“DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”

Dalawang tao na ang nakakaraan,  nang ako ay maatasan na magbigay pagpapalalim sa isa sa mga pitong huling wika ni Kristo sa Parokya ng Santa Cruz, sa Santa Cruz, Maynila.  Ito ang naging laman ng aking ibinahagi.

 

IKAAPAT NA HULING WIKA:

“DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”

PANIMULA

Ako’y lumaki sa Tondo, Maynila.   Bata pa ako ay lagi ko nang naririnig sa maraming tao ang maraming mga katanungan sa iba’t ibang sitwasyon at pagkakataon.  “Ano ba namang klaseng buhay ito, parang walang ng kaginhawahan?” ang tanong ng isang magulang na hirap na hirap at nag hahangad ng konting kaginhawahan sa buhay.  “Bakit siya pa ang namatay, paano na kami  nito?” ang tanong ng mga namatayan ng kapamilya.  “Nag-aaral naman akong mabuti, pero bakit bumagsak pa rin ako?” ang tanong ng estudyanteng bumagsak sa kanyang pag susulit. “Ang dami ko nang inaplayang trabaho pero ganun pa din, bakit hindi ako matanggap?”  ang tanong ng taong naghahanap ng mapapasukan. “Bakit ako pa ang nagkasakit, at may taning na ang buhay?” ang tanong ng taong may karamdaman. .  May mga bukang bibig pa nga na pag hirap na hirap ang isang tao ang lagi ko ring naririnig: “Diyos ko naman…Diyos ko naman…” Kung ating susumahin ang napakaraming mga katanungang ito – para bagang sinasabi ng mga taong ito ang : “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Kung ikaw ang tatanungin saang mga pagkakataon mo nasabing pinabayaan ka ng Diyos?

Maraming mga pagkakataon na sa aking buhay ay natatanong ko rin ang katanungang ito: Bata pa ako ay naranasan ko na ang talagang mabuhay ng mahirap.  Nanduon nakikita ko ang aking mga magulang kung papaano ang gagawing paghahanap buhay sa Tundo, magsabay sabay ba naman kaming limang magkakapatid, at nag ampon pa ng dalawang pamangkin at sabay sabay na pag aralin ay isang napakalaking pagsubok sa aking mga magulang.  Nanduon lagi kong naririnig sa kanila:  “Mahirap talaga ang buhay, mahirap talagang mabuhay, tila wala nang kaginhawahan ang buhay…” parang araw araw yatang naririnig ko yan sa kanila.  Bata pa ako, lumaki na ako sa seryosong pamilya na nais na makaranas ng kaginhawahan sa buhay.  Duon ko napatunayan, katulad ng naririnig ko sa marami:  mahirap nga talaga ang buhay, mahirap mabuhay.

Bata pa ako ay nag nanais na akong pumasok sa seminaryo, ngunit sabi ng nanay ko ay gastos lang daw iyon, bakit hindi na lang daw ako mag aral mabuti, magtapos at magtrabaho at nang makatulong sa kanila.  Hanggang sa hindi ko na mapigilan ang magbingi bingihan sa tawag na ito.

Sa maraming pagkakataon sa pagsunod ko sa Banal na Tawag ng Pagpapari ay hindi pa rin naging maayos ang pinansyal na estado ng aking pamilya.  Medyo kinakapos pa rin.  Hindi ba’t kapag susumusunod ka kay Kristo ay ipinagkakatiwala mo ang lahat lahat sa kanya, pati na ang pamilya na iyong iniwan, ay magiging maayos. Nakakalungkot na kung minsan kaming mga tumutugon ay hindi pa rin pala nakakaligtas sa mga pagsubok. Katulad ng pagkakasakit ng mga magulang. Parang ang naging  pag tugon sa tawag ng Diyos ay kondisyonal, na hindi naman tama.

Ang pagsunod sa Banal na Tawag ay hindi madaling biro.  Ang buhay sa seminaryo ay marami ring mga pagsubok na kinakaharap. Nanduong patuloy na hinahanap ang Diyos sa mga paulit – ulit at ordinaryong mga pangyayari.  Kadalasan nauuwi sa kawalan pa rin – kasabay nito ang mga pagtatanong na may ruon ba talagang Diyos? Mayruon ba talaga akong bokasyon sa ganitong buhay? Ano ba kasing ginagawa ko dito?   Sa loob ng seminaryo maraming pagkakataon na gusto ko ng lumabas at bumigay sa pagsubok na kinakaharap.  Hindi biro ang pang araw araw na pananalangin sa Banal na Sakramento, sa katahimikan, ay ipinapakita sa akin ng Diyos ang aking mga nakaraan. Nanduong pilit kong tinatakasan ang mga karanasang iyon pero pilit na pinapaharap sa akin ng Diyos.  At nakikita ko ang maraming mga karanasang pakiramdam ko ay wala ang Diyos, ang layo layo Niya.  Pero sa bandang huli nanduon Siya at karga karga Niya ako.

May isang lalaking nagdasal sa harap ng imahen ng nakapakong Kristo.  Ang tanong ng lalaking ito kay Kristo, “Panginoon, bakit kung kailan mas lumalapit ako sa Iyo, at sumusunod sa Iyo mas nararanasan ko ang mga bagyo sa aking buhay, ang buhay ko ngayon ay puno ng mga problema, ito po ba ang napapala ng mga taong  lumalapit sa Iyo?” at sumagot si Kristo, “Pasensya ka na ha, alam mo sa sobrang pagsama mo sa kin, sa sobrang pagdikit mo sa akin, sa sobrang pagyakap mo sa akin, pati katawan mo nabahiran ng aking dugo…”

Ngunit sa likod ng mga karanasang ito hindi ba’t ang sarap at ang gaan sa pakiramdam na may isang taong karamay natin, na nagsasabing hindi ka nag iisa sa laban na ito, naranasan ko nayan at napagwagian…kung nakaya ko, kaya mo rin… si Kristong nakabayubay sa Krus na tumataghoy, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Marahil ito’y itinuturing ng marami na itong ikaapat na wikang sinambit ni Hesus ang pinakamapait na pangungusap na nagtatanong…Ano nga kaya ang malalim na ibig ipakahulugan ng wikang ito?  Ano nga kaya ang nais ipakita ni Hesus sa Kanyang nasabing ito?

PAGPAPALALIM

Ang pang apat na wikang ito ay nagpapatunay na pakikiisa ng Diyos na nagkatawang tao sa atin.  Dito ipinapakita na si Hesus ay tunay na taong – tao.  Hinubad niya ang kanyang pagiging Diyos, tumupad sa kagustuhan ng Ama na maging kaiisa natin.  Nahihirapan, natatakot, nagtatanong sa panahon ng pagsubok.  Si Hesus ay katulad na katulad natin maliban sa kasalanan.  Ang pagsigaw ni Hesus ng pangungusap na “Diyos ko, Diyos ko, Bakit mo ako pinabayaan?” ay nagpapakita ng apat na puntos o sitwasyon:

Una, ang pagtaksilan at iwanan ng kanyang mga alagad na hindi na iba sa Kanya bagkus ay tinuring na Niyang mga kaibigan. Ang mga kaibigan, na tinuring na mga kapatid.  Napakasakit ang pagtaksilan ng isang kaibigan – katulad ng ginawa nina Judas at Pedro.  At mas masakit ang mag isa ka sa laban ng buhay na wala kang kasamang mga kaibigan – kaibigang maninindigan para ikaw ay ipagtanggol, tulungan, pagaanin ang kalooban.  Hindi ba’t ang sarap ng pakiramdam na sa panahon ng mg pagsubok pag alam mong may mga kaibigan kang karamay, nandyan sila, kahit wala maitulong sa iyo ay tahimik kang sinasamahan, at kapasan sa bigat ng problemang dinadala.

Ikalawa, ang maiwang mag isa.  Nung oras na nagdarasal sa Ama si Hesus sa hardin ng Gethsemani, nanduon makikita natin na takot man siya sa sasapitin niya kinabukasan sa pag pako sa Kanya sa Krus ay sumunod siya sa paniniwalang kalooban ito ng Ama, samakatuwid, ay hindi siya mag iisa.  Ngunit ng aktong nakabayubay na si Hesus sa Krus at inaalimura pa ng maraming mga tao, sinabayan pa ng hirap sa pagkakapako sa Krus ay talagang naramdaman niyang siya ay nag iisa.  Naramdaman ni Kristo na inilayo ng Kanyang Ama ang Kanyang Mukha  sa Kanyang Anak.  Sa pagkakataong ito, dinanas ng Anak ng Diyos ang poot ng Ama dahilan sa pasan-pasan Niya ang kasalanan ng buong sangkatauhan.  Siya ang kordero ng Diyos na inialay patayin upang alisin ang kasalanan ng sanlibutan.  Bagamat siya’y banal, walang kasalanan at dalisay sa kalinisan, Siya’y itinuring na makasalanan alang- alang sa atin.  Dahil dito’y Siya’y nawalay sa Kanyang Ama…siya’y naiwang nag-iisa.

Ikatlo, ang makita ni Hesus na ang mga taong kanyang tinulungan, pinagaling, pinatawad, minahal at pinaglingkuran ay kabaligtaran ng kanyang dapat tanggapin sa kanila – ang kawalan nila ng pasasalamat at utang na loob sa Kanya.  Ang mga taong matapos niyang bigyang katarungan, busugin sa kanilang kagutumang pang ispiritwal at bigyan kagalingan pang pisikal ay halos ipagsigawan na siya ay tunay na Anak ng Diyos.  Ang mga taong sumisigaw ng Hosana sa Anak ni David, ang Anak ng Diyos nuong maluwalhati siyang nakapasok sa Herusalem, ay madaling makalimot… habang siya’y nakabayubay sa krus ay iba na ang kanilang mga sigawan – ipako siya sa krus.

At bilang panghuli, ang makita ni Hesus ang kanyang mga minamahal, lalo na ang kanyang Inang nahihirapan.  Hindi ba’t ang hirap iwanan ang isang minamahal lalot na’t ang isang ina.  Ang Kanyang Ina na nag aruga sa Kanya sa loob ng tatlumput tatlong taon.  Sumisigaw na Siya sa hirap sa krus, at mas nararamdaman Niya lalo ang hirap sa Krus sa pagkakita Niya sa kanyang Ina na tumatangis.  May kasabihan ang mga magulang na hindi kayang makita ng mga magulang ang kanyang anak na nahihirapan. Kay Hesus ay ganun din, Siya bilang isang anak ay ayaw makita na nahihirapan ang kanyang Ina, kasama ng mga kaibigan at alagad niya na naging tapat sa Kanya.

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”  Ang panalangin nasambit ni Kristo habang binabata ang mga pagsubok. Isa pa rin ang kanyang dinadaingan, ang Diyos.  Isa parin ang kanayang, binubuksan ng loob- ang Diyos.  Siya at tanging siya lamang ang nakakakita ng bawat kanyang pinagdadaanan.  Ang Diyos lamang ang nakaaarok ng bawa’t hirap.  At siya lamang nag mapagkakatiwalaan.  Nasa kahulihulihan ay sa Diyos pa rin ihahabilin ang lahat.

Hindi ba’t sinabi ng Diyos na: Lumapit kayo sa akin, kayong mga nabibigatan sa buhay, at bibigyan ko kayo ng kaginhawahan.”

Pinangarap din ni Kristo: Mapapalad ang mga nagdurusa…ang kaharian ng Diyos ay nasa kanila.

Alam ni Kristo kung paanong naghirap ang Ama ng higit pa sa dinaranas niyang hirap. Biruin mong ang kaisa-isang Anak ay iaalay mo sa iba, para maghirap, at patayin.  Hindi biro sa isang magulang.  Pero dinaanan ito ng Ama dahil sa tindi ng pagmamahal Niya para SA TAO.

ITO ANG PATUNAY NG WALANG HANGGANG PAG-IBIG NG DIYOS.

HAMON

Ang Diyos ay di tagabigay ng solusyon kundi una at higit sa lahat ay kadamay natin sa pag suong sa hirap at pagsubok na dinaranas.

Tulad ni Kristo, kailangan harapin natin ang pagsubok ng may katatagan.  Di dapat tayo padaig sa takot.  Dahil pag naunahan tayo ng takot, nagagawa natin ang mga bagay-bagay na di dapat gawin. Unahan ng isang hakbang at ang Diyos ang siyang aagapay.  Ang lakas natin ay magbuhuhat sa Diyos.  Nawa’y makita natin na sa paghihirap ni Kristo, ginamit Niya ang krus, hindi lang para maghirap, kundi ginamit din niya itong luklukan at tungtungan patungo sa Ama at tunay na kaginhawahan.  Ang Krus ang regalong simbolo ng pakiisa ng Diyos sa tao.  Ang pinagbubukalan ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos.  At nawa’y sa bandang huli kapag ating sinasambit ang pangungusap na: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” ay nagpapakita ng pag asa na ang Diyos ang Siyang bahalang umagapay sa atin sa mga bagyo ng ating buhay.  Si Kristo ay hindi nanatiling nakapako sa Krus at namatay, Siya’y nagtagumpay at muling nabuhay… wag katakutan ang Krus… bagkus yakapin at mahalin… Amen.

~ by Mga Pagpapalalim sa mga Kaisipan at Karanasan ni Dikong Rael. on May 31, 2011.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: