LANGIT…

Biglang bumalik sa ala-ala ko ang nangyari sa akin nuong nakaraang taon, sa huling klase namin sa Eschatology, (ito na rin ang huling pagklaklase ko sa San Carlos Seminary bilang estudyante), nag report kaming dalawa ng kaklase ko tungkol sa topic na HEAVEN (langit), ang type ng reporting naming ay documentary. Sinimulan naming ito sa pamamagitan ng pagngangalap ng kasagutan kung ano nga ba ang langit? Makikita at maririnig mo sa video interview naming ito na talagang kahit ordinaryong tao ay may idea kung ano ang langit.

Pagkatapos ng aming reporting, dumako kami sa question and answer, kung saan magtatanong ang mga kaklase namin, natanong ako ng kapartner kong reporter, na paano nga kaya kung wala naman palang langit?

Ang dahilan kaya tayo umiiral dito sa lupa at nagpapakabuti ay dahil gusto talaga nating mapuntahan ang langit sa katapusan ng ating buhay. Ito ang pinangako sa atin ng Diyos, paulit ulit itong binabanggit ni Jesus sa kanyang pangangaral nuon. Ako man ay nagpapakabuti dahil nais kong mapuntahan ang lugar na ito, makaharap ang Diyos at magkaruon ng buhay na perpekto at buo.

Embraced-in-the-Hug-of-Jesus-Christ-e1409950520664-1024x703.png

Ngunit paano kung wala naman palang langit, e di wala, pero patuloy pa rin akong tutugon sa Banal na Tawag ng Diyos, patuloy pa rin ang aking pag OO sa Kanya. Natapos na rin ang aking seminary formation, isang buwan na akong pari, sa paglingon ko sa nakalipas na mga taon kong pag aaral ng Teolohiya, masasabi kong, hindi nga pala langit lahat, nakaranas din ako mala impyernong pangyayari, ngunit hindi ako nanatili rito, pinilit kong marating ang langit ng tagumpay. Wala mang langit, patuloy pa rin ako magmamahal kahit na masakit na masakit na. Patuloy pa ring magbibigay kahit walang wala na.

Sabi nga ng panalangin ni San Fracisco Javier (Pagkabighani): Hindi sa langit Mong pangako sa akin. Ako naaakit na Kita’y mahalin, At hindi sa apoy – kahit anong lagim . Ako mapipilit nginig Kang sambahin. Naaakit ako na Ika’y mamalas. Nakapako sa krus, hinahamak-hamak. Naaakit ng ‘Yong katawang may sugat. At ng tinanggap Mong kamataya’t libak.

Naaakit ako sa ‘Yong pag-ibig. Kaya’t mahal Kita kahit walang langit, Kahit walang apoy, sa ‘Yo’y manginginig. Huwag nang mag-abala upang ibigin Ka. Pagkat kung pag-asa’y bula lamang pala, Walang mababago, mahal pa rin Kita! Amen.

Si Kristo ang Pasko

“Happy Holidays, sir!” ito ang bungad na bati sa akin ng guard, ganuon din ng mga sales ladies at sales men ng pumasok ako sa pinakasikat na department store sa bansa.  Kahit saan ako magpunta, ay sinusundan ako ng ganitong pagbati, hanggang sa counter ganuon din.  Alam kong may mali eh, alam kong may mali sa ginagawa nilang pagbati.  Hindi na ko nakatiis, tinananong ko ang kahera, “Ms, bakit happy holidays ang greetings ninyo sa mga customers? Hindi ba dapat ay Merry CHRISTmas?” “Sir, ‘yan po kasi ang bilin sa amin ng management eh, para isahan na lang daw po ang bati hanggang sa new year…”

 Kung titignan nga naman sa isang banda tama at praktikal nga naman ang ganitong uri ng pagbati.  Pero ang nakakaligtaan ng mga taong ito na kaya ang mga customers nila ay nagkukumahog at natataranta sa pamimili sa kanilang department store ay dahil sa pagdiriwang ng Pasko. Masyado nang commercialize ang nangyayari sa pagdiriwang ng Pasko.  Kapag nasa loob ka ng mall ay maririnig mo ang mga Christmas carols, na talagang mag papain-ganyo sa inyong mamimili ng mamili.  Idinidikta ng mundo, na mahalaga ang mga materyal na bagay, kailangang may bagong damit na isusuot, masasarap na pagkaing pagsasaluhan sa hapag kainan sa noche buena para maramdaman ang saya ng Pasko. 

 

Nakakalungkot mang isipin, marahil ito nga ang takbo ng materyal na mundong ating ginagalawan.  Nakakalimutan natin na kaya tayo naghahanda at nagdiriwang ay dahil kay Kristo, ang pag gunita sa kanyang kaarawan.  Pati pa ba naman sa simpleng pagbati ng Merry CHRISTmas ay pilit natin siyang tinatanggal at kinakalimutan. At sa bandang huli, ano nga kaya ang rason natin kaya tayo masaya sa panahong ito ? Dahil ba sa long holidays o dahil alam natin si Kristo ang nagpapa merry ng buhay natin.

 Bago ako tumalikod ay tuluyang iwanan ang kahera na aking nakausap, ay akin siyang iniwanan ng ngiti sabay ang pagbating: Ms., Merry CHRISTmas.”

Panahon na naman ng Adbyento. Handa ka na ba?

Nitong nakaraang lingo, naging abala kaming mga seminarista sa paglalagay ng mga Christmas decors sa iba’t ibang parte ng aming seminaryo, mayruong nag ayos sa refectory, sa chapel, sa receiving area, at sa mga pintuan naming. Sobrang abala ang lahat, talagang lumabas ang mga creative side ng lahat. Pati ang advent wreath ay dinamitan ng mga sariwang dahon, at nailagay na rin ang apat nitong kandila.

 

Ano nga ba ang Adbyento? Ang Adbyento ay panahon ng pag asa at kagalakan sa paghihitay sa pagdating ni Kristo. Ang pagdating na ito ay tatlong uri. Unang pagdating, ay ang pagdating ni Kristo nung Siya ay ipinanganak, ang Kanyang Incarnation, ang pagkakatawang tao ng Salita. Ito ay nangyari mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan. Ang ikalawang pagdating naman, ay pagdating ni Kristo sa takdang panahon, kung saan Siya ay darating ng buong kaluwalhatian, huhusgahan ang sanlibutan. Ito ay mangyayari sa hinaharap. Hindi ba’t sa sa mga kantang naririnig natin sa panahon ng adbyento ay patungkol sa pagtawag kay Kristo na Siya ay dumating na. Ang ikatlong pagdating ni Kristo ay sa anyo ng misteryo, ito ay kasalukuyang nagyayari na, sa mga sakramentong ating ipinagdiriwang, sa mga simbolo at tanda ng mga sakramento. Lalung-lalo na sa Banal na Eukaristiya, inaalala natin ang misteryo ni Kristo, ating inaalala ang Kanyang unang pagdating at inaasahan ang Kanyang muling pagdating.

Nawa’y sa apat na linggong ginagawa nating paghahanda, mapuno tayo ng paghahandang nakatuon kay Kristong darating at hindi lamang sa mga paghahandang panlabas, ngayong panahon ng adbyento, tayo ay ina anyayahan ng simbahan na maging handa. Ihanda ang sarili sa pagdating ni Kristo, ang Siyang may kaarawan sa araw ng Pasko. Ngunit ang panghahandang ito ay gawin nawa nating mas malalim, hindi lamang sa paglalagay ng parol, pag tatayo ng Christmas tree, o ano pa man, bagkus, linisin at ihanda ang pusong pagsisilangan ni Kristo. Halina Hesus, Halina…