ANG GABING BAGO AKO MAORDINAHANG PARI

Nakapasok na rin ako ng silid tulugan ko matapos ang mahabang araw na nakalipas.  Nakahiga na ako ng kama, ngunit hindi pa rin dalawin ng antok, kahit alam kong ang katawan ko ay pagud na pagod na sa mga preparasyon sa aking ordinasyon at ang utak ko ay patuloy pa ring nag iisip sa maaring mangyari kinabukasan.

Pinatay ko na ang ilaw.  Sa katahimikan at kadiliman, maraming ingay at liwanag na bumalik sa aking ala ala.  Ang mahigit sampung taong lumipas ay unti unti bumalik ang mga ala-ala.

1234

Ang gabi kung saan sa unang pagkakataon ay nagpaalam ako kina tatay at nanay ko na papasok ng semaryo…ang pagkamatay ng lolo, isang linggo bago ako tumungo ng seminaryo sa Davao…

Ang unang pagsakay ko ng barko na talaga namang binalot ng takot dahil sa pagsalubong sa bagyo…

Sa unang pagkakataon na mapalayo sa pamilya, at pakisamahan ang ibang seminarista…

Ang unang birthday, Christmas, New year at ibat ibang okasyon sa bahay naming at ngayon ay malayo sa pamilya…

Ang pag aaral ng Philosophy at Theology na talaga namang pinaghirapan ng pawis at dugo…

Ang napakaraming kabiguan…ganundin ang tagumpay…

Ang maraming pagsubok na dumating, na talagang sinubukan ang tatag ko sa pagtugon sa Banal na Tawag…

Ang kasiyahan sa selebrasyon ng Eukaristiya at pagdarasal sa harap ng Blessed Sacrament…

Ang maraming dumating at umalis na mga tao sa buhay ko…

Mga nabuo at nasirang relasyon…

Ang pagtatapos ko ng pag aaral sa Masteral sa Theology, Perpetual profession, Diaconate Ordination…

Ang pagka assigned ko sa community sa Pangasinan…

Kasabay ng pag dating ng mga ala alang ito…dumating at bumagsak na rin ang maraming luha sa aking mata…di ko na makontrol…

Sumabay pa ang pagbaba at pagtaas ng balikat…

1148911_435033679932871_2081663424_n

Pag iyak ng pagbabalik sa napakaraming mga ala ala.

Luha ng saya na hindi ko kayang itago na lang sa puso ko…

Luha ng pasasalamat sa mga taong patuloy na naniniwalang kaya ko, kahit alam kong hindi naman talaga…

Luha ng pag awit ng pasasalamat sa Diyos sa pag tawag Niya sa isang abang katulad ko…

Luha ng pagtingin sa sarili ko, na walang wala ako, pero ang Diyos ay patuloy na sa akin ay nagmamahal…

Ang gabing ito ang pinaka tahimik at pinakamadilim sa lahat ng gabi, ngunit sa katahimikan at kadiliman, hindi ko maaring maitago ang liwanag ng luhang umaagos sa aking mata at ang ingay ng pag iyak ko…ito ang gabing kakaiba…hindi ko rin maitago ang liwanag at pagsigaw ng Diyos na mahal na mahal Niya ako… ito ang ang kakaibang gabi… ang gabing bago ako ordinahan sa pagpapari (Pebrero 12, 2016)…

Advertisements

MALING-MALI LAGI SI FATHER

Kapag sinimulan nya ng maaga ang misa, advanced ang relo nya,
Kapag na late na simulan ang misa, pinaghihintay nya ang mga tao.
Kapag may mga construction project sya, magastos si Father.
Kapag walang project, walang pakialam si Father.

Kapag kasama nya ang mga babae, playboy
Kapag mga lalake, pinagdududahan.
Kapag mga youth, kahina hinala
Kapag matandang babae, mama’s boy
Kapag nakadistansya sa mga tao, anti social at isnabero.

praying_priest_440.jpg

Kapag kabarkada ay mga matatanda, old fashioned.
Kapag kasama ay mga bata, out of place

Kapag matagal ang oras nya sa pagpapakumpisal, mabagal
Kapag mabilis magpakumpisal, wala syang panahong making sa nangungumpisal
Kapag nagsermon sya ng more than ten minutes, boring at homily abuse na
Kapag maikli naman ang sermon nya, hindi sya prepared.

Kapag ang boses nya ay malakas, sinisigawan ang mga tao
Kapag mahinahon magsalita, hindi maintindihan ang kanyang sinsabi.
Kapag may kotse si Father, napaka materialistic nya
Kapag wala naman kotse, napaka impraktikal nya at madalas nag tricycle lang.

Kapag laging bumibisita sa mga pamilya, lakwatsero
Kapag lagi lang na nasa loob ng kanyang kwarto, walang pakialam sa kanyang mga parishioners
Kapag humihingi sya nga mga contributions at donations, napakagastos nya
Kapag hindi naman humihingi ng pera sa mga tao, napaka yabang nya

prayer.jpg

Kapag sya ay bata pa, walang karanasan,
Kapag matanda na, dapat ng maretire

Kapag nagsorry sya sa mga mali nagawa, plastic at hindi totoo
Kapag hindi naman nag sorry, wala syang puso
Lagi na lang mali si Father sa paningin ng iba…

Habang sya ay nabubuhay, laging may mga taong mas magagaling sa kanya…
Pero kapag sya ay namatay…walang gustong sumunod na mga anak at batang lalake na maging paring papalit sa kanya.

 

ANG PAGMAMAHAL NI TATAY

Ang Diyos ay maihahalintulad sa isang ama. Siya ang manlilikha tanging tagapagpagalaw ng lahat ng bagay. Nuong nilikha niya ang tao, hindi siya naging makasarili, bagkus ibinahagi niya ang kanyang pagiging Diyos sa tao, katulad niyang marunong, magmahal, mag-isip, may pakiramdam, at malaya. Hangang nilikha niya ang isang tatay na katulad niya.

Haligi ng tahanan, iyan ang palasak na tawag sa ama ng tahanan. Siya ang pundasyon ng matatag na pamilya. Siya ang pinagmumulan ng lakas at inspirasyon ng pamilya. Bakit nga ba nilikha ng Diyos Ama ang ama ng tahanan? Marahil upang maging kongkreto ang pagmamahal ng Diyos sa tao. Dahil sa tatay naging kongkreto ang pagmamahal ng Diyos. Sabi nga eh, kung ano ang pagkakakilala mo sa iyong ama, tiyak iyon din ang pagkakakilala mo sa Diyos.

images (9)

Kaya isang malaking hamon sa mga haligi ng tahanan na maitabas nila ang kanilang buhay na katulad ng sa Diyos Ama. Hindi nagtuturo lamang ng mga aral sa buhay, kundi ang makita sa kanila mismong buhay ang mga aral na kanilang itinuturo.

“Ganun na lamang ang pagmamahal ng Diyos Ama, at kanyang ibinigay ang kanyang bugtong na Anak.” Ito ang pinaka huwarang halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa sankalupaan. Naalala ko bigla, nuong ako ay nagpaalam sa aking ama para pumasok ng seminaryo, siya ang una kong pinagpaalaman. Alam kong may lungkot man, ako ay kanyang pinayagan. Ganyan ang ama, handang magsakripisyo para sa iba, mahal niya ang anak, ngunit handa niya itong ilaan sa iba. Marahil kaya hindi naging mahirap sa akin ang magbahagi dahil talagang naranasan ko sa aking ama ang pagtulong sa kapwa. Maraming mga batang palaboy sa aming lugar sa Tundo, ngunit binuksan niya ang aming tahanan para ang mga batang ito na kanyang pinatuloy at kinalinga.

Ama, tatay, tatang, daddy, papa, kahit ano pa mang katawagan sa kanila, nawa’y maging mabuti silang ehemplo ng pagbabahagi ng kanilang sarili para sa kanilang pamilya.

BOKASYON

Ang bawat bokasyon ay may kalakip na kwento, kwento ng paghahanap sa Diyos, at mismong paghahanap ng Diyos sa tao. Napakahabang kwento kung aking isasalaysay ang aking kwentong bokasyon. Sa apat na puntos akin itong ilalahad.

Una, ang bokasyon ay isang banal na pagtawag mula sa banal na Tumatawag (Diyos). Tinawag sa ganitong buhay dahil sa pagmamahal ng Diyos. Maraming uri ng bokasyon, hindi ito nalilimitahan sa pagpapari, ito man ay maging sa pag aasawa, o estadong nag-iisa.

Ikalawa, ang Diyos sa kanyang pag tawag, walang sini sino, napakarami ko nang narinig nagsabing: “Bakit ako papasok ng seminaryo,eh makasalanan ako, para lang yan sa mga banal.” Meron pang nagsabi na: “Naku bakit ka nasa seminaryo? Sayang ka?” Dalawang magkasalungat na pananaw, na nangangailangan ng kaliwanagan. Una, hindi nalilimitahan ang pagtawag ng Diyos sa mga mahihina, makasalanan, at walang kwenta. Hindi man kapatdapat sa Banal na Tawag, Kanya itong minamarapat. Ikalawa, bakit tayo nanghihinayang na magbigay sa Diyos, at ang ibinibigay natin sa Diyos ay iyong the best natin, hindi latak at tira tira lamang.

Ikatlo, ang Diyos ay patuloy na kapiling natin, ang Diyos na nasa seminaryo at simbahan, ay parehong Diyos na nasa ating tahanan, nasa paaralan, nasa opisina at iba pa at higit sa lahat nasa puso natin at hindi nawawala. Naranasan ko ito ng ako ay lumabas pansamantala ng seminaryo, ang Diyos na iniwan ko sa seminaryo ang Siyang patuloy na gumabay at hindi kailanman nagtampo, at ngayon ay aking tinatapos ang huling taon ng pag aaral sa Teolohiya. Hindi Siya ang nawawala, kundi tayo ang nawawala at lumalayo.

ImagePanghuli, kapag ang Diyos ang tumawag, ang lahat ay kayang iwan. Ang sarap sarap mamili kapag pareho mong pinahahalagahan. Sabi nga sa dialogue ng isang pelikula: Sa isang pipiliin, isang libo ang tinatanggihan. Minahal ko at ginusto ko ang pagtuturo, ngunit tinalikuran ko to, mahalaga ito, pero mas pinili ko ang mas matimbang ang halaga. Sa huli ko na lang nalaman, na kaya ako muling tinawag, ay dahil ayaw niyang malimitahan ang aking pagtuturo sa apat na sulok lamang ng classroom, bagkos sa mas malawak na classroom, sa mas maraming tao, sa mas malawak na classroom, na tinatawag nating realidad ng buhay.

Ngayon, patuloy kong ninanamnam ang sarap ng ikalawang pagtawag, ganuon pala ang pakiramdaman ng muling pakikipagbalikan sa taong pinahahalagahan ka at minamahal. Amen.