Kasama kita sa paraiso…

(Ang pagninilay na ito ay ibinahagi ng may akda sa pagdiriwang ng Byernes Santo (Pitong Huling Wika ni Hesus)  sa parokya ng Sta. Cruz Parish, Sta. Cruz, Manila.)

Madami kang kaibigan, ngunit nakaranas ng matinding problema, naiwanan sa ere. Dating buo ang pamilya, may naunang pumanaw, naiwang nangungulila. Ang asawa o kasintahang nangakong mamahalin ka ng lubos, sinira ang pangako, nang iwan. Ikaw kapatid, naranasan mo na bang maiwan o ikaw ang nang iiwan?

Ang ikalawang huling wika ni Jesus ay isang garantiya sa ating lahat na tayo ay laging kasama ay may kasama, tayo ay hindi maiiwanan. Maiwanan man tayo ng lahat ng mga alam nating nagmamahal sa atin ngunit ang garantiya ng Diyos sa atin na sa Kanya ay marinig: “Sinasabi ko sa iyo: Ngayon din ay isasama kita sa paraiso.”

NGAYON DIN

Nagkaruon ng malaking karangalan ang dalawang kriminal na mabayubay katabi ng Diyos. Ang isa sa kaliwa na hanggang sa kanyang kamatayan ay ang pagiging masama ang nangibabaw. Samantalang ang nasa kanan naman ay nakakita ng liwanag at nakaramdam ng init – liwanag at init ng pagmamahal ng Diyos. Hindi na siya nag atubili pa humingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa.
Ngayon din, hindi bukas, hindi sa susunod na panahon kundi ngayon at wala nang pagpapaliban pa. Ito ay ekspresyon ng napakadakilang katiyakan sa nagsisising makasalanan na makasama si Jesus sa kanyang paraiso. Sa sandaling iyon, sa araw ding iyon, nakamit ang katuparang ng pangako.
Ang kabaligtaran ng ‘ngayon’ ay kahapon. Ang hirap mabuhay kapag laging nakatuon sa kahapon. Hindi ba’t ang hirap magbigay ng pagapapatawad sa kapwa kapag naalala lagi natin ang mga masasakit na ginawa ng taong iyon sa ating buhay. Nabubuhay tayo sa kahapon. Marami rin akong kakilala na hindi na nagsisimba dahil ang tingin nila sa sarili nila ay makasalan dahil sa mga kasalanang kanilang ginawa. Nabubuhay sa kahapon. Ang kahapon ang siyang nagiging hadlang sa atin na tanggapin sa ngayon ang pagpapatawad at pagmamahal ng Diyos. Nang winika ni Jesus na: “ngayon din…” Ito’y pakahulugan ng kahit ano pa man ang ating mga maling nagawa kahapon, sino man tayo kahapon, ay nanaisin pa rin Niya na tayo ay mahalin at mapatawad. Hindi mahalaga sa Kanya ang ating kahapon, kundi ang ngayon, Siya ay interesado sa ating magandang buhay sa ngayon. Basta’t magtiwala lamang tayo sa Kanyang kabutihan at awa.

ISASAMA KITA
Sa huling sandali ng buhay ni Jesus, lahat ng Kanyang mga apostol, maliban kay Juan ay hindi Niya kasama. Si Jesus ay naiwan. Ang kanyang mga tinuring na mga kaibigan ay nang iwan at nagtago sa takot na sila man ay matulad na mapako sa krus. Sino ang Kanyang naging kasama? Ang dalawang kriminal na pinagitnaan Siya, hindi nila pinili ngunit tinawag ng pagkakataon. Si Jesus ay nagkaruon ng kasama, sa gitna ng paghihirap ng pangungulila sa kanyang mga kaibigan, sa katauhan ng kriminal na nasa Kanyang kanan: “Jesus alalahanin mo ako kapag naghahari ka na…”

Ang pagiging kasama ni Jesus ay hindi lamang pakahulugan ng pagsama sa Kanyang kaharian, kasama dito ang mga balakid patungo rito. Ang pagpasan ng ating mga sariling krus sa araw araw. Kapag tayo ay nahihirapan sa ating buhay dalawang pagtugon ang ating ginagawa. Una, ang iba sa atin ay nagagalit sa Diyos sa mga pasakit na ibinibigay Niya sa atin, at ikalawa ay ang pagtanggap natin sa ating mga kasalanan at paghingi ng tulong at pagpapatawad. Ang dalawang magnanakaw ay ganito ang pagtanggap sa kanilang mga sinapit. Ang nasa kaliwa ni Jesus ay nagwikang: “Kung ikaw ang Kristo, iligtas mo ang Iyong sarili at kami.” Nasabi Niya ito dahil alam niyang may mahihita siya kay Jesus. Hindi ba’t ganito rin tayo, pupunta tayo sa Diyos kasi alam nating may makukuha tayong tulong sa Kanya. Ngunit kapag hindi nangyari ang hinihihingi natin tayo ay magagalit sa Kanya. Ang kriminal na nasa kanan ni Jesus, ay kinilala niyang si Jesus ay Diyos, inamin niya na siya ay mahina at nangangailangan ng tulong. At ibinigay ni Jesus sa kanya, na makakasama siya sa paraiso. Nabiyayaan ang kriminal sa kaniyang pagbabalik loob sa Diyos at pagiging tapat hanggang sa huli. Tayo, tulad niya, ay dapat ding magpakumbaba at makita na walang buhay kung tayo ay hiwalay sa kanya at ang tanging makakapaghiwalay sa atin mula sa Diyos ay ang pagkapit at pagpili sa kasalanan.

PARAISO
Magandang buhay, kasaganahan sa mga materyal na bagay, popularidad, kasikatan at pagkakaruon ng mataas na posisyon, magandang kalusugan – marahil ito ang mga bagay na masasabi nating ang buhay natin ay malaparaiso.
Wala mang nabanggit sa ebanghelyo na ang dalawang kriminal ay magnanakaw. Ngunit sa ating tradisyon sila ay ating nakilalang mga talamak na magnanakaw, sinasabi din na ang kriminal na nasa kanan ni Jesus ay isang mabuting magnanakaw na si Dimas. Si Dimas sa huling sandali ng kanyang buhay, ang bilis niyang nanakaw ang paraiso kay Jesus. Sa isang mabilisang paraan. Nakuha niya ito ng walang kahirap hirap ika nga. Humingi ng tawad sa kanyang masamang nakaraan, at ura uradang pinangakuan ng pagpapatawad, ng paraiso. Ito man ay nangyayari sa atin, ang pagbigay sa atin ng pagpapatawad ay ang pagbibigay ng pangako ring paraiso. Kailangan lamang natin itong tanggapin at pagkaingatan.


Ang pangakong paraiso ay ang kaligtasan, ang langit. Ang langit ay hindi para sa mga pasado. Ang langit ay para sa mga pasang-awa. Lahat ng pumapasok sa langit ay mga nakakapasa dahil sa natatanging awa ng Diyos – ang kaligtasan natin. Dahil sa kaligtasang ginawa ni Jesus muli Niyang ibinalik ang mga taong pinalayas ng Ama sa Kanyang paraiso. Muling binuo ni Jesus ang nasirang relasyon ng tao at ng Diyos Ama.

Panalangin
Panginoon, nakita ko ang kaliwang kamay ng nagtitikang magnanakaw na nagsisikap na abutin Ka bilang kanyang huling pag-asa. Nakikita ko ang Iyong kanang kamay na nagsisikap na abutin siya sa isang mahabaging pagyakap. Subalit ang mga pako ay ang pumipigil sa inyong dalawa na mahawakan ang isa’t isa. Gayunman, ang kanyang malungkot na tinig at ang Iyong mga Salitang nagbibigay-tiwala ay umabot sa puso ng bawat isa. Isang tao ang naligtas sa huling yugto ng kanyang buhay. Panginoon, kapag sumapit ang aking oras, nawa•y marinig ko mula sa Iyo ang nagbibigay-tiwalang mga salita: “Ngayon din ay isasama kita sa paraiso.” Amen…

~ by Mga Pagpapalalim sa mga Kaisipan at Karanasan ni Dikong Rael. on April 7, 2012.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: