Shortcut…

Mainit, masikip, nakakauhaw, nakakagutom, nakakainis, nakaka-ubos ng pasensya ito ang ilan lamang sa mga nararamdaman natin kapag tayo ay naipit sa teribleng dulot ng trapik sa kalsada.  Sa kalagitnaan nito, naiisip nating maghanap ng alternatibong daanan.  Iyon bang maari natin gawing shortcut.  Shotcut na daan na siyang magpapabilis sa patutunguhan natin, iyon bang koportable tayo, walang init, walang inis, at walang hassle.

            Ang Krus, ang kahoy na siyang kinatatakutan natin, sumisimbulo ng ating paghihirap at  kamatayan.  Kung puede nga lang na wala ng krus.  Si Hesus man ay hindi nakaligtas dito.  Atin Siya ngayong tinitignan sa kanyang pagkabayubay sa krus.  Ang mga kamay niyang dating humaplos sa mga binabalewala sa lipunan, ang mga may sakit.  Ang kamay na nagbibigay init sa mga taong nawawalan ng pag asa.  Ang kamay na tumatangan sa mga inosenteng batang hindi alam ang kanilang patutunguhan.  Ang mga kamay na pinang kaway sa pagtawag sa kanyang alagad.  Ngayon ang mga kamay na ito ay nakapako at hindi man lang maigalaw.  Ang mga paa ni Hesus na ginagamit niya sa paglalakbay patungo sa iba’t ibang lugar upang maghatid ng Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos, ngayon ay hindi man lang maihakbang.  Ang krus ang siyang nagparalisa kay Hesus.  Si Hesus man ay natrapik. Naiipit sa isang sitwasyong hindi makagalaw.

            Kasabay ng sakit ng pagkabayubay Niya sa Krus, ay ang pagtuya ng marami: “Bumaba ka diyan, kung ikaw ang tunay na Diyos…” Si Hesus ay tinuksong bumaba sa Krus.  Ngunit alam nating hindi Siya nakinig, bagkus ang pagsunod sa kagustuhan ng Ama ang siya niyang ginawa.   Ang panawagan kay Hesus na bumaba sa krus ay panawagan na mag shortcut na rin siya, para makaiwas sa trapik.

            Sa  araw-araw nating pamumuhay, madalas tayong mag shorctcut na nasusubukan ang moral nating pamumuhay.  Ang mag-asawang nahihirapan na sa kanilang pagsasama, nag diborsyo at tuluyang naghiwalay, nag shortcut!  Ang isang ama na nagtratrabaho sa isang opisina, ngunit mababa ang pasahod, nangurakot sa mabilisang pagkita, nag shortcut! Ang isang estudyante, panahon ng pagsusulit, tinamad mag aral, gumawa ng kodiko, nag shortcut! Ang isang anak na nabuntis, inilihim sa mga magulang, nag pa-abort, nag shortcut! Sa mga ginagawa nating mga shortcut sa buhay natin, ito’y pagpapakita lamang na ayaw nating manatili sa krus.

            Ang pananatili sa krus sa unang tingin ay pagpapakita ng kahinaan at pagkatalo, ngunit sa totoo lang ito ay ang pagiging malaya.  Ito ay isang malaking tagumpay, sa pagpiling sumunod sa kagustuhan ng Diyos at hindi kung ano ang madali, masarap, komportable – ang mag shortcut.

            Kung makaranas man tayo ng mga trapik sa ating paglalakbay. Pakiramdam natin ay masyadong nang mainit, masikip, nakakauhaw, nakakagutom, nakakainis, nakaka-ubos ng pasensya, Lagi nating tatandaan na pasasaan ba’t makakarating din tayo sa ating patutunguhan. Huwag nawa nating iwanan ang krus, na siyang nagpapahirap sa atin.  Gawin natin itong tulay sa sa pagtawid sa tagumpay ng ating muling pagkabuhay.  Sa krus ni Hesus bawal ang mag shortcut. Amen.

           

           

~ by Mga Pagpapalalim sa mga Kaisipan at Karanasan ni Dikong Rael. on March 14, 2012.

2 Responses to “Shortcut…”

  1. i was touched. i was moved. thanks for continuously inspiring us.

  2. Good articel po,nice🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: