LANGIT…

Biglang bumalik sa ala-ala ko ang nangyari sa akin nuong nakaraang taon, sa huling klase namin sa Eschatology, (ito na rin ang huling pagklaklase ko sa San Carlos Seminary bilang estudyante), nag report kaming dalawa ng kaklase ko tungkol sa topic na HEAVEN (langit), ang type ng reporting naming ay documentary. Sinimulan naming ito sa pamamagitan ng pagngangalap ng kasagutan kung ano nga ba ang langit? Makikita at maririnig mo sa video interview naming ito na talagang kahit ordinaryong tao ay may idea kung ano ang langit.

Pagkatapos ng aming reporting, dumako kami sa question and answer, kung saan magtatanong ang mga kaklase namin, natanong ako ng kapartner kong reporter, na paano nga kaya kung wala naman palang langit?

Ang dahilan kaya tayo umiiral dito sa lupa at nagpapakabuti ay dahil gusto talaga nating mapuntahan ang langit sa katapusan ng ating buhay. Ito ang pinangako sa atin ng Diyos, paulit ulit itong binabanggit ni Jesus sa kanyang pangangaral nuon. Ako man ay nagpapakabuti dahil nais kong mapuntahan ang lugar na ito, makaharap ang Diyos at magkaruon ng buhay na perpekto at buo.

Embraced-in-the-Hug-of-Jesus-Christ-e1409950520664-1024x703.png

Ngunit paano kung wala naman palang langit, e di wala, pero patuloy pa rin akong tutugon sa Banal na Tawag ng Diyos, patuloy pa rin ang aking pag OO sa Kanya. Natapos na rin ang aking seminary formation, isang buwan na akong pari, sa paglingon ko sa nakalipas na mga taon kong pag aaral ng Teolohiya, masasabi kong, hindi nga pala langit lahat, nakaranas din ako mala impyernong pangyayari, ngunit hindi ako nanatili rito, pinilit kong marating ang langit ng tagumpay. Wala mang langit, patuloy pa rin ako magmamahal kahit na masakit na masakit na. Patuloy pa ring magbibigay kahit walang wala na.

Sabi nga ng panalangin ni San Fracisco Javier (Pagkabighani): Hindi sa langit Mong pangako sa akin. Ako naaakit na Kita’y mahalin, At hindi sa apoy – kahit anong lagim . Ako mapipilit nginig Kang sambahin. Naaakit ako na Ika’y mamalas. Nakapako sa krus, hinahamak-hamak. Naaakit ng ‘Yong katawang may sugat. At ng tinanggap Mong kamataya’t libak.

Naaakit ako sa ‘Yong pag-ibig. Kaya’t mahal Kita kahit walang langit, Kahit walang apoy, sa ‘Yo’y manginginig. Huwag nang mag-abala upang ibigin Ka. Pagkat kung pag-asa’y bula lamang pala, Walang mababago, mahal pa rin Kita! Amen.

Advertisements

Katawan ko, Templo ng Diyos

Kapag naiisip natin ang pangalan ng Panginoon Jesus, tiyak tama akong ang unang pumapasok na larawan sa isip natin ay isang Jesus na maamo, mabait, may pagpapahalaga sa tao lalo na sa mahihirap at mahihina, mahinahon kung magsalita.

Pero sa ebanghelyo ng paglilinis ni Jesus ng Templo, tila baga ito ay naging kabaligtaran. Si Jesus ay naghurumentado sa galit, ika nga.

Jesus-Cleansing-the-Temple-650x276

Sirain at baguhin. Ito ang naging dalawang kadahilanan ng Kanyang pagkagalit.

Nais ni Jesus na sirain ang kawalang respeto sa simbahan at pagiging marumi nito sa pandaraya at korupsyon.

Paano ba naman, yung mga hayop na ginagamit na sakripisyo ay hindi tinatanggap sa templo kapag hindi dun sa mga tamang tindahan binili. Ang problema napakamahal naman, tapos yung gagamitin mong perang pambili pag pinapalit mo sa mga tindahan dun ay mahal din ang palitan.

Ang mayayaman ay may kakayahang mag alay ng tupa, samantalang ang mahihirap ay isang kalapati lamang.

Ang mga mahihirap ay tila baga wala ng kakayahang mag alay dahil sa mga pandarayang nagyayari dito.

Ito ang kinagalit ni Jesus, ang ganitong uri ng sistema, sistema ng pandaraya at korupsyon.  Sa paglilinis na ito ni Jesus, nais niyang linisin din ang templo sa inhustisya at panawagan ng pagpapanibago.

Nais ni Jesus na baguhin patungo sa pagpapanibago sa pagdating ng bagong panahon.

Nasabi ni Jesus; “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw”

Ngunit hindi ito naunawaan ng mga tao.  Paanong ang templong, apat napung taong itinayo, ay magagawa lamang sa tatlong araw.

Ang paliwanag sa likod ng pangungusap na ito na ang bagong Templo ay: Gigibain, mula sa pagiging marumi sa korupsyon patungo sa pagpapanibago at perpekto.  Hindi na kailangang mag alay ng mga hayop sa kapatawaran ng mga kasalanan dahil mismong si Jesus na ang perpektong mag aalay ng Kanyang Sarili sa lahat ng panahon. Hindi na ang templong yari sa bato, kundi mismong si Jesus na muling nabuhay bilang pinuno ng Simbahan.  Sa paglilinis at pagpapanibago ng templo, ginagarantiyahan tayo ni Jesus ng kaganapan ng planong kaligtasan ng Diyos.

Ngayong araw na ito, ipignadiriwang sa Santa Iglesia ang makasaysayang pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma, itinayo noong ikaapat ng siglo. Ito ang Simbahang Katedral ng mga Santo Papa, na nagsilbi ring kanilang tirahan bilang Obispo ng Roma at pastol ng unibersal na Iglesia. “INA AT PINUNO NG LAHAT NG SIMBAHAN SA ROMA AT SA DAIGDIG” ang siyang taguri sa basilikang ito.  Ito ang simbahang ginagamit ng Santo Papa noong unang panahon nang wala pa ang Basilika ni San Pedro.

Isang napakagandang kapistahan at Ebanghelyo ang ating narinig.  At tayo ay hinahamon na tignan ang ating mga sarili.  Kapag muli akong nagtanong, kung ano ang unang pumasok sa isip natin kapag nabanggit ang salitang simbahan?

Masasabi natin marahil na ang simbahan ay isang lugar, gusali, bahay dalanginan…tama naman po talaga, ang simbahan ang siya nating tahanan…kung saan tayo ay tumatahan sa ating mga hirap na nararanasan dahil alam nating nasa piling natin ang Ama, na Siyang nagpapatahan sa atin.

Ngunit ang simbahan ay hindi natin maaring limitahan sa taguring lugar o istrakturang bato lamang.  Ang simbahan ay ako, ikaw, tayong lahat na binyagan, tayong dumudulog sa Eukaristiya.  Ang ating katawan ay templo ng Espiritu Santo.  Paano kaya kung dumating si Jesus at titignan ang kaibuturan ng ating puso, ng ating kaluluwa? Ano kaya ang kanyang makikita?

Marahil muli na naman siyang magagalit at magwawala, dahil ang templong katawan natin ay puno ng karumihan ng galit, pagkamakasarili, pagmamataas, inggit at iba pang kasalanan.

images (1)

Panginoon, marapatin Mo pong maging kalugod-lugod akong templo ng Iyong Banal na Espiritu. Amen.

Pananagutan

“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa.”

Ito ang ilan sa mga linya ng kantang pananagutan.  Lahat tayo ay tinatawagan na magkaruon ng pakialam sa ating kapwa.

Sa Ebanghelyo ni San Mateo (18:15:20) ito ay hindi usapin patungkol sa pagpapatawad, kundi kung ano ang nararapat gawin upang itama ang pagkakamali ng isang kapatid sa pananampalataya. Ang pagwawasto sa pagkakamaling ito ay tungkulin at pananagutan ng bawat isang Kristiyano sa isa’t isa.

“Wag mo akong pakialaman, buhay ko ito.” “Buhay n’ya yan, ‘wag tayong makialam.” “Ma at Pa! Malay ko at pakialam ko sa kanya!” Ito ang karaniwang namumutawi sa ating bibig lalo na’t ayaw nating masali sa usaping moral na nagawa ng ating kapwa. Ngunit tayo ay may pananagutan sa pagwasto ng nagkamaling kapatid.

images (1)

Ang ikabanata labing walo ay tinatawag na diskursong pampamayanan (community discourse), Sa buong kabanatang ito, itinuturo ni Jesus kung paano dapat tayo makitungo sa ating kapwa, bilang Kanyang mga alagad.

Sinasabi sa Ebanghelyo ngayon, ang tatlong hakbang para magkasundo ang lahat at maiwasan ang paglala ng sitwasyon kapag may kapwang nagkasala. Narito ang tatlong hakbang

Una, hinihikayat tayo na puntahan ang taong naka alitan, o taong nagkamali, upang siya ay kausapin ng personal at sarilinan lamang. Upang maiwasan ang pagkukuwento sa ibang tao. May karapatan ang taong nagkamali na malaman ang mga bagay na nagdudulot ng problema. At mapanatiling lihim ang pinag usapan sa pagitan ng dalawang nag usap.

Ikalawa, kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Ang tungkulin ng ikatlo (third person) ay ang pumagitna at hindi upang kumampi sa kahit anong panig. Malaki ang posibilidad na may makitang ibang anggulo sa pagkakamali kung tatlong tao ang mag-uusap.

images

Pangatlo, kung ayaw niyang makinig sa kanila, idulog mo sa simbahan ang nangyari. Kahit tago man o hindi ang kasalanan, may epekto pa rin ito sa buong sambayanan. Hindi ba’t kung mayroong hindi pagkakasundo o pagkakaunawaan ang mga kasapi nito, tiyak apektado ang buong grupo. Kapag nakagawa ng kasalanan – tatlong tao ang apektado – sarili, Diyos, at ang komunidad. At kapag nagtagumpay ang pag-uusap sa tatlong hakbang na nabanggit, dito na papasok ang usapin ng pagpapatawad.

Lagi sana nating tandaan, na walang perpektong tao, walang perpektong pamilya, walang perpektong pamayanan. Talagang dumarating na nagkakasala, nadarapa, nagkakamali tayo. Ito ang katotohananan ng pamumuhay ng magkakasama.  At tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. At higit sa lahat, napakahalagang manalangin bago isagawa ang pag-uusap, nang gabayan tayo ng Espiritu Santo ng grasya sa wastong pakikipagkasundo. Amen.

“Panginoon, iligtas mo ako!”

Tayo ay nakakaranas ng maraming pangamba, kahit alam nating kasa-kasama natin ang Diyos.  Maraming unos na dumarating sa atin, at ito ay patuloy na gumugupo sa atin.  Kapag nandyan na ang unos, ay lagi nating iniisip, isa itong malaking sumpa na nagpapahirap.  Nagdadala sa atin na malunod sa dagat ng problema.  Ngunit tayo ay tinatawagan na kaibiganin ang unos na ito.  Dahil kahit anong gawin natin, parte ito n gating buhay.  Sa likod ng bawat unos ay may mga nakatagong biyaya.

Una, ang unos ang paraan ng Diyos upang ipakilala Niya ang Kanyang sarili sa atin.  Ginamit ni Jesus ang unos upang ipakitang Siya ang Diyos ng sansinukob.  Nalaman natin na makapangyarihan Siya sa lahat. Na Siya ang pinagmumulan ng lakas ng lahat ng tao at bagay.  Hindi ba nga kaya Niyang palakarin ang tao sa ibabaw ng tubig, ng dagat, at kaya rin Niyang pakalmahin ang nangagalit na unos ng dagat. Sa pamamagitan ng unos, ipinapakita Niyang Siya ang Tagapagligtas. Sa gitna ng panggagalit ng panahon, iniligtas ni Jesus si Pedro sa tiyak na pagkakalunod.  Inabot Niya ang kanyang kamay sa alagad na nagduda sa kanya upang palakarin pabalik ng bangka. Nang makabalik na si Pedro sa Bangka, mula sa pagkakaligtas sa kanya ni Jesus. Nasabi ng mga ibang alagad: tunay na Siya ay Diyos. Hindi ba’t ang tagal na nilang kasama si Jesus, nagpakita ng mga himala ng pagpapagaling, at pinkahuling tagpo bago mangyari ito ay ang milagro ng pagpaparami ng tinapay at isda.

download

Ikalawa, ang unos ay pagsubok ng Diyos sa katatagan ng ating pananampalataya. Siguro, ay mas tamang sabihin nating ang unos ay tila isang exam, na nakailangan mapagdaanan, mapaghandaan upang mas lalong lumago ang ating pananampalataya.  Hindi ba kapag tayo ay nakakaranas ng pagsusulit, pinagyayaman nito ang ating kalaaman? Ganito rin sa ating pananampalataya kay Jesus na siyang Panginoon na ating pinanghahawakan. Ang bangka ay sumisimbolo ng ating Simbahan.  Marami sa atin ang lumilipat ng ibang relihiyon o simbahan kapag nakakaranas ng mga unos sa buhay.  Nasasabi nilang walang katiwasayan ang pagiging buhay Katoliko ko.  Hindi naman dapat ganuon, na aalis tayo ng ating bangka sa gitna ng maalong dagat ng pagsubok, upang lumipat ng ibang bangka. Hindi natin nakikita na si Jesus ay kasama natin sa bangka, sa ating Simbahan.

Ikatlo, ang unos ay pagpapamukha sa atin kung sino ang tunay na may kontrol sa lahat-lahat sa buhay natin.  Sa ebanghelyo, nakatuon ang tingin ni Pedro sa Panginoon, at  siya ay nakalakad sa tubig.  Subalit nang ituon niya ang kanyang pansin sa lakas ng hangin at laki ng mga alon, natakot siya at natuon ang kanyang pansin sa kanyang sarili.  Kung sarili ang pagtutuunan natin ng pansin, at kung hindi natin kikilalanin ang Diyos, tiyak na tulad ni Pedro, tayo rin ay malulunod sa unos ng ating buhay.

Sa Eukaristiya makikita natin ang presensya ni Jesus.  Na Siyang umaagapay sa atin sa napakaraming unos ng buhay natin. “Huwag kang matakot” ang wikang dumadagundong sa tenga n gating mga puso sa ingay at lakas ng alon ng dagat.  At si Jesus na ating tinatanggap sa Kanyang katawan at dugo ay handang sumama sa atin at handang tumulong kapag tayo ay sumigaw ng tulad ni Pedro: “Panginoon, iligtas mo ako!” Amen.

 

ANG SANTO NINO AT ANG EUKARISTIYA.

Tuwing sasapit ang ikatlong Linggo sa buwan ng Enero, ipinagdiriwang ng Santa Iglesya ang kapistahan ng Banal na Sanggol – ang Santo Nino.  Ito ang isa sa mga kapistahan na talaga namang napakalapit sa puso nating mga Pilipino.  Ito ay may kaugnayan sa pagpapalaganap ng pananampalataya na siyang kumalat sa buong isla ng Pilipinas.

Pagkilala, pagtitiwala at pagtalima…siyang litaw na litaw sa Batang Hesus ang Santo Nino at sa kanyang Eukaristiya.

PAGKILALA – ang batang Hesus ay nawala at natagpuan sa templo ng kanyang mga magulang. Nang siya ay tanungin nila, siya ay tumugon: “Bakit po ninyó akó hinahanap? Hindi ba ninyó alam na akó’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Tahanan ng aking Ama – isang pagkilala sa Diyos na kanyang Ama.  Bilang isang bata, alam niya na dapat siya ay kapiling ng kanyang Ama, ng kanyang magulang.  Sa Eukaristiya si Hesus man ay kumilala sa Ama, na siyang tagapagdaloy ng mga biyaya. Hindi ba’t kapag tayo ay dumadalo ng Misa naririnig ang mga panalangin ng pari na nakadirekta sa Diyos Ama. Pagkilala sa Ama na siyang pinakamakapangyarihan, pinakamapagmahal, at pinakamapagbigay sa atin ng lahat ng mga bagay.  Ang tanong? Kapag ako ay dumadalo ng misa at nasa loob ng templo ng ating Amang Diyos, ano ang ating nararamdaman? Kadalasan inip na inip tayo sa isang oras na misa, hindi tayo mapakali, nandito man ang ating pisikal na katawan ngunit ang ating isip at puso ay nasa labas ng simbahan. Ikalawang tanong, hanggang saan hahantong ang pagkilala natin sa kapangyarihan ng Diyos Ama? Kapag ba ang mga binibigay nya sa atin ay pawang magaganda lamang o dili kaya mga answered prayers? Kapag hindi natin nagustuhan, tayo ay nagagalit, nagtatampo, at ibang Diyos na ang ating kinikilala.

finding-in-the-temple-Mary

PAGTITIWALA – Sa murang idad ng batang Hesus hindi siya natakot na mawalay kina Maria at Jose na tinuturing niyang magulang. Bagkos sabi nga sa ebanghelyo, ang batang ito ay tatlong araw ng napahiwalay sa kanyang mga magulang at natagpuan sa templo.  Marahil alam ng batang ito na kapag siya ay nasa tahanan ng Ama, walang dapat ikatakot. Walang pangamba. Walang panganib. Sa Eukaristiya, nalalasap natin ang pagtitiwalang ito, kapag tayong lahat ay nagkakatipon bilang mga anak ng Diyos, ang lahat ng takot natin ay nawawala, ang lahat ng ating mga alalahanin ay tila gumagaan. Sa Eukaristiya nagtitiwala tayong ang mga kagutuman katulad ng mga pagkatakot at problema ay papawiin ng Diyos.  Nuong matapos mag huling hapunan na magkakasama sina Hesus at mga apostoles, si Hesus ay nanalangin sa hardin ng Getsemane, Dito litaw na litaw ang kanyang pagiging tao, nakaramdam siya ng takot sa mangyayaring kamatayan na kanyang haharapin, ngunit siya ay nagtiwala sa Ama, dahil sa larangan ng paghihirap na ito, alam niyang hindi siya nag iisa. May pagtitiwala sa Ama.

5930783198_0061380ea6_z

PAGTALIMA – ng matagpuan na ang batang Hesus, siya ay isinama ng kanyang magulang, at buong pagtalima siyang sumama. Sinabi nga sa ebanghelyo, siya ay umuwi kasama nila sa Nazareth at naging masunuring bata.  Sa Eukaristiya, ang Kristo Hesus ay buong pusong tumalima sa Ama.  Ang pagtatag ng Eukaristiya sa pamamagitan ng Hapunan at pagkamatay sa Krus – ay konektakdong mga pangyayari ng pagtalima, ng pagsunod sa kagustuhan ng Diyos.  Tuwing matatapos ang banal na Eukaristiya, tayo ay hinahamon, na tumalima sa Diyos, na ang salita at aral na ating narinig ay ating isabuhay at ibahagi, upang tayo ay maging mabuting anak ng Diyos.  Pagtalima.

6a00d8341c570653ef011168678994970c-400wi

Ngayon taon ay nakapaloob tayo sa Panahon ng Pananampalataya, huwag nawa nating sayangin ang binibigay na pagkakataon na ito na hindi mapaunlad ang ating pananampalataya.  Nawa katulad ng Batang Hesus, tayo ay patuloy na kumilala sa Ama na Siyang pinagbubukalan ng lahat ng mga biyaya, kasabay ang pagkakaruon ng pagtitiwala, dahil hindi tayo maniniwala at sasampalataya kung hindi tayo tunay na nagtitiwala, at panghuli ang pagtalima, tatalima tayo dahil kilala natin ang Ama, tatalima tayo dahil tayo ay nagtitiwala sa Ama.

Kapag titignan nating ang batang Hesus sa anyong Santo Nino, Makita nawa natin ang ang pagiging bata na nasa ating puso na kailanman ay hindi dapat mawala.  At ang batang Hesus na ito ay hindi nanatili sa sabsaban, hindi nanatiling bata, siya ay lumago, umunlad ang kaniyáng karunungan at lalong kinalugdan ng Diyós at ng mga tao. PAGKILALA, PAGTITIWALA, AT PAGSUNOD…

VIVA SANTO NINO! VIVA!