DASAL-AWIT

MAINGAY NA MUNDO

Masyado ng maingay ang mundong ating ginagalawan, na tunay namang nakakaapekto sa ating buhay.  Sa paggising pa lang sa umaga, marami sa atin ang hindi na kailangan ang alarm clock dahil kusa ng nagigising sa pagbubunganga ng kanilang asawa.  Nakakagising na ingay. Maraming tao ngayon ang hindi na sanay mag trabaho ng walang earphone na nakapasak sa kanilang mga tenga. Sinasabayan ng pakikinig ng musika ang kanilang pagtratrabaho.  Nakakaenganyong ingay.

Kapag lumabas ka ng bahay, maingay din, ang busina ng mga nag uunahang sasakyan na naiipit sa traffic, ang mga tsisimisan ng ating mga kapitbahay.  Pagsumakay ka ng jeep ay hindi ka rin ligtas, dahil pag natapat ka sa jeep na may malakas na nagpapatugtog ng stereo ay talagang laglag pati ang tutuli mo.  Nakakairitang ingay. Pag makikinig ka ng radio maraming mga musika ang hindi mo na maintidihan dahil sa kakaibang mga ritmo nito at liriko, pag nakinig ka naman ng balita, panay pagbabangayan ang ating maririnig.  Nakakainis na ingay.

KAKAIBANG INGAY NG SIMBAHAN NG STA. CRUZ

Marahil, hindi ako nag iisa sa aking karanasan ito, marahil marami tayo.  Ito man ay narinig ko na sa ibang mga tao, na kapag pumasok sa simbahan ng Sta. Cruz ay kakaibang ingay ang ating naririnig. Kahit nasa gitna ang ating simbahan ng kalyeng maraming sasakyan, kakaiba pa rin kapag nandito ka na sa loob.  Ibang ingay ang ating naririnig. Hindi kaya dahil ang sasalubong sa iyo ay ang Kristong nasa anyong Tinapay, na inaanyayahan ka na manahimik at magdasal?

Ang simbahan ng Sta. Cruz ay kilalang Eukaristikong komunidad, kung saan ang mga Blessed Sacrament Fathers at Brothers ay nagbabahagi ng kanilang misyon na tumugon sa kagutumang ispiritwal ng lahat ng mga tao sa pamamagitan ng kayamanan ng Diyos na dumadaloy sa Eukaristiya.  Kapag walang misang nagaganap, ang Banal na Sakramento ang Siyang itinatanghal sa altar.  Upang mas lalong pang maparangalan  ang Eukaristikong Kristo na ating tinanggap sa ginanap na misa.

PANALANGIN AT MUSIKA

Bilang isang Sacramentino, ako ay tinatawagan na maging tapat sa pang araw-araw na pagluhod, pagpuri at pagdalangin kay Hesus ang Banal na Sakrameto.  Nasusulat sa aming Rule of Life # 29 “…faithful to the tradition received from our Founder (St. Peter Julian Eymard) we spend at least one hour each day in prayer before the Eucharist.  This prayer forms part of the mission of the Congregation and has priority in the life of each founder.”

Ang pagluhod sa harapan Niya ay hindi rin madali, dahil may mga pagkakataong ang aking isipan at puso ay may mga ibang pinag-iisipan, may ibang alalahanin at may ibang pinagtutuunan ng pansin.  Maligalig sa loob.  Maingay sa loob.

Music is the universal language. Ito ang pinaka pamilyar na kasabihan tungkol sa musika.  Ang musika ay nakakapag-usap sa lahat ng tao sa wikang nauunawaan ng lahat. Kahit na ang bingi at sintunado ay naririnig ito, kung sila ay nakikinig lamang sa boses ng kanilang kaluluwa. Ang musika ang siyang pinakamakapangyarihan at emosyonal sa lahat ng uri ng sining. Binibigyang halaga nito ang masinsinang paghubog sa moralidad ng tao.

Mahigit dalawang buwan na rin ang nakakalipas mula ng simulan ang pagpapatugtog ng instrumental music habang nakatanghal ang Banal na Sakramento.  Ang pakikiniig ko kay Kristo sa panalangin ay mas napapalalim dahil sa musikang naririnig.  Ang instrumental music ay sinasabing panalangin na walang kasamang mga salita.  Iyong tipong ang dalawang nagmamahalan, ay hindi na kailangang ibuka ang kanilang mga bibig upang masabi kung gaano nila kamahal ang bawat isa.    Sa tinginan lamang, sabayan pa ng magandang musikang background ay sapat at tamang tama na.

Dahil sa instrumental music habang ako’y nanalangin, ito’y nakakatulong upang muli kong mapagtagni-tagni ang mga nakaraang kong karanasan at makaharap ng may pananampalataya sa hinaharap na panahon.  Ganun naman talaga ang nangyayari sa ating panalangin, kinakausap natin ang Diyos sa mga pangyayaring nangyari na, at humihingi ng grasya na maharap ang bukas. Tunay na ang musika ay nakakapasok sa ating mga karanasan at nararamdaman.

Ngunit kadalasan din naman, nahuhuli ko ang aking sarili, pakiramdam ko ay hindi na nagdarasal, dahil hindi ko na kinakausap ang Diyos na nasa aking harapan.  Dahil sa mga pamilyar na musikang aking naririnig kahit instrumental music lamang ito. Ito ay nagkakaruon ng mga liriko sa pag awit ko nito sa aking isipan.  Ngunit akin ding napagtanto na ang paglalagay liriko at pag awit nito ay isang ekpresyon ng pananalangin at pagpupuri sa Kanya. Sinasabi rin na ang musika ay dalawang beses na higit kaysa sa panalangin, isang patunay na ito ay mabisang paraan upang magpuri sa Maykapal.

Masyado mang maingay ang mundong ating ginagalawan. Mula pag mulat ng ating mata hanggang sa pag pikit nito ay maraming ingay tayong naririnig.  Tahimik man tayong nakaharap sa Kanya bilang ating pagdalangin, ang puso at isipan natin ay maingay pa rin.  Ngunit dahil sa musikang ating naririnig habang tayo nananalangin, tayo ay dinadala sa mas malalim na pakikipag ugnayan sa Kanya.

Ang musika at pananalangin ang nagbigay inspirasyon at pag-asa sa tao, pinag-aalab ang kanyang pagmamahal, nagiging tinig ng kanyang kasiyahan, nagbibigay parangal sa kanyang katapangan at nagiging muog sa oras ng kawalan ng pag-asa at pinanghihinaan. Ito ang nagbibigay kagalakan sa mga nalulungkot at nagturo sa kanya na maging mahinahon. Ang musika ay ang ating buhay. Ang musika ay ang ating panalangin. Ating inaawit sa Diyos… ating dasalawit sa Diyos…Amen.

~ by Mga Pagpapalalim sa mga Kaisipan at Karanasan ni Dikong Rael. on September 15, 2012.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: