LANGIT…

Biglang bumalik sa ala-ala ko ang nangyari sa akin nuong nakaraang taon, sa huling klase namin sa Eschatology, (ito na rin ang huling pagklaklase ko sa San Carlos Seminary bilang estudyante), nag report kaming dalawa ng kaklase ko tungkol sa topic na HEAVEN (langit), ang type ng reporting naming ay documentary. Sinimulan naming ito sa pamamagitan ng pagngangalap ng kasagutan kung ano nga ba ang langit? Makikita at maririnig mo sa video interview naming ito na talagang kahit ordinaryong tao ay may idea kung ano ang langit.

Pagkatapos ng aming reporting, dumako kami sa question and answer, kung saan magtatanong ang mga kaklase namin, natanong ako ng kapartner kong reporter, na paano nga kaya kung wala naman palang langit?

Ang dahilan kaya tayo umiiral dito sa lupa at nagpapakabuti ay dahil gusto talaga nating mapuntahan ang langit sa katapusan ng ating buhay. Ito ang pinangako sa atin ng Diyos, paulit ulit itong binabanggit ni Jesus sa kanyang pangangaral nuon. Ako man ay nagpapakabuti dahil nais kong mapuntahan ang lugar na ito, makaharap ang Diyos at magkaruon ng buhay na perpekto at buo.

Embraced-in-the-Hug-of-Jesus-Christ-e1409950520664-1024x703.png

Ngunit paano kung wala naman palang langit, e di wala, pero patuloy pa rin akong tutugon sa Banal na Tawag ng Diyos, patuloy pa rin ang aking pag OO sa Kanya. Natapos na rin ang aking seminary formation, isang buwan na akong pari, sa paglingon ko sa nakalipas na mga taon kong pag aaral ng Teolohiya, masasabi kong, hindi nga pala langit lahat, nakaranas din ako mala impyernong pangyayari, ngunit hindi ako nanatili rito, pinilit kong marating ang langit ng tagumpay. Wala mang langit, patuloy pa rin ako magmamahal kahit na masakit na masakit na. Patuloy pa ring magbibigay kahit walang wala na.

Sabi nga ng panalangin ni San Fracisco Javier (Pagkabighani): Hindi sa langit Mong pangako sa akin. Ako naaakit na Kita’y mahalin, At hindi sa apoy – kahit anong lagim . Ako mapipilit nginig Kang sambahin. Naaakit ako na Ika’y mamalas. Nakapako sa krus, hinahamak-hamak. Naaakit ng ‘Yong katawang may sugat. At ng tinanggap Mong kamataya’t libak.

Naaakit ako sa ‘Yong pag-ibig. Kaya’t mahal Kita kahit walang langit, Kahit walang apoy, sa ‘Yo’y manginginig. Huwag nang mag-abala upang ibigin Ka. Pagkat kung pag-asa’y bula lamang pala, Walang mababago, mahal pa rin Kita! Amen.

Advertisements

PILA PARA KAY KRISTO

Nakakainis o nakakaasar kapag naka pila.  Kahit saang pila nasasagad ang ating pasensya.  Sa umaga pa lang pila na ang bawat myembro ng pamilya sa CR para makaligo para makapasok sa eskuwelahan o sa opisina.  Paglabas ng kalye, pila rin ang napakabigat na trapik ng mga sasakyan.  Ganun din sa pagsakay sa LRT at MRT.  Kapag pupunta tayo sa mga tanggapan ng gobyerno para maka kuha ng kanilang serbisyo, talaga namang napakahabang pila rin ang susuungin.  Kung puwede lang sanang may shortcut, kung puede lang sanang mabilisan lahat.

download (1)

KAPISTAHAN NG PAGBIBIYAG KAY JESUS NI SAN JUAN BAUTISTA SA ILOG JORDAN.

Sa Ebanghelyo ng pagbibinyag kay Jesus, ating mababasa na may panawagan si Juan Bautista na: “magsisi, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nalalapit na.”  Marami ang nakarinig sa paanyaya ni Juan, kaya ura uradang ang mga tao ay pumila para mabinyagan.  Ngunit pina alala ni Juan, na ang pagbibinyag nya ay sa tubig lamang, ngunit ang Siyang darating ay magbibiyag sa kanila sa Banal na Espiritu.

At si Jesus ay nakiisa sa pagpilang ito, at nakiusap kay Juan na Siya man ay binyagan.  Ngunit matatanong natin, bakit kailangan magpabinyag ni Jesus? Bakit kailangang nya ring pumila kasama ng mga makasalanan?  Alam natin na ang binyag ang nagpapawala ng kasalanan.  Ngunit si Jesus ay wala nito.

Pumila at nagpabinyag si Jesus dahil:

  • GUSTO NIYANG IPAHAYAG ANG KANYANG PAKIKISA SA SANGKATAUHAN. Gusto Niyang ipakita na kaisa natin Siya.  Pinagdaanan Niya ang buong proseso ng pagpila at paghihintay, walang shortcut, walang palakasan. Hindi Siya natakot na mahalintulad s amga taong makasalan.
  • GUSTO NIYANG ANG TAO AY MAGING MALINIS SA KASALANAN. Nang Siya ay binyagan, hindi Siya napabanal ng tubig, bagkus Siya ang nagpabanal ng tubig na ginagamit sa atin sa pagbibinyag.  Kaya lahat tayong nabinyagan ay nagiging malinis at banal.

download

  • GUSTO NIYANG ANG TAO AY MAGING PARTE NG PAMILYA NG DIYOS. Nang si Jesus ay biniyagan: may isang tinig na nagwika: “Ito ang aking pinakamamahal na Anak, na lubos kong kinalalaugdan.”  Nuong tayo ay bininyagan, tayo ay naging mga anak ng Diyos, naging kapatid ni Jesus.  At darating baling araw, na pipila tayo sa pintuan ng tahanan n gating Ama kapag tapos na ang ating buhay dito sa lupa.

Ang kapistahan ng pagbibiyag kay Jesus ay hudyat ng pagsisimula ng misyon ni Jesus, misyon na maglingkod at hindi ang paglingkuran.  Ito ay panawagan sa atin, lalo na iyong mga tinatawag na maglingkod: magulang, teachers, government and church leaders, at kahit ano pa mang paglilingkod.  Katulad ni Jesus, ang paglilingkod ay hindi isang posisyon na dapat ipagmayabang, bagkos ito, ay katulad ng pagpila kasama ng mga makasalan.  Kadalasan po kasi, kung sino pa ang mga lider natin, sila ang ayaw pumila, gagamitin ang kanilang impluwensya at koneksyon para hindi maabala. Alam kasi nila na sial ay espesyal.  Kung ganun ang mga lider na ito ay malayong malayo sa ating modelong si Jesus, na marunong makiisa.

images

Ngayong Linggo na ito, lahat tayo ay abala, exited na exited na, ilang tulog na lang, kasi masisilayan natin ang Santo Papa Francisco, ang modelo natin kung paano ba ang maglingkod katulad ni Jesus. Nagliligkod ng may awa at pagmamahal. Mercy and compassion.  Nawa’y mapag alab Niya an gating pananampalataya na tayo ay tinatawagan rin na maglingkod.

Ang kapistahan ng pagbibiyag kay Jesus ay hudyat ng pagsasara ng panahon ng kapaskuhan. Marahil marami na sa atin ang nakapagligpit na ng mga Christmas decorations. Naitabi na natin lahat. Naipila na natinsa ating bodega.  Nawa’y ang liwanag na dala ni Jesus na isinilang sa ating mga puso ay patuloy na mag alab.

Kapag tayo ay dumadalo ng misa, tayo ay pumipila para tanggapin si Jesus sa komunyon.  Kung tayo ay may tapang na pumila upang siya ay tanggapin, nawa’y magkaruon din tayo ng tapang na panindigan ang ating pagiging binyagan.  Na tayo ay Kristiyano.  Na tayo ay para kay Kristo.

KOMUNYON, HAMON AY PAGBUBUKAS PALAD

Ano ba ang komunyon? Ang komunyon ay ang pakikipag isa sa buong sambayanan o komunidad.  Pagbabahagi kung ano ang ating tinatanggap.

Ang ating tinatanggap ay isang tinapay at alak.  Sa komunyon lahat tayo ay nagiging isa.  Walang puedeng lumabis. Walang puedeng makulangan.  Ang katawan ni Kristo na nasa anyong tinapay: isang laki, isang itsura, isang lasa, isang hugis. Ang dugo ni Kristo sa anyong alak. Bago maging alak. Ito ay ubas. Maraming ubas, ngunit kapag piniga ito ay nagiging isang anyo, isang uri ng katas.

Ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan at dugo ni Kristo na ibinabahagi sa iba.  Ang komunyon kay Hesus ay pakikipag komunyon sa kabuuan ni Hesus, sa Kanyang katawan at sa mga myembrong bumubuo dito.

Image

Kapag tayo’y nag kokomunyon, tayo ay dumudulog at pumipila na bukas an gating mga palad upang tayo ay tumanggap.  Ngunit ang hindi natin alam ito ay nangangahulugan din n gating pagiging bukas palad na pagbabahagi sa ating matatanggap. 

Kagabi nabasa ko sa post message ng isa sa mga myembro ng PYM sa kanyang Facebook account ang post na ito: “nakakapagod ang gabi na ito, naging abala kaming mga kabataan na mag repack ng mga relief goods para sa mga taong hanggang ngayon ay baha pa rin sa Laguna.  Sabi ni Father, alam daw naming na kami din ay nangangailangan, pero ang ginagawa daw naming ngayon ay kaming nangangailangan ay nagsasakrispisyo para sa mas mga nangangailangan.” 

Kakaiba at may kurot sa puso ang mensaheng ito.  Hindi ba’t kadalasang bago tayo magbigay ay iniisip muna natin, teka muna, kailangan ko rin ito bakit ako magbibigay, wala nang matitira sa akin.  Nakakatakot yata ang maubusan.  Ngunit hindi ba mas masarap sa pakiramdam ang magbigay kahit alam mong walang matitira sa iyo, at alam mong mas nangangailangan ang iba.  Hindi ba’t ganyan din ang ginawa ni Kristo hanggang sa ang kaisa isang buhay Niya ang inilaan sa lahat. 

Image

 

Bago natin tanggapin ang katawan at dugo ni Kristo.  Tayo ay sumasagot ng malakas na, AMEN. Ang pagtugong ito ay nangangahulugang Sumasampalataya tayo na ang presensya ni Hesus ay nasa anyong tinapay na ating tatanggapin.

Marami sa atin ang naniniwalang hindi daw natin dapat tanggapin ang banal na Sakramento sa ating mga kamay.  Dahil ang kamay daw natin ay marumi, natural lamang na ipaderekta natin sa ating dila.  Ngunit ang pagtanggap natin sa kamay ng Banal na Sakramento ay maraming malalim na pakahulugan.  Ang kamay ang siyang pinang kokonsagrado ng pari upang ang tinapay at alak ay maging tunay katawan at dugo ni Kristo.  Ang kamay ang ginagamit sa paghahati hati ng tinapay at kalaunan ito’y ginagamit na pambahagi.  Ang kamay ang ginagamit nating pangkamay sa ating pag welcome, sa ating bagong kakilala, bilang pasasalamat, bilang pang congratulate. 

Image

Ang kamay ang siya rin nating pinangkakaway tanda ng ating pagbati o pagtawag sa taong kakilala.  Ang kamay din ang ating pinanghahaplos sa mga taong nawawalan ng pag asa.  Ang kamay ang siyang nagiging simbolo ng pagmamahalan ng magkasintahan, upang sila ay maging isa, HHWW (holding hands while walking, pa sway sway pa).  Ang kamay ang siyang pinakagamit natin upang tayo ay tumanggap at magbahagi.  Makipag kaisa. Makipag komunyon sa kay Hesus at sa ating kapwa. Ngunit lagi nawa natin makita ang pinakamalalim na kahulugan ng paglahad ng ating mga palad sa komunyon, ito ay nangangahulugang hindi lamang tayo tatanggap kundi, buong palad din tayong magbabahagi. Iyan ang hamon ng bahagi ng komunyon ng misa.

KAINAN NA.

Marahil pamilyar kayo sa commercial ng isang sikat ng instant noodles, kung saan pinahahalagahan ang sabay sabay ng pagdulog sa hapag kainan ng isang pamilya, hindi ba’t sa commercial na ito, nagkakaruon din ng pagbabahaginan, nagiging lugar kung saan nagkakamustahan, nagkakaalaman ng mga nangyayari sa pamilya, may komunikasyon sa bawat isa.  ang mga magulang ay nagagabayan ang kanilang mga anak.

Image

Ngunit, tila ang halaga ng salu salo o sama samang pagkain ay nawawala na.  bihira na rin marahil na ang pamilya’y sabay sabay na dumudulog sa hapag kainan, dahil sa maraming ang salik, ang hirap kumain ng hindi nagkikibuan, dahil may mga alitang namamayani sa tahanan, gayundin naman ang pagiging abala sa maraming bagay, tuwing hapunan, marami sa atin ang nakaaabang na sa mga telenovela, ang mga anak, ay hindi maabala sa harapan ng computer, sa internet. At iba pa.

Sa Eukaristiya, sa harap ng hapag, ang Diyos at ang tao ay nagkakamustahan, nag huhuntahan, at hanggang sa dudulog sa kainan.

Ngunit aminin man natin o hindi, tayo ay nasisiyahan kung tayo ay inaanyayahan sa kainan, hindi marahil sa kung ano ang pagkain.  Kundi sa magandang kalooban ng nag anyaya, ang masayang pagtitipon at umpukan ay nagdudulot ng mahalagang kahulugan.  Dahil sa lahat ng ito, bagamat di gaanong kasarap ng pagkain ang panauhin ay lubhang nasisiyahan.  Pinatutunayan nito na ang piging o salu salo na may kasamang masayang umpukan at usapan ay talagang mahalagang simulain at sumasarap ang pagkain.

Image

Si Hesus ay lumalahok sa maraming kainan upang ipahiwatig ang mga bagay na ito.  Una, sa pagsalo niya sa mga naninigil ng buwis, mga makasalanan, ito ay isang maliwanag na tanda ng kanyang pakikiisa sa mga taong ito.  Siya’y isang propeta at guro na nakikipagkaibigan sa lahat sa buklod ng kainan at kapatiran. Ang kanyang pakikiisa ay tanda ng maliwanag na pagpapatawad at pagiging maunawain. Ikalawa, si Hesus ay nagtuturo din habang kumakain, ginamit niya ito upang ipahiwatig ang awa ng Diyos.  Ikatlo, sa Huling hapunan, ang sal-salo na kinasangkutan ng Eukaristiya, siya ay gumamit ng tinapay at alak, mga sagisag ng kabutihan at pag aalaga ng Diyos.  Kaya nga walang dumadalo sa masayang salu salo dahil sa pagkain lamang.  Ang gayong paniniwala ay sinunod sa mga pagkain at sa huling hapunan binigyan diin ang diwa ng pagkakaisa at pakikisama kung kaya sinasabi niyang ang tinapay ang tunay na pagkain at alak ay tunay niyang dugo, ang dugo ng bago at walang hanggang tipan.

 

Ang Eukaristiya ay isang salu salo.  Pagsasalu salo ng hindi lamang pagkain, kundi ng buhay, ng presensya at ng pagkawala, ng tagumpay at kabiguan, ng ngiti at pagluha, dahil alam nating sa eukaristiya, sa hapag ng Diyos, siya ay ating nakakasalo.