba, kahit alam nating kasa-kasama natin ang Diyos.  Maraming unos na dumarating sa atin, at ito ay patuloy na gumugupo sa atin.  Kapag nandyan na ang unos, ay lagi nating iniisip, isa itong malaking sumpa na nagpapahirap.  Nagdadala sa atin na malunod sa dagat ng problema.  Ngunit tayo ay tinatawagan na kaibiganin ang unos na ito.  Dahil kahit anong gawin natin, parte ito n gating buhay.  Sa likod ng bawat unos ay may mga nakatagong biyaya.

Una, ang unos ang paraan ng Diyos upang ipakilala Niya ang Kanyang sarili sa atin.  Ginamit ni Jesus ang unos upang ipakitang Siya ang Diyos ng sansinukob.  Nalaman natin na makapangyarihan Siya sa lahat. Na Siya ang pinagmumulan ng lakas ng lahat ng tao at bagay.  Hindi ba nga kaya Niyang palakarin ang tao sa ibabaw ng tubig, ng dagat, at kaya rin Niyang pakalmahin ang nangagalit na unos ng dagat. Sa pamamagitan ng unos, ipinapakita Niyang Siya ang Tagapagligtas. Sa gitna ng panggagalit ng panahon, iniligtas ni Jesus si Pedro sa tiyak na pagkakalunod.  Inabot Niya ang kanyang kamay sa alagad na nagduda sa kanya upang palakarin pabalik ng bangka. Nang makabalik na si Pedro sa Bangka, mula sa pagkakaligtas sa kanya ni Jesus. Nasabi ng mga ibang alagad: tunay na Siya ay Diyos. Hindi ba’t ang tagal na nilang kasama si Jesus, nagpakita ng mga himala ng pagpapagaling, at pinkahuling tagpo bago mangyari ito ay ang milagro ng pagpaparami ng tinapay at isda.

download

Ikalawa, ang unos ay pagsubok ng Diyos sa katatagan ng ating pananampalataya. Siguro, ay mas tamang sabihin nating ang unos ay tila isang exam, na nakailangan mapagdaanan, mapaghandaan upang mas lalong lumago ang ating pananampalataya.  Hindi ba kapag tayo ay nakakaranas ng pagsusulit, pinagyayaman nito ang ating kalaaman? Ganito rin sa ating pananampalataya kay Jesus na siyang Panginoon na ating pinanghahawakan. Ang bangka ay sumisimbolo ng ating Simbahan.  Marami sa atin ang lumilipat ng ibang relihiyon o simbahan kapag nakakaranas ng mga unos sa buhay.  Nasasabi nilang walang katiwasayan ang pagiging buhay Katoliko ko.  Hindi naman dapat ganuon, na aalis tayo ng ating bangka sa gitna ng maalong dagat ng pagsubok, upang lumipat ng ibang bangka. Hindi natin nakikita na si Jesus ay kasama natin sa bangka, sa ating Simbahan.

Ikatlo, ang unos ay pagpapamukha sa atin kung sino ang tunay na may kontrol sa lahat-lahat sa buhay natin.  Sa ebanghelyo, nakatuon ang tingin ni Pedro sa Panginoon, at  siya ay nakalakad sa tubig.  Subalit nang ituon niya ang kanyang pansin sa lakas ng hangin at laki ng mga alon, natakot siya at natuon ang kanyang pansin sa kanyang sarili.  Kung sarili ang pagtutuunan natin ng pansin, at kung hindi natin kikilalanin ang Diyos, tiyak na tulad ni Pedro, tayo rin ay malulunod sa unos ng ating buhay.

Sa Eukaristiya makikita natin ang presensya ni Jesus.  Na Siyang umaagapay sa atin sa napakaraming unos ng buhay natin. “Huwag kang matakot” ang wikang dumadagundong sa tenga n gating mga puso sa ingay at lakas ng alon ng dagat.  At si Jesus na ating tinatanggap sa Kanyang katawan at dugo ay handang sumama sa atin at handang tumulong kapag tayo ay sumigaw ng tulad ni Pedro: “Panginoon, iligtas mo ako!” Amen.