Paghahandog ng talento at sarili

Usong-uso ngayon ang mga talent search at reality shows sa television.  May contest para sa paghahanap ng magaling sumayaw, kumanta, masasabi mo talagang talentando ang Pinoy.  Samga reality shows pinapalabas din ang kakayahan ng mga contestant para makilala nila ng lalo ang kanilang mga sarili. Hinahamon ang lahat na ilabas at ibahagi ang kanilang mga kakayahan.

images

Sa ebanghelyo sa talinghaga ng panginoon na aalis at nagbigay ng kayamanan (sa ibang besryon ng ebanghelyo ay talento) sa kanyang tatlong alipin, may pingkalooban ng lima, dalawa at isa.  Iyong mga utusan na nakatanggap ng lima at dalawa ay agarang ininegosyo at kinalakal ang kanilang mga handog nanatanggap, at ito ay nagbunga ng doble, samantalang ang nakatanggap ng isa, ay ibinaon at itinago sa lupa ang handog na natanggap sa takot na ito ay maubos at mawala.

“Tapat at mabuting alipin” ito ang naging turing ng panginoon nagbalik sa mga aliping nadoble ang handog na ipinagkatiwala sa kanila. “Masama at tamad na alipin” ito naman ang turing niya sa alipin na natakot isapalaran ang handog na natanggap.

Ngunit kung titignan nating mabuti, bakit ganuon na lamang ang galit ng panginoon at isinumpa ang ikatlong alipin?    Napakalaki bang kasalanan ang kanyang nagawa?

Suriin natin, may nilabag ba siya sa sampung utos ng Diyos ng binaon niya ang kanyang yaman sa lupa?  Hindi ba dapat pa ngang matuwa ang panginoon dahil naibalik itong buo?  Malinaw ang sagot. Wala. Walang ginawang masama ang ikatlong alipin. Wala. Wala rin siyang ginawang mabuti, dahil ang panawagan sa kanya ay mapalago ito ngunit kanya itong itinago. Binalewala niya ang ipinagkatiwalang kayamanan at talent sa kanya. Wala siyang ginawang mabuti.

download

May dalawang klasipikasyon ang kasalanan: Sin of commission at sin of omission. Sin of commission ay ang kasalanan ng paggawa – kung saan ay may ginawa tayong kasalanan.   Sin of omission ay ang kasalanan ng hindi paggawa – kung saan na dapat nating gawin pero hindi natin ginawa.  Parehong kasalan na dapat nating suriin sa ating pang araw-araw na pamumuhay.

Muli na namang magsasara ang liturhikal na kalendaryo ng ating simbahan, ito ay matatapos sa kapistahan ng Kristong Hari.  Kaya ang mga pagbasa natin sa misa ay tungkol sa katapusan ng mundo, tungkol sa paghuhukom, sa paghuhusga sa atin. Katulad ng tatlong alipin, muling dumating ang kanilang panginoon upang sulitin sila sa mga biyayang ipinagkaloob sa kanila.  Sa dulo rin ng ating buhay tayo ay huhusgahan  ng ating Haring Diyos, huhusgahan tayo kung paano tayo nabuhay, sa buhay na pinahiram natin, sa mga talentong taglay-taglay natin, ito rin ba ay ating napalago at naibahagi sa ating kapwa, o atin itong ibanaon, itinago, o dili kaya ginamit ang ating kakayahan na manlamang ng ating kapwa.  Sa bandang huli tayo ay huhusgahan kung paano tayo na buhay. Kung paano naging mabunga ang ating buhay sa ating pagbabahagi ng ating sarili sa Diyos at sa ating kapwa. Tayo ay hahatulan hindi lamang sa masamang ating nagawa kundi pati na rin sa mabuting hindi natin nagawa, o ang mas masahol pa, ayaw nating gawin.

Katulad ng ikatlong alipin, tayo man ay takot isapalaran ang talentong meron tayo, natatakot tayong baka ito ay maubos, o kapag nagbigay tayo, baka walang matira, o kapag nagbigaya tayo, ma aabuso ng iba.  Sa ganitong mga pagkakataon – tayo man ay nag babaon ng hindi lamang kayaman, kundi mismo ng ating sarili, pati na rin ang ating kapwa, kasama nating ibinabaon ng buhay.

Tignan natin ang ang ating lipunang ginagalawan, bakit laganap pa rin ang karukhaan? Hangga’t may mga taong nagugutom at hangga’t laganap ang karukhaan, hindi natin masasabing nagamit natin ang ating mga talento at kakayahan nang ayon sa nais ng Diyos.

talent

Sa Eukaristiya, tignan natin si Jesus, na hindi nagbaon ng Kanyang sarili sa lupa upang ipagdamot ang kanyang regalong sarili, bagkos, ang mga pako sa krus ang siyang bumaon sa kanyang mga kamay at paa, ngunit hindi ito nagpahinto ng paghahandog ng kanyang sarili.  Ito ang kanyang paghahandog buhay, ito ay kanyang pagbaon ng kanyang sarili sa ating mga puso, upang manatili Siyang taglay-taglay natin, at baun-baon natin sa ating pusong makasarili. Amen.

Advertisements

Pananagutan

“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa.”

Ito ang ilan sa mga linya ng kantang pananagutan.  Lahat tayo ay tinatawagan na magkaruon ng pakialam sa ating kapwa.

Sa Ebanghelyo ni San Mateo (18:15:20) ito ay hindi usapin patungkol sa pagpapatawad, kundi kung ano ang nararapat gawin upang itama ang pagkakamali ng isang kapatid sa pananampalataya. Ang pagwawasto sa pagkakamaling ito ay tungkulin at pananagutan ng bawat isang Kristiyano sa isa’t isa.

“Wag mo akong pakialaman, buhay ko ito.” “Buhay n’ya yan, ‘wag tayong makialam.” “Ma at Pa! Malay ko at pakialam ko sa kanya!” Ito ang karaniwang namumutawi sa ating bibig lalo na’t ayaw nating masali sa usaping moral na nagawa ng ating kapwa. Ngunit tayo ay may pananagutan sa pagwasto ng nagkamaling kapatid.

images (1)

Ang ikabanata labing walo ay tinatawag na diskursong pampamayanan (community discourse), Sa buong kabanatang ito, itinuturo ni Jesus kung paano dapat tayo makitungo sa ating kapwa, bilang Kanyang mga alagad.

Sinasabi sa Ebanghelyo ngayon, ang tatlong hakbang para magkasundo ang lahat at maiwasan ang paglala ng sitwasyon kapag may kapwang nagkasala. Narito ang tatlong hakbang

Una, hinihikayat tayo na puntahan ang taong naka alitan, o taong nagkamali, upang siya ay kausapin ng personal at sarilinan lamang. Upang maiwasan ang pagkukuwento sa ibang tao. May karapatan ang taong nagkamali na malaman ang mga bagay na nagdudulot ng problema. At mapanatiling lihim ang pinag usapan sa pagitan ng dalawang nag usap.

Ikalawa, kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Ang tungkulin ng ikatlo (third person) ay ang pumagitna at hindi upang kumampi sa kahit anong panig. Malaki ang posibilidad na may makitang ibang anggulo sa pagkakamali kung tatlong tao ang mag-uusap.

images

Pangatlo, kung ayaw niyang makinig sa kanila, idulog mo sa simbahan ang nangyari. Kahit tago man o hindi ang kasalanan, may epekto pa rin ito sa buong sambayanan. Hindi ba’t kung mayroong hindi pagkakasundo o pagkakaunawaan ang mga kasapi nito, tiyak apektado ang buong grupo. Kapag nakagawa ng kasalanan – tatlong tao ang apektado – sarili, Diyos, at ang komunidad. At kapag nagtagumpay ang pag-uusap sa tatlong hakbang na nabanggit, dito na papasok ang usapin ng pagpapatawad.

Lagi sana nating tandaan, na walang perpektong tao, walang perpektong pamilya, walang perpektong pamayanan. Talagang dumarating na nagkakasala, nadarapa, nagkakamali tayo. Ito ang katotohananan ng pamumuhay ng magkakasama.  At tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. At higit sa lahat, napakahalagang manalangin bago isagawa ang pag-uusap, nang gabayan tayo ng Espiritu Santo ng grasya sa wastong pakikipagkasundo. Amen.

MAGANDANG PASKO

Ngayong araw na ito ay ginugol naming mga seminarista ang paghahandog ng mga pamaskong awitin sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Aming sinuyod ang bawat departamento ng aming pangangaroling, kasabay ng pag bibigay nila ng kahit magkanong halaga. Tatlong kanta ang lutang na lutang na gusto ng mga nag tratrabaho dito, masasabing most requested songs ika nga: To See the Face of God, Emmanuel at Pasko na Sinta Ko.
Habang kumakanta kami ay sumagi sa aking isipan ang katangungan na kung bakit gusto nila ang mga kanta na ito. Hindi ko namamalayan na habang kinakanta namin ang mga ito ay tila nadadala ang aking damdamin sa aming kinakanta. Hati ang aking isipan, una naiisip ko na kailangang makalikom kami ng malaking halaga para sa gatusin namin sa seminaryo, kalaingang kumanta ng maayos para lakihan ang hulog sa lumalakad na envelope, at ang ikalawa ay ang mga namatayan at naging biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at Iligan City (pareho ko nang napuntahan ang dalawang lugar na ito nung nasa Davao City pa ako).

Tunay na ngayong Paskong darating ay nangungulila ang mga biktimang namatayan ng kanilang mga kapamilya. Masakit, mahirap at malungkot ang unang Paskong hindi na kumpleto ang mahal mo sa buhay na pinaghuhugutan mo ng lakas para ikaw ay patuloy na mabuhay. Marahil natatanong ng mga ng mga taong ito kung bakit nangyari ito sa kanila? O dili kaya bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito? Marami na ring pagkakataon na natanong ako ng maraming tao ng mga katanungang ito kapag may hindi magagandang nagyari sa kanila. Ngunit ako man ay hindi ko alam kung paano ito sasagutin.

Ngayong paskong darating, lagi nating naririnig na ang Diyos ay ang Emmanuel, nangangahulugang nasa atin ang Diyos. Ngunit sa trahedyang ito ay tunay na napakahirap itong maunawaan ng mga naging biktima. Ilang tulog na lang mula ngayon, Pasko na naman. Ito ang araw ng paggunita sa kapanganakan ni Hesus, ang Emmanuel. Ito rin ang araw kung saan ang lahat ng tao ay puspos ng saya, pag asa, at pagmamahal. Noche Buena na naman sa darating na Sabado, ang inaasahan ng mga taong ito na maraming pagkain sa mesang pagsasaluhan ng buong pamilya ay tila malabong mangyayari. Wala na ang bahay na dati’y punung puno ng halakhakan, ang mesang bumubusog sa kanilang nangangalam na tiyan at ang buong pamilya na hatid ay saya ay pagmamahalan.


Marahil ito ay isang panawagan sa akin at sa ating lahat na sa darating na kapaskuhan, na magpasalamat sa mga maraming biyayang kaloob niya sa atin. Ang regalong buhay at presensya ng mga taong patuloy na sa atin ay nagmamahal. Ang aking panalangin ngayong Pasko ay huwag nawang mawalan ng pag asa ang mga taong ito. Nawa’y masumpungan nila ang natatanging pag asa kay Hesus na isinilang para sa kanila, na hatid ay pag asa at kagalakan. Mahirap maunawaan at tanggapin, ngunit ito ang kaloob ng Diyos. Maganda ang Pasko, dahil magandang biyayang bigay ng Diyos sa tao, ang maging tao ang Diyos para sa ating lahat. Ang pag abot ng Diyos sa tao. Tunay na walang dapat mangulila sa magandang araw na ito, dahil Siya ay laging sumasa atin. Magandang Pasko sa ating lahat.

Pagpapalalim sa Lukas 12: 8 – 12

(Dahil ngayong araw na ito ay aking kaarawan, naatasan akong magbahagi ng pagninilay sa aming community mass)

Marahil naging bahagi kayo ng malakas na pagtawa ng marinig ninyo ang mga kwento ito: Unang senaryo, nagpaligsahan ang isang Muslim, Budhista at Kristiyano.  Ang kompetisyon ay pagtalon sa mataas na gusali kasabay ng pagbanggit ng kanilang kinikilalang diyos.  Nauna ang Budhista, ang sigaw ay Budha. Patay. Sumunod ang Muslim, ang Allah ang isinigaw. Buhay. Panghuli ang Kristiyano, sigaw ay Kristo, ng malapit ng lumagpak sa lupa, Allah na ang binanggit. Buhay.  Ikalawang senaryo, may isang lalaking nangumpisal sa isang pari. Ang kanyang kinumpisal: “Padre, patawarin mo po ako dahil ang dami ko ng napatay, dahil sila’y naniniwala kay Kristo…ikaw ba padre, nanininwala ka kay Kristo?” “Si Kristo ba? Sino yon?” ang mabilis na sagot ng pari.  Ito ay ilan lamang sa ginagawa nating katatawanan ngunit sa totoo lang ito’y may laman. Ito ay mga kwento ng pagtalikod sa Diyos sa gitna ng mga banta ng seguridad at buhay na ating nararanasan.

Sa ebanghelyong ating narinig ngayon, tayo ay tinatawagan sa dalawang bagay: Una, Ang pagkilala sa Diyos Anak.  Ang malaman ang kanyang presensya kasabay nito ay ang kanyang kapangyarihan.  Isang paghabambuhay na pagtanggap kay Hesus na Siya ay Diyos.  Hindi tatalikod sa kanya sa kahit anong banta ng panganib at problemang nararanasan. Ikalawa, Ang pagkilala sa Espiritu Santo.  Kasabay ng pagkilala sa Kanya, maiiwasan ang magkasala laban sa Kanya. Ano nga ba ang mga kasalanan sa Espiritu, ang ilan sa mga ito ay kawalan ng pag asa, panlalamig sa pakikipag ugnayan sa Diyos at marami pang iba. Sa Ebanghelyo ngayon, litaw na litaw na ang pagkakasala sa Banal na Espiritu ay ang pagtalikod at hindi pagkilala kay Hesus.  Dahil si Hesus ay nagtataglay ng Banal na Espiritu. Ito ang Espiritung kasama niya sa kanyang pagkakatawang tao, sa kanyang pampublikong gawain at misyon. Ang Diyos Ama, Ang Espiritu Santo at Siya mismo ay iisa.  Kapag naiisip mo ang Espiritu Santo, hindi maaring hindi mo maiisip si Kristo ay ang Diyos Ama.

Ang Espiritu Santo ay maraming kalakip na kaloob na mga handog o regalo. Isang halimbawa nito’y ang regalong buhay sa akin.  Ang tatlumput dalawang taong lumipas ay tunay na regalong handog ng Diyos.  Sa tuwing magpapalit ang bagong taon sa buhay ko, anong sarap na balikan ang nakalipas na mga karanasan, tunay na nanduon ang Diyos, kasa-kasama sa mga magaganda at lalong mas matindi sa mga panahon ng kabiguan.  Ang regalong ito’y libreng bigay at kaloob. Nararapat lamang na ito’y mapasalamatan, sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa iba.  Sabi nga sa commercial ng Nescafe sa telebisyon tayo ay tinatanong: “Ikaw para kanino ka bumabangon?”  O anong saklap ang buhay ng isang tao kung wala siya nitong pinag-aalayan. Ang lahat ay nabubuhay at patuloy na nangangarap dahil alam niyang ang buhay at may kahulugan at may pinag aalayan.

Ngayong araw ding ito, ating pinagdiriwang ang kapistahan ni Santa Teresa ng Avila.  Isang matapang na babae na umayon sa kagustuhan ng Espiritu Santo at siya ay kumilos tungo sa  pagbabago sa Order ng mga Karmelita. Tayo ay kanyang hinahamon na tunay na pagsikapang marating ang perpeksyon, ang pinakamataas na antas ng buhay kabanalan at panalangin.  Nawa’y mamutawi rin sa ating mga labi: Huwag mangamba. Huwag mabalisa, huwag mabahala. Ang lahat ng bagay ay lumilipas. Hindi nagbabago ang Diyos. Sa pagtitiyaga ang lahat ay makakamtan. Ang Diyos ay sapat na. Amen.