Si Tatay, at ang Matigas at Magaspang Niyang mga Kamay

Bata pa ako, madalas akong magreklamo sa pagkain nakahain sa mesa namin. Madalas nasasabi ko sa magulang ko, “Bakit ito lang ang pagkain,” “Bakit laging ganito na lang lagi, nakakasawa na.”

Hanggang isang araw, namalayan ko na lang, na ang nanay at tatay ko, maaga pa lang, gising na para maghanap buhay, para may makain kami sa mesa.

Duon ko rin nalaman na hindi lang pala pagkain lang ang nasa mesang aming pinagsasaluhan. Ito pala ay galing sa dugo at pawis ng kanilang pagtratrabaho at sino ako para magreklamo. Ang pagkain pala sa mesa at ang nanay at tatay ko ay iisa.

Madalas kong nahahawakan ang kamay ni Tatay. Lalo na kapag nagmamano ako sa kanya.

Pero hanggang ngayon, at mas lumala pa nga, laging magaspang at matigas ang kanyang mga palad. At mas lalo kong hinihigpitan ang hawak sa kanyang mga kamay na gustong magparating ng walang hanggang pasasalamat ko sa kanya.

hard-hands1

Ang mga kamay na ito ang ginamit nya para punlaan nya kami ng magandang kinabukasan.

Ang mga kamay na ito ang ginamit nya para dugtungan nya ang aming buhay.

At ang mga kamay na ito ang ginamit nya, para hawakan nya ang mga kamay kong malambot at halikan nuong ako ay naordinahan na.

Ang tatay ko at ako bilang pari na ay pareho na palang ama.

Father ang tawag sa akin kahit wala akong asawa at mga anak. Kahit tatay ko, father na rin ang tawag sa akin. Kahit mga lolo at lola, father ang tawag sa akin. Kahit sinong kakilala ko, father talaga ang tawag. Nag papaala, na ako ay isa na palang ama.
At ngayon, naghahanda na rin ako ng pagkain sa mesa. Tinapay at alak ang hain na ang dulot ay Buhay na walang Hanggang kay Kristo.

Ang mga kamay na konsagrado, ngayon ay nagiging instrumento ng pagsasakripisyo sa ngalan ni Kristo.

Si tatay at ako, parehong ama na, na parehong ginagamit ang mga kamay para magdugtong ng buhay at magandang kinabukasan sa ibang tao.

At kapag nararamdaman ko na ang hirap at gusto ko ng bitawan ang buhay pagpapari, ninanamnam ko ang mga karanasan ng paghawak ko sa mga matigas at magaspang na kamay ng tatay ko, at duon nararamdaman kong kailangan kong magpatuloy, dahil patuloy nya akong hinahawakan sa aking kamay at nagsasabing: “Huwag kang bibitaw…”

Salamat kay tatay, salamat sa magaspang at matigas niyang kamay.

Maligayang Araw ng mga Ama, ‘tay Ben.

Advertisements