Aksidente

July 16, 2012, Lunes, 9:00 a.m. Skyway, Muntinlupa – ito and araw na di ko makakalimutan. Dalawang taon na rin pala ang nakakalipas.  Ang community ng Sta. Cruz Parish ay papuntang Laguna para sa aming community outing.  Kaya nga lang, hindi sa outing napunta, kundi sa isang aksidente napunta, isa ako sa nakasakay sa kotseng bumabagtas sa kahabaan ng skyway sa Muntinlupa, bigla kaming nakarinig ng pagsabog, iyon pala, ang gulong sa likuran ng sasakyan namin ang pumutok, gumewang ang sasakyan, pakaliwa, pakanan, hindi na namin alam ang susunod na nangyayari, tahimik kaming lahat.  Ang tanging naririnig na lang namin ay ang tunog ng hindi malamang dereksyon ng sasakyan namin. Pumikit na lang ako. Nasabi ko na lang sa sarili ko at sa Diyos: “wala na to Lord, tapos na ko Lord, wala na to…” biglang huminto ang mundo ko, maraming ala-alang bumalik sa akin, bumagal lahat.

Hanggang sa tumahimik na ang lahat, wala na ring galaw akong naramdaman. Hanggang sa imulat ko ang mata ko, nakatagilid na pala ang sasakyan namin, hindi ako masyadong kumilos kasi alam ko, baka naka angkla na lang kami sa gilid ng skyway, at konting kilos lang namin ay babagsak ang sasakyang kasama kami.  Ngunit naging alerto kami at kalmado, isa-isa kaming lumabas ng sasakyan. Ng makalabas na kami, nakita ang itsura ng sasakyan, ay talagang natakot kami, pero napangiti pa rin ako,kahit takot, dahil nakita ko ang sasakyan na ilang pulgada na lang ang layo at mahuhulog na pala ito sa baba ng skyway, at ang sumunod na tagpo ay nasa emergency room na kaming lahat  sa Ospital ng Muntinlupa.

555552_10150986084185665_695430115_n

Sa loob ng ospital, kami ay tinanong kung taga saan, sinabi namin na kami ay galing ng Sta. Cruz, Maynila, at kami ay mga pari at seminarista.  At nasabi na lang ng kausap namin na kaya pala nakaligtas ng buhay sa aksidente dahil mga pari at seminarista kami. Niligtas daw talaga kami ng Diyos.

Pangalawang buhay, ito marahil ang handog ng Diyos sa akin at sa aming lahat na kasama sa aksidenteng nabanggit.  Buhay na pandugtong, buhay na muling ipinagkaloob, buhay na regalong muli sa amin.  Wala akong emosyon na maramdaman habang nasa ospital at habang pauwi na ng konbento. Ngunit pagsapit ng gabi, ng ako ay mapag isa na sa loob ng aking kwarto, duon na ako umiyak ng umiyak, duon na lumabas ang emosyon kong hindi ko maintindihan kanina pa.  Magkakahalo, awa sa sarili, takot sa nangyari, pag iisip na paano kung patay na ako ngayon, at sa bandang huli, pagbibigay pasasalamat sa Diyos sa pangalawang buhay na kaloob Niya.

W-OLMC-35

Naalala ko na lang bigla, kapistahan pala ng Our Lady of Mt. Carmel ngayon, marahil niligtas kami sa tulong ng mahal na ina, hinawakan ang eskopularyong suot naming sa aming mga leeg, upang hindi kami tuluyang mahulog sa kamatayan.  Umiiyak pa rin ako, inilabas ko na lang eskopularyong laging suot ko, hinalikan ito saba’y naibulong sa mahal na Ina: “salamat, nadyan ka…”

~ by Mga Pagpapalalim sa mga Kaisipan at Karanasan ni Dikong Rael. on July 16, 2014.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: